Posts Tagged ‘scam’

Pasaload

September 18, 2008 - 5:27 am 72 Comments

From: +63909384****

Message:
msta na u kuya Sen u 2 ito na new numbr me favor nMn pkilodn muna me ng 115 EMERGENCY lng nka confine ks me byadan me nlang pglbas me d2 tnks w8 q ha?

Una sa lahat, gusto kong lang malaman mo na kung hindi ko pa binasa ng ilang beses ay hindi ko maiintindihan ang text mo. Hiningal ako sa pagbabasa at buti na lang ay naisipan mong maglagay ng tandang pananong (?) sa katapusan ng iyong mensahe. Di mo ba alam na hindi lang isang beses pwedeng gumamit ng punctuation mark sa talata? O talagang hindi mo nagawang makilala sina tuldok at kuwit nang magsimula kang bumasa at sumulat.

Pangalawa, saang lupalop mo naman nahalungkat ang number ko samantalang di ko naman gawaing makipag-exchange numbers sa mga taong hindi ko kilala. Yan ay kung tao ka nga. At mas lalong hindi ko gawain ang magsulat ng number ko sa likod ng pinto sa banyo ng mga mall at maging sa mga upuan at dingding ng bus at maghanap ng makaka-SEB ko. Napakagaling mo rin naman manghula at sa kabila ng napakaraming bilang ng kumbinasyon na pwedeng mabuo ay lumanding ka sa isang numerong aktibo. Malas mo lang at sa number ko ito natapat.

Pangatlo, wala akong kilalang Sen. Diyan pa lang, bistado ka na! Akala mo ba matatakot mo ako sa pago-ALL CAPS mo ng emergency? Hindi rin naman makapal ang bagang mo at nagawa mo pang presyohan ang hinihingi mong load.

Pangapat, hindi ka ba nasuya dahil ilang beses mong ginamit ang salitang “me”? Hindi inimbento ang salitang yan para tumukoy lang sa iyo. Mamigay ka naman! Parang ipinagdadamot mo at inaangkin mo na eh.

at Panglima, kahit kailan ay hindi nilimitahan ang paggamit ng patinig sa pagtetext. Hindi rin sila binigyan ng presyo na sa tuwing gagamitin mo ay magkakautang ka sa banko at buwan-buwan ay dadagdag sa bill mo sa selepono. Kaya parang awa mo na, magpatinig ka! Lilima na lang yan. Gamitin mo na! Please!

Ito na ata ang pinaka-cheap at pinakawalang kalatoy-latoy na modus operandi ng panloloko na naranasan ko. Ganon na ba kahirap ang Pilipinas at kailangan pang humantong sa mga ganitong walang kwentang bagay ang naiisip ng mga Pilipino magkaron lang ng pang-text? O sadyang na mababaw na talaga ang iilan at di man lang nagawang mag-isip ng mas bonggang klase ng panggagantso na mas lalo silang makikinabang?

Wala ka namang ibang pwedeng gawin sa load na yan kundi ipangtext din sa ibang tao. Mabebenta ba yan? As if naman na may bibili. Hindi ka naman makakabili ng bigas at ulam para makain mula sa load na yan. At mas lalong hindi iyan maaaring ipambili ng utak para naman magkalaman ang bungo mong kinakabag na dahil sa masamang hangin na pumapaikot diyan.

Matuto kang paghirapan ang mga bagay na gusto mong makuha. Hindi yung manlalamang ka ng kapwa para makatikim ng biyaya ng iba.