Posts Tagged ‘pelikula’

Gusto Ko Maging Action Star

August 6, 2008 - 6:37 pm 87 Comments

Isa ito sa mga naging pangarap ko noong inosente pa ako sa kamunduhan mundo. Puro paglalaro ng teks lang kasi ang inaatupag ko noon, hindi katulad ngayon na iba na ang nilalaro ko. At kung matatandaan, puro pelikulang Pilipino ang nakalimbag sa mga sinaunang teks. Serye sila na parang komiks na pinutol-putol at kahit anong klaseng pagsunod-sunod ang gawin mo sa kanila, ay hindi mo mabubuo ang pelikula.

Pero dahil inosente pa nga ako noon, pinilit kong pagsunod-sunorin ang mga ito at nagtyagang basahin ang bawat usapan sa teks. Ang cool diba? Nakalulungkot nga lang dahil nasapawan ng mga makabagong teks ang mga sinauna. Ano nga bang laban ng mga action star kina Son Goku at Eugene na may 6 digits na power level? Hay gulay. Hindi tuloy ako nakabuo kahit isang pelikula.

Sino bang hindi nakakakilala kina Lito Lapid, Robin Padilla, Philip Salvador, Bong Revilla Jr., Rudy Fernandez at higit sa lahat ay si Fernando Poe Jr.? Mga kilalang action star ng makabagong henerasyon at nabansagan na ng iba’t ibang pangalan na tanging sa kanila lang ang pagkakakilanlan: Titanic Action Star, Binoy, Daboy at Daking! Inaantay ko na lang na mag action na rin si Dagul at talagang pipilitin kong maging Da One. At ang aking pangalan… DaddyKing!

Magsisimula ang istorya sa isang bida. Isa siyang pangkaraniwang tao at mahirap. At madalas ang kanilang mga karakter ay isang probinsiyano, alalay, mekaniko, kargador, tindero, drayber, guwardya, chairman, tanod, pulis, sundalo, at marami pang iba. At lahat sa mga nabanggit ay pawang may pangkaraniwang pamumuhay lamang, pang-masa ang imahe at tagapagtanggol ng mahihirap. Sa madaling salita, kadalasan sa mga bida ay salat sa karangyaan, walang kapangyarihan (hindi magic powers ah) at kaapi-api.

Pagkatapos biglang mababago ang takbo ng buhay ng bida matapos makabangga ang kontrabida. Kabaligtaran sa estado ng bida, ang kontrabida ay mayaman, nasa kapangyarihan, at maraming goons na tauhan. At dahil sa kapangahasang ginawa ng bida, sa halip na magtuos sila ng lalaki sa lalaki, reresbak ang kontrabida sa mahal sa buhay ng bida - maaaring kamag-anak, kaibigan, anak, magulang, ngunit kadalasan ay ang kanyang ka-labtim. Ang paghihiganti ay maaaring nasa anyo ng pagpapahirap, pagmasaker o kaya ay pagkidnap.

Dahil diyan, magpupuyos sa galit itong bida, manlilisik ang mga mata, mag-iiwan ng kanyang pamatay na linya sa isang eksena at saka maghihiganti sa kontrabida.

Pero hindi ito kakayanin ng bida ng mag-isa. Hindi mawawala ang kanyang sidekick na noo’y inakala ko pa na psychic. Kasi naman, ang sidekick na ito ang siyang chu-chu sa bida at parang alam nito lahat. Tagamasid sa paligid. At kung may ano mang balita tungkol sa kontrabida ay report agad sa bida. Taga supply din si sidekick ng mga kakailanganing armas ni bida. Kadalasan ay bibigyan niya ito ng mahahabang baril - armalite, m16, machine gun at iba pa. Pero hindi mawawala ang kadikit at kasangga ng bida sa pakikipaglaban, ang walang kamatayang kalibre kuwarenta y singko (.45).

Matapang ang bida. Mag-isa niyang susugurin ang hideout ng kontrabida na parang isang superhero na kayang sanggain lahat ng bala, saluhin ang mga granada at ibalik sa mga goons ng kontrabida. Ang lugar na pagtutuusan ay maaaring isang abandonadong gusali, pabrika, warehouse o bodega. Nakapaligid ang lahat ng goons ng kontrabida sa buong gusali. Kumpara sa kuwarenta y singko ng bida, puro mahahabang baril ang dala ng mga goons. Kung tutuusin, walang binatbat ang bitbit ng bida kumpara sa mga goons. Pero diyan tayo nagkakamali.

Dahan dahang papasok ang bida. Ngunit masosorpresa ang mga goons sa pagdating niya. Sa oras na madatnan ang bida, magsisimula na ang putukan. Kung rat-ta-ta-ta-tat ang sa mga goons, bang-bang-bang naman ang sagot ng bida. Sa simula ng sagupaan, mamamayagpag itong si bida. Hindi pa nakakakalabit ang mga goons, nakabulagta na sila. Ganyan kalupit sa barilan si bida. Kung sa Wanted ay lumiliko ang bala, ang baril ng bida, hindi nauubusan ng bala!

Sa sandamakmak na goons na ang napatumba ng bida, wala pa rin siyang tama. Kahit nagpagulong gulong na siya, nagpatalon talon at nagpatambling tambling, wala pa rin siyang galos o kahit gasgas. Hanggang sa makaharap niya ang lider ng mga goons, na tulad ng mga alipores niya ay naka leather jacket at kung walang balbas, may bigote ala Paquito Diaz. Ito na rin ang huling linya ng depensa ng kontrabida.

Makukuha pang magchikahan ng mga ito. Magbabatuhan pa sila ng ilang maaanghang na salita. Kung tutuusin, ito na ang climax ng pelikula. Magbobolahan. Mag-uutuan. Magyayabangan. Dito pa lang magpapalit ng magasin ng baril ang bida. Reload kung baga. At pagkatapos maubusan ng sasabihin, simula na ng giyera. Tulad ng nauna, kung rat-ta-ta-ta-tat sa goons, bang-bang-bang pa rin ang sagot ng bida. Sa pagkakataon ding ito, masusugatan ng husto ang bida. At sa unang pagkakataon, naubusan ng bala ang baril niya.

Duguan na ang bida. Dahil alam ng lider ng mga goons na wala ng pag-asa ang bida, lalapitan niya ang nakahandusay na bida. Habang papalapit, tatawa ito ala Paquito Diaz ulit, saka magtatangkang tapusin na ang bida. Pero alam nating lahat na hindi yan pwede. Dahil may nakakalat na baril sa tabi ng bida. Bigla siyang kikilos. At biglang babagal ang mga eksena. Dahil slow motion, mabibigla ang lider ng mga goons at bago pa niya makalabit ang gatilyo, naunahan na siya ng bida. Bang! Sa isang bala, patay ang lider ng mga goons! At dahil wala nang pag-asa, saka susuko ang kontrabida.

At diyan matatapos ang istorya.

Ganito ang ikot ng mga pelikulang aksyon dati. Kung baga, iisa lang ang tema at isa lang din ang patutunguhan ng istorya. May iilan din naman na nangangahas na baguhin ng kaunti ang daloy ng kwento. Pero sa kabuuan, parang ganun din. Sa hinaba-haba man ng prusisyon, sa barilan din ang tuloy. At kadalasan ay buhay pa rin ang bida sa katapusan ng istorya.

Sa kasalukuyan, madalang na tayong makapanuod sa sinehan ng mga ganitong klase ng pelikula. Sumabay na rin sa pagbabago ang mga pelikulang Pilipino. Kung mayroon man, may halo na ito ng modernisasyon at pantasya. Isa lang ang kapansin-pansin na nanatili at mula noon ay hindi nagbago at napapanood pa rin natin hanggang ngayon…

…ang sangka-pulisan, na dadating kung kailan tapos na ang bakbakan.

“Oo! Inaamin ko, saging lang kami! Pero maghanap ka ng puno… sa buong Pilipinas, saging lang ang may puso. SAGING LANG ANG MAY PUSO!

–Mark Lapid, Tatlong Baraha (2006)