Posts Tagged ‘eskwelahan’

Bakit Baluktot Magsulat ang mga Pilipino?

June 10, 2008 - 9:42 pm 130 Comments

Pasukan na naman! Opisyal nang bukas ang bagong taon ng eskwela (SY 2008-2009).

Tiyak iba-iba ang saloobin ngayon ng mga estudyanteng Pinoy. Maaaring may ilan na sabik nang pumasok sa eskwela, lalo na ang mga bagong papasok sa elementarya, hayskul o kolehiyo. May ilan din siguro na ayaw pang bumalik eskwela dahil bitin sa bakasyon at sinusulit ang buhay tambay. At siguradong may mga estudyante riyan na sabik na sabik na, hindi dahil sa gusto na nila pumasok, kundi dahil makaka-delihensiya na ulit ng baon kay ina at may dahilan na para makahingi ng pera kay ama para sa mga school projects, kahit wala.

At tiyak napapakamot na lang ng ulo ang maraming magulang dahil sa patuloy na pagmahal ng presyo ng pag-aaral dito sa ating bansa, mapa pampubliko man o pribado. Ngunit dahil sa hindi mamatay-matay na kasabihang iyan lang ang kayamanang mapapamana namin sa aming mga anak, patuloy pa rin sa sila sa pagsisikap para mabigyan ng magandang edukasyon ang kanilang mga anak. At patuloy din sila sa pagkakamot ng ulo.

Noong nasa elementarya ako, nagsimula ako sa tatlumpung piso tatlumpisong (P 3.00) baon. Sakto lang para sa noo’y P 1.50 na halaga ng tinapay, pambara, at P 1.50 na halaga ng inumin, panulak. Ni wala akong pambili ng kendi o kahit maning hubad para naman magkaron ako ng tinga na sisingit sa ngipin ko, at maramdaman kong may kinain ako. Hindi rin naman ako namamasahe dahil nilalakad ko lang ang eskwelahan ko kapag papasok, kaya saktong sakto lang ang baon ko. Pero tumaas naman ang baon ko at naging limampiso (P 5.00) noong ako’y nasa ika-anim na baitang na. Kahit paano ay may pang kendi na ako at nakakabili na ng maning hubad.

Naranasan ko rin dati ang pilit na pagpapaubos sa amin ng ibinebentang pagkain tuwing recess namin. Ang sistema kasi, may nakalaan na basket kung saan naroroon ang mga pagkain (tinapay, juice, cornick, maning hubad, beans, dilis, saging atbp.) na ibebenta sa aming section. Kailangan naming maubos ang laman nito at kahit hindi namin gusto ay kailangan naming gustuhin. Minsan ay dumating na sa punto na isa-isa na kaming kinakapkapan ng bulsa at kapag may kumalansing, babay na sa barya. Sa halip na may pang laro pa ako ng video game na hinuhulugan ng piso, napupunta lahat sa maalat na maning hubad.

But wait! There’s more!

Nakaranas na rin ako ng mga guro na ume-extra at kung ano-anong tsokolate at kendi ang binebenta sa amin. Hindi naman ito sapilitan, lalo na sa lagay ko dahil kahit anong gawin kong pilit sa sarili ko ay hindi naman ako makakabili dahil sa wala na akong pera. Kaya ang mga can-afford kaklase ko na lang ang nakaka-bili at wala akong ibang pagpipilian kundi pagtiyagaan ang maning hubad. Pero noong hayskul ako, tocino at longganisa na ang inilalako ng isa sa mga naging teacher ko.

Maliban dito hindi ko rin malilimutan ang samu’t saring tiket na ipinagbili sa amin. Karamihan dito ay pa-raffle ng kung anong organisasyon na taon-taon na lang kung dumating. At sa buong anim na taon ko sa elementarya, ni minsan ay wala akong narinig na may nanalo. At nagpatuloy rin ito hanggang hasykul na ako. Eh apat na taon yun, eh di sampung taon na lahat lahat.

Dito ko rin nagawang pagkasiyahin sa bag at bitbitin ang hindi bababa sa sampung libro, labindalawang notebook, mga quiz booklets, papel, pamphlets at iba pa, araw-araw! Isipin mo na lang na may naka-sampay na malaking bag sa likod ko at may hawak pa ako sa magkabilang kamay ko. Kulang na lang ay magdala ako ng maleta para isang lalagyan na lang. Buti na lang at sagana ako sa maalat na maning hubad na naging sikreto ko para lumakas ang katawan ko at makaalpas sa torture na dulot ng pag-aaral.

At sa tuwing matatapos ang school year, diyan na biglang maglilitawan ang mga tagong bayarin. May mga pagkakataong kapalit ng pirma ng guro mo sa clearance ay kailangan mong magpasa ng floor wax o kaya ay pentel pen. At gagawing hostage ang report card mo kapag hindi ka nagbayad ng inutang mong tocino.

Hindi na lingid sa kaalaman nating lahat ang mga ganitong suliranin. Idagdag pa riyan ang kakulangan sa silid aralan, kakulangan sa guro at kakulangan ng mismong eskwelahan. Ilang beses na rin tayong nakarinig ng mga istorya ng mga estudyanteng tumatawid ng ilog at bundok para makapasok sa paaralan. Nakarinig na rin tayo ng mga gurong isinasakripisyo ang kanilang personal na buhay, maihatid lang ang kanilang serbisyo at ang sinumpaang tungkulin bilang isang guro.

Gayunpaman, walang pagbabago, At taon-taon na lang, pare-parehong istorya ang naririnig natin. Napapakamot na lang ako ng ulo.

Paano maitataas ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas kung ang sistema ng edukasyon ay bumababa?