Yehey!
Alam niyo bang hindi kami nagno-Noche Buena? Hindi ko alam kung bakit, pero hindi talaga nakaugalian sa amin ang maghanda sa bisperas ng Pasko. Ayos lang naman para sa akin dahil sa mismong araw ng Pasko, piyesta naman ang mga alaga ko sa tiyan dahil mapapasabak sila sa pagkain. Marami kasing putahe na nakahain sa hapag-kainan sa araw na ito. Idagdag mo pa ang simoy ng malutong na perang papel na sa tuwing Pasko mo lang maamoy. Malas ko lang, expired na ang edad ko para manghingi ng aguinaldo. Kaya sa pagkain na lang ako bumawi.
Iba ang sitwasyon sa taong ito. Naki-noche buena kasi ako sa ibang bahay. Simpleng salo-salo, saktong pagkain, ngunit mga espesyal na tao para sa akin ang kasama ko. Marahil, ganon naman talaga ang nais ipakahulugan ng sabay-sabay na pagkain, ang mapatatag pa ang pagsasama ninyo ng mga taong mahalaga sa buhay mo. At kung ano man ang nakahain sa mesa, ay sabay-sabay pagsasaluhan nang may ligayang hatid para sa bawat isa.
Tinanghali na ako ng gising kinabukasan. Hindi ko tuloy naabutan yung mga batang nagkalat sa kalsada na iniiisa-isa ang bahay ng mga ninong at ninang nila para sa aguinaldo. Pinagkaitan pa rin ako ng tadhana kahit sa pagkakataong ito. Noong bata kasi ako, iisa lang ang ninang ko na napupuntahan ko. Ang iba kasi, nagsimatay na at ang iba naman ay nagtatago nawawala bigla pagsapit ng Pasko. Hindi ko tuloy nababawi ang pinuhunan ko para sa bago kong damit at sapatos. Pero hindi naman masama ang loob ko, ang mahalaga, maraming pagkain. Ha haha!
Hindi ko talaga ugaling makipagsabayan sa dami ng tao sa mga pasyalan lalo kapag Pasko. Inaasahan nang puputaktihin ng mga bata ang maraming lugar lalo na ang mga mall at theme parks. Pero naglakwatsa ako nitong nagdaang Pasko. Wala rin kasing magagawa kung magmumukmok ako sa bahay at magdalamhati dahil sa masalimuot na alaala ng kabataan ko. Isa pa, wala naman din akong inaasahang maghahanap sa akin para manghingi ng aguinaldo dahil wala naman akong inaanak. Hindi ako maaakusahang nagtatago.
Pagkain pa rin ang inatupag ko hanggang mag-Pasko. Aba, sinong tututol kapag sinabi kong talaga namang nagiging makulay ang mesa kapag panahon ng Kapaskuhan? Nagiging matunog sa panahong ito ang pahayag na Pasko naman eh o di naman kaya ay minsan lang sa isang taon ang Pasko kaya talagang lahat ay naghahanda. Kaya dahil paminsan-minsan lang, kumain kami ni Bb. B sa isang restawran na napaka-wirdong klase ng softdrinks ang ibinibenta. Bakit wirdo? Kasi, eighty petot (80php) ang isang softdrink in can dito, Pasko naman eh, minsan lang sa isang taon ang Pasko.
Pagkatapos ang Pasko, araw na lang ang bibilangin at magpapalit na naman ang taon. Naging mabait sa akin ang taong ito sa pangkalahatan. Maraming mabubuting bagay ang nangyari at mga hindi malilimutang karanasang mananatili sa akin. Siyempre, hindi rin mawawala ang mga pagsubok. Nandiyan naman parati yan eh, hindi na mawawala. Ang mahalaga natututo tayo kasabay ng pag-inog ng panahon natin sa mundo.
Ito na ang huling entry ko para sa taong ito, ang taon kung kailan ko binuksan ang datkom ko. Bilang pagtatapos, may iiwan akong katanungan para sa lahat ng mambabasa ko…
Anong blog entry ko ang pinakagusto ninyo at bakit?
Hanggang dito na lang. Sa susunod na taon muli. Salamat. Maligayang Bagong Taon sa lahat!
Ang pagbubukas ng bagong taon ay pagbubukas ng bagong kabanata sa libro ng ating buhay. At sisimulan natin ito na ang bawat pahina ay blanko, malaya tayong itala ang anomang naisin natin. Sa madaling salita, ang bagong taon ay bagong pag-asa at bagong oportunidad para sa bawat isa.


