Posts Tagged ‘larong kalsada’

Mga Larong Kalsada ng Batang Pilipino

June 17, 2008 - 8:15 pm 163 Comments

Batang kalye ako. Maliban sa pagtakas sa ina ko tuwing pinapatulog niya ako tuwing hapon, wala akong ibang ginawa noong kabataan ko kundi maglaro sa kalsada, lalo na kapag bakasyon. At mula nang matuto akong magdamit kapag naliligo sa ulan hanggang s matuto akong mag brip, ibat-ibang klaseng laro na ang kinagisnan ko. Narito ang ilang sa kanila.

Langit Lupa - hindi ko alam kung sinong nakaimbento ng larong ito pero marahil isa na ito sa mga pinakaklasikong larong Pilipino. Sisimulan ito ng isang kanta habang nakapabilog ang mga kasali sa laro. Kung nakalimutan niyo na ang kanta, ganito yun:

Langit lupa impyerno,
im im impyerno,
saksak puso tulo ang dugo,
patay, buhay,
alis ka na diyan!

Kung may royalty lang ang sumulat ng kantang ito malamang ay nagmamayaman na siya ngayon dahil ilang ulit at ilang dekada na rin siyang kinakanta sa kalsada. Sa saliw ng kantang ito ay pipiliin kung sino ang matatanggal hanggang sa magkaubusan at mapili sa huli kung sino ang taya, at saka biglang magtatakbuhan. Sa larong ito nagkakaroon bigla ng langit at impyerno sa mundo. Kung nasa mataas na lugar ka (maaaring bangketa, sa jeep, sa poste, sa puno, sa bubong o kahit saan basta hindi ka nakatapak sa lupa), hindi ka pwedeng mataya at pumalit sa impyerno. At kapag natiyempuhan ka na pakalat-kalat sa lupa, pwedeng-pwede ka niya habulin. Medyo may daya ang larong ito dahil kahit anong sandali na hingalin ka kakahabol sayo ng taya ay maaari kang tumapak agad sa mataas na lugar. Pero dahil sa uto-uto kaming lahat at mabababaw pa mag-isip, hindi namin ito alintana. Buti na lang at walang apoy sa impyerno sa larong ito kundi pare-pareho kaming nasunog.

Dito rin marahil nagsimula ang iba pang larong habulan tulad ng Shake Shampoo at Monkey Anabelle. At hindi ko na maalala kung paano kami natatapos kapag naglalaro nito. Mapapagod na lang kaming lahat kakatakbo at kakasigaw ng VIVA!

Tumbang Preso - kung mayroon kang lata ng gatas at tsinelas, pwedeng pwede ka na mag tumbang preso. Mas makakabuti kung naka Rambo tsinelas ka para sa lamang ka sa lakas at bigat. Pero kung gagamit ng lata ng isang kilong gatas, mabuting magisip-isip muna. Paguran din ang tema ng larong ito. At kung matalas ang mata mo at asintado ka, malaki ang lamang mo. Kung tatamaan mo ang latang nakatayo na ilang metro ang layo at magawa mo itong patumbahin at palayuin, paghahabulin mo ang preso samantalang ikaw naman ay papagurin mo rin ang sarili mo sa paghabol ng tsinelas mo. Biruin mo yun, pagkatapos mong ibato ang tsinelas mo, bigla mong hahabulin. At kung maibabalik ng preso sa dating pwesto ang lata ay maaari ka niyang habulin hanggat hindi mo pa nakukuha ang tsinelas mo. At kung mahahabol ka niya, ikaw naman ang papalit sa kanya bilang preso.

Kung asar sa iyo ang mga kalaro mo, maaari ka nilang pagtulungan sa pamamagitan ng sabay-sabay na pagtira sa lata hanggang sa umabot ito sa kabilang kanto. At maaari rin na tirahin nila ito ng paulit-ulit bago mo pa ito maibalik sa dati nitong pwesto nang nakatayo. Wala ka nang ibang magagawa kundi umayaw at umiyak dahil sa kantiyaw ng mga kalaro mo.

Trumpo - sinong hindi nakakaalam kung ano ang trumpo? Isa na ito sa pinakamaalamat na laruang Pinoy. May dalawang klase ng trumpo: ang kangkarot, mga trumpong malilikot at patalbog-talbog habang umiikot, at ang matining, mga trumpong kalmado lang na umiikot sa isang lugar hanggang sa mahilo. Sa larong ito, gagawa ng isang malaking bilog ang mga kasali at ang trumpo ng taya ang siyang nasa gitna ng bilog, ito ang magiging punterya. Kailangan itong tamaan ng mga manlalaro hanggang sa makalabas sa malaking bilog. At ang sino mang makakapagpalabas ng trumpo ng taya ay magkakaron ng libreng botong sa ulo, hindi ng may ari ng trumpo kundi ng trumpo mismo. Dahil kung ang ulo ng kalaro mo ang bobotongan mo, malamang ay makulong ka dahil ang trumpo mo na may pako ang gagamiting mong pambotong. Kung hindi mo naman matatamaan ang punterya sa gitna ng bilog, maaaring ang trumpo mo ang mabotongan o di naman kaya ay mapasama ka na sa mga punterya ng mga kalaro mo.

Kadalasan sa mga naglalaro nito ay pinapalibutan ng thumb tacks ang mga ulo ng trumpo nila bilang proteksyon. Meron din namang pinapalitan ng concrete nail ang mga pako ng trumpo nila dahil mas matigas ito at mas tumatagal ang tulis. Hindi pwede ang pakong bakla bakya.
TRIVIA:
- ang tawag sa tali na ginagamit sa trumpo ay tsate.
- kaya kong paikutin ang trumpo sa palad ko. Pero hindi ko pa ito nagagawang paikutin sa aking bumbunan o sa bumbunan ng mga kalaro ko.

Teks - alam nating lahat na hindi SMS ang tinutukoy ko dito kundi ang maliliit na laruang karton na may pelikula sa mga mukha nila na parang ginawang komiks. Parang pustahan ang kinasanayang laro ng teks. May pamato ka, may pamato ang kalaban mo at isang panggulo. May kakaibang tira ang paglalaro ng teks na ang mga batang kalye lang na tulad ko ang nakakaalam. Ito yung pagpapaikot nito sa hangin gamit ang pagpitik ng daliri. Kapag lumabas ang pamato ng kalaban, kanya ang teks na ipinusta mo. Kapag iyo naman ang lumabas, kailangan niyang bayaran ang taya mo. At kung ang panggulo ang lumabas, tabla ang laban. Magtatagal ang larong ito hanggang sa magkaubusan at maaari ka nang humamon ng ibang manlalaro.

Dahil sa larong ito, natuto akong magbilang dahil kakaiba ang pagbibilang kapag nagbabayaran na. Nagkaron din ito ng kakaibang rendition para sa mga bastos na iniiwasan ko dahil sa gusto kong panatilihing malinis ang kamalayan ko. At kung maramihan naman ang taya, dangkalan naman ang bayaran. Pero kahit pagsunud-sunorin mo ang numero sa teks mo, hindi mo mabubuo ang pelikula dito.

Maliban sa pelikula, nauso rin ang teks na anime at iba pang palabas sa telebisyon. Sayang nga lang at nawala na ang mga ito ngayon. Sana may teks na Dyesebel o kaya ay Caregiver.

Mga Larong may Riyo at Garter - kung patok sa mga kalalakihan ang trumpo at teks, panalo naman sa mga kababaihan ang Chinese Garter. Hindi ko alam kung anong kinalaman ng mga Intsik sa larong ito pero alam kong napapa-singkit ang mga mata ng mga totoy at hindi maipaliwanag ang kanilang mga ngiti kapag nagsimula nang maglundagan ang mga nene. May kakaibang tanawin ata kapag tumatalon na sila. Nagkaron din ito ng variation na mas kilala sa tawag na 10-20. At sumisingkit pa rin ang mga mata ng mga totoy sa larong ito.

Kung may chinese garter sa mga nene, mayroon namang dampa sa mga totoy. Kung ang matatanda ang tatanungin mo dito, malamang ay isang uri ng bahay ang tukuyin nila. Pero kung mga bata ang tatanungin mo nito, isa lang ang papasok sa mga utak nila, kung mayron man silang utak. Yan ay ang riyo. Ito ay isang magaan at maliit na uri ng goma na madalas na ginagamit na pang-ipit ng buhok. Sa pamamagitan ng kamay at hangin na lumalabas mula rito ay “dadampain” ang riyo. Paunahan hanggang sa makaabot sa finish line.

Ang mga larong pambata na aking nabanggit ay iilan lamang sa mga kinagisnan nating lahat. Sinong makakalimot sa Patintero, Adding, Tsato, Paway, Alog-Tansan at ang paborito kong Habulang Gahasa Ligtasan. Kung ilalagay ko lahat ng mga larong alam ko malamang ay makapagsulat na ako ng isang buong libro. Nakakalungkot lamang na ang mga larong ito ay unti-unti nang nawawala, nakakalimutan at napapalitan na ng mga modernong laro. Ang mga kinahuhumalingang laro ng mga kabataan ay sumasabay sa pagbabago ng panahon.

Aminin na nating lahat na dahil sa mga larong ito, naging makulay ang ating pagkabata. Maaaring dahil sa mga larong ito, nakilala mo ang iyong pers kras. Maaari din na dahil dito naranasan mong makipagsuntukan sa mga kalaro mo. Natuto ka ring mang-asar, mangantiyaw at mandaya. Dahil sa mga larong ito, nagkaroon tayo ng mga salitang tulad ng balaongga, taym pers at marami pang iba.

Hindi natin maikakaila na ang mga larong ito ay bahagi na ng ating kultura. At ang kultura ay pagkakakilanlan ng isang nasyon. At dahil din sa larong ito, nagkakaron tayo ng kamalayan na nabibilang tayo sa iisang grupo na may iisang kulay at iisang dugo. Higit sa lahat, natuto tayong makipagkaibigan.