Posts Tagged ‘tsismis’

Psst! May Tsismis Ako Sa’yo

August 13, 2008 - 3:34 am 79 Comments

Scenario: Umaga, papasok ka sa opisina. Paglabas mo ng bahay ay may dalawang losyang na kababaihan na pinagkaitan ng kagandahan ang iyong madadaanan. Masaya silang nagkukuwentuhan ngunit alam mong walang kwenta ang kanilang pinag-uusapan dahil sila ang pinakamalupit ng mga tsismosa sa inyong baranggay. At bago mo pa man din sila lampasan, isang nakakapanghamak na tingin ang sasalubong sa’yo at nanakaw ng titig mula ulo mo hanggang kuko. Pagkatapos ay magbubulungan, maghahagikgikan, magtatawanan sabay tapon ulit ng tingin sa iyo. Na kahit ilang metro na ang iyong layo, ramdam mo pa rin ang aura nila sa likod mo.

Isa ito sa mga pinakamadaling paraan para makipagpalitan o magkalat ng impormasyon. Katukin mo lang ang pinto ng iyong kapitbahay o tumambay. O kaya manahimik ka na lang sa sariling pamamahay, buksan ang pintuan o bintana o radyo o telebisyon, at kusa na itong lalapit sa iyo. Gayunpaman, isa ito sa mga pinakadelikado at pinakamalapit sa pagkakamali. At dahil sa pinagpasa-pasahan na ng ilang tao, hindi malayong ang impormasyong ito ay nabawasan, nadagdagan, o nabago.

Ang tsismis.

Kalat ito kahit saan. Sa bahay, opisina, eskwelahan, tindahan, simbahan, bangketa, kubeta, bahay-aliwan, sa jeep, fx, mrt, lrt, bus, Internet at kung saan-saan pa. Wala rin itong pinipiling oras. Maaari mo siyang almusalin sa umaga, ulamin sa tanghalian, nguyain sa merienda at inumin sa hapunan. Nagtatago ito sa ibat-ibang anyo. Ang pinakamasaklap sa lahat, ito ay maaaring kwentong gawa-gawa at walang katotohanan.

Ilang magagandang relasyon na ang nasira ng tsismis. Ilang pagkakaibigan na ang nawasak nito. Ilang mag-asawa at magsyota na rin ang nag-away at naghiwalay nang dahil dito. Dagdag pa riyan ang mga labtim sa showbiz na kahit nakakadiri ay pinapatulan pa rin ng masang Pilipino. Kumusta naman ang Archie-Madame Auring labtim na sa sobrang asim ay tuluyan nang napanis at umaming gimik lang ang lahat. At ang mataas na ratings na ibinibigay nito na para mapag-usapan lang ay gumagawa na ng kung ano-anong kwento.

Ang hirap kasi sa atin ay madali tayong magtiwala at maniwala. Oo lang ng oo, tango lang ng tango. Mahilig din tayo sumawsaw nang hindi man lang inaalam ang buong sitwasyon. Hindi pa nakuntento at ikinuwento pa sa iba nang hindi man lang sinisigurado kung may kahit kaunting bahid ba ng katotohanan o kasinungalingan ang kwento. Hindi man lang inalam ang puno’t dulo. Lalo pa ang mga kwentong may kinalaman sa mga tao sa paligid mo.

Kung tutuusin, madaling gumawa ng kwento. Lalo yung mga hindi totoo. Madali ring maniwala. Lalo pa kung wala tayong alam tungkol dito. Madaling magpalaki ng maliit na ningas. Sabuyan mo lang ng kaunting inggit na parang gasolina at kahit hindi mo paypayan, tiyak magliliyab yan. Ang mahirap ay ang patunayang totoo ang kwentong nilikha mo. Mas mahirap ang patayin ang apoy na ginawa mo. Dahil kung hindi ka magtatagumpay, mahirap na, ikaw rin ang masusunog sa apoy na sinimulan mo.

Scenario: Ka-chat ko pinsan ko na nasa abroad

pinsan: oi, anong balita?
ako: si mahal, buntis!

maya maya, tumawag ang ina ko na nasa abroad din kasama ang pinsang ka-chat ko

ina: *sumisigaw, mataas ang tono* hoy ikaw! ano itong sinabi ng pinsan mo? nakabuntis ka raw?! anak ka ng nanay mo! ang bata bata mo pa nakabuntis ka na agad! ano nang magiging kinabukasan mo niyan? hinayupak ka! dapat di na lang kita inire sa mundong ibabaw!… blah bleh blah… *marami pang dakdak na kasunod*
ako: huh? anong nakabuntis?
ina: eh sabi nitong pinsan mo, nabuntis mo raw si MAHAL!?
ako: ngek, ano ka ba? yung artista tinutukoy ko! yung pandak!
ina: ay put*ngina!

tsk tsk. tsismis nga naman.