Posts Tagged ‘surpresa’

May Surpresa ako Sa’yo

July 17, 2008 - 12:28 am 130 Comments

Ayon sa kasabihan, ang buhay ay punung-puno ng misteryo at maraming hatid na surpresa. Hindi na ito bago sa kahit sino man dahil maraming pangyayari sa atin ang kadalasan ay hindi natin inaasahan. Utang natin ito lahat sa mga taong nakapaligid sa atin at sa makulay na buhay na kahit hindi tayo kumain ng sinabawang gulay (na ngayon ay ginisang gulay na!), ay naghahatid sa atin ng mga karanasan na talaga namang maitatago natin sa baul ng nakaraan.

Gusto ko ng surpresa. Yung surpresang may magandang intensyon para sa taong susorpresahin ko. Pero ako yung magbibigay ng surpresa. Masarap kasi makita ang reaksyon nila. Yun bang napapa homaygums!, olipakinsiyet! o pautang ina! Tapos biglang yayakap sa iyo ng mahigpit tapos bibigyan ka ng gums-to-gums na halik. Ang saya diba? Ramdam ko na rin kasi ang tuwa tuwing napapatawa o kahit napapangiti ko sila sa aking surpresa, maliit man ‘yan o bonggang-bongga.

Ayoko ng surpresa. Yun bang ako ang susorpresahin. Pero yun tipong sasabihin pa na may sorpresa ako sa’yo. Masyado kasing malikot ang isip ko at kung anu-anong karumal-dumal na bagay ang naiisip ko. At para akong binabalatan ng buhay habang pinaliliguan ng suka at binubudburan ng asin pagkatapos ay tatadtarin ng pino saka ipiprito. Ang sakit nun! At joke lang lahat ng sinabi ko. Masyado ng exagerrated. Pero hindi talaga ako sanay ng sinosorpresa ako. Hindi kasi ako marunong mag-react. Ha haha! Parang tuod.

Noong isang linggo, naglalagalag ako sa mall kasama ang isang tao na itatago na lang natin sa pangalang Bb. B. Nauna siya sa aybol namin kaya humahangos at pawisan pa ako ng makita siya. Tumingin-tingin kami ng damit sandali tapos bigla niya akong niyaya sa pababa ng mall. Nagtaka na ako bigla dahil wala naman sa baba ang pakay namin. Habang nasa escalator tinanong ko siya kung saan kami pupunta at sinagot niya ako ng diyan lang sa baba. Ang buong akala ko ay kakain lang kami. Nang bigla niyang hawakan ng mahigpit ang braso ko at sabihing may sorpresa ako sa’yo.

Siyet na malagkit!

Parang gustong malaglag ng puso ko ng mga oras na iyon. Hindi ko alam pero natural na ata sa akin ang ganon kaya ayaw na ayaw ko ng sorpresa. Umagos ng butil-butil ang pawis ko at nanlalamig. Para akong nasa death row. Na matapos ang mahabang lakaran ay may sasalubong sa akin na pulutong ng gwardiya sibil at saka ako babarilin. Fuego! Gusto kong kumawala sa pagkakahawak niya sa braso ko sabay takbo. O di naman kaya ay mahimatay na lang bigla at hayaan ko siyang mahirapan kakakaladkad sa akin hanggang sa pabayaan na lang niya akong nakahandusay sa mall. Buti na lang at may nadaanan kaming parlor. Inisip ko agad na baka ipapa-rebond at reborn niya ang buhok ko. Kahit paano nabawasan ang kaba ko. Pero lumagpas kami! Waa! Hindi pala! Ayoko na! Tuloy pa ang kalbaryo.

Alam kong ayaw mo nitong gagawin ko. Talagang ginawa ko ito para hindi ka na makatanggi.

Heto ang binitiwan niyang mga salita. Hindi ko alam ang gagawin. Parang isang pagbabanta ang mga salitang iyon na nagsasabing magdasal ka na at malapit na ang buhay mo. Sabay pasok sa tindahan ng tsinelas. Anong ginagawa namin dito? Juice ko pong pineapple bayan! Ibibili niya ako ng Havaianas!

Ang puso kong gustong malaglag kanina pa ay tuluyan nang nalaglag. Nakita ko pa itong tumitibok ng mabilis sa lapag at nangingisay. Agad ko itong pinulot at nilunok para maibalik sa dating kinalalagyan dahil baka maapakan ng mga taong hindi magkamayaw sa pagpili ng tsinelas. Ang butil-butil at nanlalamig kong pawis ay tuluyang nagyelo at parang snow na nagsibagsakan. Gusto ko sana siyang yakapin ng mahigpit sabay halikan ng gums-to-gums pero parang hinigop lahat ng lakas ko. Sayang! At tila naka-inom ako ng humigit kumulang sa hindi ko mabilang na bote ng Elmer’s Glue. Hindi ako makapagsalita. Sa ingles, i’m a dead man walking, but still charming.

Ang inakala kong pulutong ng gwardiya sibil na sasalubong sa akin at babaril ay pulutong pala ng tsinelas na aking pagpipilian at isang pares sa kanila ay aking iuuwi. Hindi pa rin ako makapagsalita habang pumipili. Iniabot sa akin ni Bb. B ang natipuhan niyang pares na nagustuhan ko rin. Maganda kaya ang taste namin! At habang isinusukat, isang matabang babae na sa tingin ko ay bumibili rin ang may masamang titig sa akin. Parang gusto ko siyang kumprontahin at sabihing anong problema mo at ganyan ka makatingin? pwede ba, ibibili ako ng tsinelas. moment ko ito ,okey? so leave me alone! Buti na lang at hindi ako pa rin ako makapagpagsalita ng mga oras na iyon. Dahil kung nagkataon, tinaob ko sina Christopher de Leon sa pag-arte. At lumabas kami sa tindahan habang kumakanta si Gabby Concepcion sa utak ko ng Iisa pa Lamang sapagkat iisa pa lamang, iisa pa lamang ang tsinelas kong ganito.


i now have a pair of Havs! sabihin niyo nang jologs ako at
ipinapangalandakan ko pang mayron ako nito, WALA AKONG PAKIALAM!
ipinagmamalaki ko lang na may Bb. B ako na namimigay ng tsinelas! ha haha!
salamat Bb. B

Ang sarap sa pakiramdam. Matatalino naman ang mga bumibisita sa blog ko at alam kong alam niyong lahat kung anong punto ko. Hindi dahil sa mayroon na akong unang pares ng Havaianas. Kundi dahil alam mong may ilang tao na nagmamalasakit at nag-aalaga sa iyo. Nariyan sila para mahalin ka at maghatid ng masasayang surpresa. Hindi mabibili ng anumang salapi ang kaligayahang ito. Kaya mahal man iyan, mura, malaki, maliit, simple o magarbo, hinding-hindi ito matutumbasan ng kahit ano.

Ang mga sandaling ito ng ating mga karanasan sa ating buhay ang karapat-dapat na maitatago sa baul ng nakaraan, na tiyak masarap na balik-balikan.

Life was like a box of chocolates. You never know what you’re gonna get. But if it’s a box of tsinelas, you may know what it was. Homaygums, olipakinsiyet, pautang ina! It’s Havaianas