I’m a Superstar
Star for all season, diamond star, megastar, search for a star, pinoy pop superstar, star for a night, star in a million, star studded, star spangled banner, philippine star, northern star, lonestar, starzan, star wars, star trek, starfish, child star, teen star, adult star, twinkle twinkle little star, bomba star, pornstar: ano ang pagkakatulad ng mga salitang nabanggit ko? Kung iniisip mong dahil lahat sila ay may star, mali! Hindi iyan ang tinutukoy ko kundi, maliban sa bomba, lahat ng mga salitang nabanggit ay Ingles, kaya nga naka-italics eh.
Pero ang star talaga ang punto ko. Sa tagalog, bituin. Kung ayaw mo naman sa bituin dahil nadi-disturb ka at pumapasok ka sa isip mo ang isang mang-aawit, sige, tala na lang.
Ayon kay Wikipedia
A star is a massive, luminous ball of plasma.
Ito ay isang napakalaking bola ng hydrogen at helium na dahil sa isang proseso ay nagbibigay nang napakalakas na enerhiya at liwanag. Sila yung mga kumikislap at kumukutikutitap tuwing gabi na kapag itinuro mo ay mapuputol daw ang daliri mo. Dahil sa uto-uto ka ay kakagatin mo ang daliring pinanturo mo. Ang mga tipong ito ay hindi bumabagsak na kapag natiyempuhan mo ay pwede ka nang humiling at magkakatotoo - falling star. Pero sumasabog sila.
Ang araw ang pinakamalapit na bituin sa mundo. Hindi ito kumukutikutitap pero naibalita dati na marunong itong sumayaw. Ang araw ang dahilan kung bakit may mga nilalang na nabubuhay sa mundo. Ito rin ang dahilan kung bakit pinagpapawisan ang kili-kili at singit natin. Maliban kay Maria Ozawa, nagbibigay ito ng init na kailangan ng lahat para mabuhay. At ito lang ang kaisa-isang bituin na alam kong tumitirik. Buti na lang at hindi siya nahuhulog, dahil malamang, wala na tayong lahat dito. Gayunpaman, darating ang panahon na mauubos ang enerhiyang ibinibigay nito kasabay ang lahat ng nabubuhay sa mundo.
Madalas ding ginagamit ang salitang star o bituin bilang pang-uri sa mga taong sikat at kilala partikular na sa larangan ng pag-aartista. Patunay nito ang ilang bansag sa mga artista na akin nang nabanggit sa unang unang bahagi ng binabasa mo ngayon. Hindi ako sigurado kung ano ang saktong paliwanag kung bakit ito ibinagay sa mga artista. Pero kung kay Kuya Germs lamang itatawag ang salitang star, pwede pa! Hindi mo gets? Oh c’mon!
PATALASTAS: Maraming salamat sa lahat ng bumoto sa akin sa Project Lafftrip Laffapallooza. Sa Round 3 ay sumabit ako sa ika-20 pwesto at nalalapit na ang huling combo. Kung nais mong bumoto, ano pang hinihintay mo? Ha haha. Sayang ang premyo, hindi naman sa akin mapupunta yun kung iboboto mo ako.
Mabalik tayo. Kung matatandaan, parang bagyong sinalanta ng Meteor Garden ang Pilipinas. Naaalala ko pa na nagkalat ang mga poster ng mga bida nito sa mga bangketa at ding-ding. Hindi ko rin makakalimutan na naka-imprenta ang mga mukha nila sa mga teks, may power level pa. At lahat ng lalaki gustong magpahaba ng buhok parang F4. Sinong makakalimot kay San Cai, Dao Ming Su, Wa Xe Lei, at sino pa nga ulit yung dalawa? Pautang-ina! Nakalimutan ko. Kung nakalimutan mo na sila tulad ko, bakit hindi magbalik tanaw at pakinggan ang tugtuging ito.
Dahil sa kantang iyan, parang gusto ko na ring sagutin ang tanong na do you have a girlfriend? how do you find Filipino women? At magpaka Wu Chun sa pagsasabi ng now! biyutriful! mahawl kow kayowng lahawt! At salamat sa kasama ko at nakipag-duet siya gamit ang kanyang hindi mapigilang pagtawa at pang-aasar hanggang sa matapos ang kanta.
Libre naman daw ang mangarap. Hindi natin kailangang maging isang tanyag na artista na titilian para sabihing isa tayong star. Mas lalong hindi kailangan na magpaka kuya Germs at magsuot ng damit na kahit maliwanag ay kumukutitap dahil hitik na hitik ito sa sekwins. Lahat tayo ay pwedeng maging star sa sarili nating paraan at pagpapakahulugan.
Ang kailangan lang ay tiwala sa sarili at paninindigan dahil tayo rin naman ang magdadala nito hanggang sa pagtanda. Tulad ng bituin, sarili rin natin ang magbibigay ng enerhiya at liwanag sa paligid natin. Huwag lang susuko. Kahit kailan hindi natutong lumuhod ang mga tala. At kung dumating na ang panahon na maubusan tayo ng lakas, masasabi nating inilaan natin ang ating buhay para magbigay ng liwanag.
PS: Ispiking of Wu Chun, nadiskubre ko na nasa YM pala siya. Kung gusto niyo siya makita, sa chat window i-click ang Audibles>More Audibles>Audibles from other countries at piliin ang AAA. Pwede kayong mamili sa tatlo, pero paborito ko ang naka-pula.
dayling dayling dayling dayling dayling dayling dayling dayling dayling dayling dayling dayling dayling deey!

