Posts Tagged ‘video’

Laser Squadron

September 16, 2008 - 3:23 am 93 Comments

Kahit sinubukan ko ay hindi ko pa rin nagawang pigilan ang pagtigas at pagtayo ng aking etits buhok sa kung saan-saang bahagi ng aking katawan habang pinapanuod yan. Hindi naman ako manok para magkaron ng balahibo, pero syet, bumalik bigla ang ala-ala ng aking pagkabata at parang gusto akong labasan ng luha na mangingilid muna at saka aagos na parang baha. Alam ko OA na ako, pero umamin ka na, tumayo rin ang buhok mo habang pinapanuod ito.

Isa ang Maskman sa mga kinaadikan kong palabas noong kabataan ko. Pero hanggang ngayon, hindi pa rin nawawala sa isip ko kung paano tawagin ni Rio ang pangalan ni Michael Joe habang kinakain siya ng lupa. At kung paano tawagin ni Michael Joe ang pangalan ni Rio gamit ang mala-Renz Verano na boses. Hindi mawawala sina Black Mask Leonard, Blue Mask Adrian, Yellow Mask Eloisa, kikay Pink Mask Mary Rose na crush na crush ko at si Direktor Sugata na hanggang sa Takeshi’s Castle ay pinaparamdam ang kanyang Aura Power.

Ang Laser Magnum, Shot Bomber at Jet Cannon. Ang kanilang Great Five Robot at ang mukhang football player na Galaxy Robot na may napakalapad na kamay at nipples na pumuputok. Ang mga kontrabida na sina  Emperador Seba, Prinsesa Igamu, Dargan, Vulco, Fumin, Anagmus, Kiros at mga kangkarot na panggulong nakaitim na nakamaskara. Ngunit ang pinakapaborito ko sa lahat, ay walang iba kundi si Okerampa (hindi Pukerampa), na bumubuka at siyang nagpapalaki sa mga pinulbos na monsters ng Maskman.

Naaalala ko pa dati, ini-imagine ko na ako si Pink Red Mask. Gayang-gaya ko pa yung meditation gesture niya pero dismayado ako dahil hindi ako marunong lumipad para tamang kariran na ang pagta-transform. Pagkatapos magpalit ng anyo ay ang pinakamalupit na posing muna (nasa gitna sa larawan sa itaas). At sa halip na nasa kaliwa, ipinagpipilitan kong ilagay sa kanan ang relo ko para sakto kapag tatawagin ko na ang Robot ko o makikipag-komunikasyon sa mga kakampi.

Pero hanggang dun na lang ako. At sa panaginip ko na lang naiisip na nakasakay ako sa Galaxy Robot. Gayunpaman masaya na ako dahil kahit sa imahinasyon lang ay naging Maskman ako. Di tulad ngayon na puro kamunduhan na ang nai-imagine ko.

Maliban sa Maskman ay nahumaling din ako sa Bioman, Jetman, Fiveman, Turbo Rangers, Ultraman at Magmaman (mga higante na mukhang isda at may bombilya ng LRT sa dibdib), Machine Man (Buknoy the fighting ball at ang magmaneho ng nakadapa), Shaider (Annie kita Panty), Voltron, Masked Rider Black at marami pang iba. Malamang na-hook ka rin dito. Maliban na lang kung mas trip mo ang manood ng Sailormoon.

Sabi nga nila, lahat ng bagay ay may katapusan. Hindi ko na maalala kung anong katapusan ng mga ito pero bigla na lang silang nawala sa telebisyon. Nakalulungkot isipin na hindi na ito mapapanood ng mga makabagong henerasyon. Mami-miss ko lang talaga yung mga pose ko ala-Maskman. Di tulad ngayon, dahil sa pagbabago ng panahon, nagbago na rin ang mga trip na pose ng mga kabataang Pilipino.


Laser Squadron!

Alam kong marami sa atin ang naghahangad na ibalik ito muli. Kung sakali man, yung orihinal na lang sana ang ipalabas. Nakita naman nating lahat kung anong nangyari sa Zaido na mas maganda pa ang special effects ng lumang Shaider. At hindi ko rin yata matatanggap na gumanap na Red Mask at Pink Mask sina Gerald at Kim Chiu.

Ang mga seryeng ito na naging parte ng ating pagkabata ay kailangan ding magpaalam at palitan. Ngunit kung ikukumpara sa mga kasalukuyang palabas na may ganitong klase ng genre, hinding-hindi ko ito ipagpapalit. Pero kung ipapalabas ulit, hindi ako magdadalawang-isip na muli itong abangan at panoorin.