Bakit Sagabal Ang Payong Kapag Umuulan?
Ilang araw nang umuulan. Siguro ilang araw na ring namamayani ang pagka-emo ng karamihan. Kakaiba kasi ang mood na ibinibigay ng ulan. Nariyan ang maging sentimental, matulala o di naman kaya ay magbalik-nakaraan. Habang iniisip ang masasayang ala-ala ng lumipas ay tumutugtog naman ang kantang Payong (tinagalog na Umbrella) ni Miss Ganda sa backround. Magandang kumbinasyon. At napapa-di na, di na, hinde, hinde, hinde ka na rin habang nakangiti at sumasabay sa beat ng kanta ang paa mo.
Napag-uusapan na rin lang ang payong ay lulubus-lubusin ko na ang pagkakataon.
Karamihan sa atin ay kasangga na ang payong tuwing umuulan at kahit matindi ang sikat ng araw. At di lang yan, madalas din gamitin ang payong para sumalo ayon kay Bro. Mike Velarde. Pero maliban sa mga ito, may ilang bagay akong napansin na negatibong implikasyon na dulot ng payong lalo kapag umuulan. At kung nagkataon, malamang ay nasa Guinness na naman ang mga Pilipino sa paggawa ng pinakamalaking payong sa buong mundo.
Hindi epektibo ang payong kapag malakas ang ulan. Hindi parating diretsong patayo ang buhos ng ulan at maraming pagkakataon na may anggulo ito. Hindi maproproteksyonan ng payong ang buong katawan mo at swerte ka na kung hanggang binti mo lang ang mabasa. Di rin epektibo ang pag-anggulo ng payong dahil malamang ay umaanggi. Eh paano kung papasok ka ng eskwela o opisina? Kumusta naman ang sapatos at pantalon mo. At kung marunong humalakhak ang bagyo ay malamang pinagtawanan ka na nito.
Nakakairita rin yung mga aleng nag-iipit ng mahahabang payong sa kili-kili. Di ko alam kung nagtatanga-tangahan o hindi lang talaga naisip na pwedeng mag-exist ang tao sa likod nila. Kapag minalas-malas pa ay tatamaan ka ng dulo nito na namumukadkad sa putik. Idagdag pa ang mga taong walang pakundangan kung magkiskis ng basang payong sayo para sa sarili nilang kapakanan. Akala lang nila di ko alam na ginagawa nila yun para matuyo agad ang payong nila. Hah!
Malaking sagabal din ang mga payong lalo na ang mga de-tupi. Madalas itong ginagamit lalo ng mga kababaihan dahil pwedeng isuksok sa kanilang kikay bag. Kumportableng dalhin, madaling buksan, at ang hirap tupiin! Alam ko namang hindi na kailangang pag-aralan sa paaralan ang tamang paraan ng patutupi ng payong pero utang na loob talaga, hindi ko ito maperpekto.
At hindi malayong nangyari na rin sa iyo na sa kalagitnaan ng pagtawid sa kalsada ay biglang bumaligtad ang payong mo bunsod ng malakas na hangin. Sa halip na iintindihin mo ang pagtawid mo ay inasikaso mo pa ang bumaligtad mong payong. Dahil aminin man natin o hindi, nakakahiya ang mabaligtaran ng payong sa kalsada at hindi ka magka-ugaga sa pag-ayos nito.
Eh paano kung tuluyang lumakas ang hangin at tinangay ka? Tapos saktong may humaharurot na 10-wheeler trak ng gasolina na patungo sa direksyon mo. At sa sobrang lakas ng hangin, hindi mo makontrol ang payong at dinadala ka rin nito patungo sa direksyon ng humaharurot na 10-wheeler trak. Sa tingin mo ba may panalo ka pag nagbanggaan kayo?
Bakit hindi mo subukang magkapote minsan? Para ligtas at maiba naman. Ang mga halaman, ayos lang kahit hindi diligan kapag ganitong maulan.
At kahit anong baliktad mo sa payong mo, mapuno man yan ng kung anong hinahangad mo, kapag ginamit mo ulit ay matatapon at matatapon din yan. Mas mabuti siguro kung makukuntento at payayabungin ang kung anong kayang saluhin ng mga palad mo.
…hinulog ng langit na siyang nag-ampon, sa piyesta ng dahon ako’y sumilong, daan-daan larawan ang nagdaraan sa aking paningin, daan-daang nakaraan ibinabalik ng simoy ng hangin…


