Ang Pao
Sa panahon ngayon ng pagmamahalan at pagbibigayan, abala ang maraming tao sa pagsasabubay ng diwa ng Kapaskuhan. Marami na ang nagsimula sa kanilang taunang pamimili ng mga damit, gamit at panregalo para sa kanilang mga inaanak o sa mga minamahal sa buhay. Ang ilan ay nag-iimbak na ng mga lulutuing pagkain na ihahanda sa mismong araw ng Pasko. Samantalang ang iba naman ay sabay-sabay nagsisulputan para samantalahin ang iyong kabaitan. 
Ang mga kalabit-penge ng bangketa, mga batang gusgusin na pakalat-kalat sa kalsada na pagka-kalabit sa iyo ay otomatikong nakalahad na ang kamay at kaawa-awa ang pagmumukha. Makulit at kahit sabihin mong wala ay paulit-ulit pa rin sa pagkalabit. Minsan ay nasa katauhan din sila ng mga inang may bitbit na mga sanggol na tila kinakasangkapan pa ang kanilang mga anak para kaawaan. Walang permanenteng lugar na kinalalagyan at kung saan-saan pakalat-kalat. Nang minsang naglalakad ako sa kalsada, sa malayo pa lang ay kita ko na ang grupo ng mga ito na masaya pang nagkukuwentuhan. Ngunit ng malapit na kaming magsalubong, nagbago ang emosyon ng mukha at naging mangiyak-ngiyak na parang nakakain ng sibuyas. Pakiramdam ko nainsulto ako, di ko tuloy napigilan ang sarili ko na tignan ang babae ng masama.
Kung regular kang pasahero ng jeep malamang ay nakasabay mo sila sa biyahe. Dalawahan sila kung dumiskarte, mga bata na ang isa ay taga-kanta at ang isa ay taga-sayaw. Di ako sigurado kung saang probinsiya sila nanaggaling ngunit base sa kanilang pananalita ay sa katutubong lugar ang pinanggalingan nila. Patunay din dito ang katutubo nilang tugtugin bilang sangkap sa kanilang paghingi ng limos. Habang tumutugtog ang isa gamit ang kanyang tambol ay umiindak naman ang isa habang tumutulo naman ang sipon. May baon silang sobre at ipinamimigay isa-isa sa mga pasahero na alam naman ng kahit sino kung para saan ito.
Kung iniisip mong malaking instrumento ang pagiging madungis sa paghingi ng limos sa kalsada, diyan ka nagkakamali.
Madalas ka bang sumakay ng bus sa pagpasok sa trabaho, eskwela o pagpunta saan man? Pwes, maaaring nakasakay mo na sila. Pormal ang pananamit, nakapomada ang buhok, makintab ang sapatos, may bitbit na Bibilya, aabutan ka ng maliit na papel, sabay magpapakilala sila bilang galing sa isang institusyon na may hangaring makatulong sa mga nangangailangan. Sa maliit na papel mababasa ang kanilang “grupong” pinagmulan, cellphone contact number, at ang litanya ng kanilang adhikain bilang isang grupong mapagkawang gawa at handang tumulong sa kapwa.
Magtatalumpati sila sa iyong harapan at kukumbinsihing ang pakay nila ay makatotohanan sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga berso sa Bibliya. Matapos nito ay maaaring awitan ka pa nila ng kantang pamasko. At pagkatapos ay isa-isang babalikan ang mga ipinamudmod na papel at saka mo na lang maiisip na ang gamit nito ay ipitan ng “tulong” ibibigay mo sa kanila, kakamayan ka pa sabay sambit nila ng mga katagang “mabuhay ka!”. Bago pa sila bumaba ng bus, iimbitahan ka pa nila na manood ng kanilang programa sa telebisyon.
Makikita mo rin sila sa mga jeepney, makakasalubong sa kalsada at ang talagang pinakanakakairita sa lahat, sasabayan ka nilang umupo habang kumakain ka ng paboritong pagkain sa paborito mong restaurant. At sa parehong pamamaraan, aabutan ka ng maliit na papel at sa pagkakataong ito ay magpapakilala bilang grupo ng mga kabataang tumutulong sa mga kapus-palad.
Kalokohan.
Hindi masama ang tumulong sa iba, ang masama ay ang manggamit ng iba para lang manamantala at manlinlang ng kapwa.


