Anong Oras Ginawa ang Orasan?
Ang oras ay ginto.
Ito na marahil ang pinakatanyag na kasabihan na may kinalaman sa oras. Ang oras na isa sa mga pinakamahalagang elemento na bumubuo sa sangkatauhan. Ito rin ay sumasaklaw sa ating buong kamalayan at pagkilos magmula pa ng matutong mag-isip ang mga tao. At tulad ng isang ginto, sinasalamin ng kasabihang ito kung gaano kahalaga ang oras sa buhay natin sa mundo.
Iba-iba ang tao. Iba-iba ang kani-kaniyang mga pinagkakaabalahan sa buhay. Iba-iba rin ang pinaggugugulan ng kani-kaniyang oras. May ilan na malaking parte ng oras nila ay inilalaan sa pag-aaral. May ilan naman sa paghahanapbuhay. Ngunit ang karamihan ay nagbibigay ng malaking bahagi ng kanilang oras sa mga hindi gaanong mahalagang gawain. Dahil ang lahat ng ito ay nakasalalay sa sitwasyon, sa hinihingi ng pagkakataon at higit sa lahat sa ating sarili.
At minsan, hindi natin namamalayan na malaking bahagi ng ating oras ay nasasayang.
Alas-otso ang pasok mo. Nagising ka at tumingin sa orasan. Ala-sais na ngunit pakiramdam mo masyado pang maaga kung kaya nanghingi ka pa ng karagdagang limang minuto para ipagpatuloy ang bitin mong tulog. Sa kasamaang palad, napasarap ang tulog mo at nagdirediretso hanggang sa gisingin ka na ng ina mo dahil alas siyete y media na ay naglalaway ka pa. Dahil diyan, hindi mo na nagawang magplantsa ng uniporme mo. Hindi ka na rin nakapag-almusal. Nahuli ka na sa eskwela o trabaho, hindi ka pa nakaligo.
May nakatakda kang gawain. Maaaring projects, assignments, requirements, thesis o paperworks at may deadline para rito. Ngunit sa halip na gawin mo na ito, “nagpa-maya-maya” at “bukas na” ka pa. Inuna mo pa ang mag-DOTA, manuod ng telebisyon, mag-porno o kaya mag-dvd marathon ng Heroes. At kung kailan malapit na ang deadline saka mo inumpisahan ang sana’y dati mo pang natapos na gawain. Dahil diyan, nagmadali ka at nataranta. Hindi ka makapag umpisa dahil hindi mo alam kung paano ito tatapusin. Ang dati’y mahabang mong oras, ngayo’y limitado na. At hindi mo ito natapos ng maganda, tama at maayos.
May nakilala kang babae. Naakit ka, nahumaling at nahalina. May kakaiba kang naramdaman para sa kanya. At kakaibang tigas titig ang isinasalubong mo sa kanya tuwing nakikita siya. Alam mong siya na ang babaeng matagal mo nang pinakahihintay. Ngunit dahil sa torpe ka, inunahan ka ng kaba. Pinatagal mo pa ang pagtatapat ng pag-ibig sa kanya. Dahil diyan, naunahan ka ng iba. Ang babaeng sana’y ikaw ang ka-holding hands, ibang lalake ngayon ang kasama. Ngayon nagsisisi ka at hindi mo alam kung saan mo hahagilapin ang sagot sa tanong na “ano kaya kung niligawan ko na siya noon pa?”.
Bawat segundo sa buhay ng tao ay mahalaga. At kung ang Pilipino ay may average life expectancy na animnapu’t walong (68) taon, mayroon siyang dalawang bilyon, isandaan at limampung milyon, at pitumpu’t dalawang libong (2,115,072,000) segundo para ubusin at ilaan sa mga kung anong bagay na matripan niya. Gayunpaman, hindi dapat natin kalimutan na ang oras na lumipas ay hindi na natin maibabalik kailanman. Hindi rin ito pwedeng i-recycle at malamang na mabulok lang kung hindi gagamitin sa tama at mga gawaing kapaki-kapakinabang.
Kung may mga bagay kang gustong tapusin, mabuti nang simulan ito hangga’t maaga pa. Gawin na ang mga bagay na dapat, kinakailangan at gustong gawin hangga’t kaya pa ng katawan mong lumanghap ng oxygen. Iparamdam mo na sa mga taong malapit sayo kung gaano sila kahalaga hangga’t hindi pa humihinto ang panahon sayo. Magparamdam ka na rin sa mga kaaway mo kung paano nila binigyan ng kulay ang buhay mo hangga’t humihinga pa sila. Dahil hindi mo masasabi ang oras, baka bukas, oras mo na.
Masasabi nga natin na ang oras ay ginto dahil sa halaga nito. Ngunit ang pinagkaiba nila, hindi nabibili kahit saan ang kinang ng oras kapag naubusan ka.


