Pinoy Slang 101: English to Tagalog Version

July 31, 2008 - 3:56 pm 95 Comments

Bunga ng ilang araw ng pagmumuni-muni at pakikisalamuha sa mga walang kwentang tao, nakakalap ako ng ilang salitang Ingles na madalas nating ginagamit na di natin alam ay may katumbas na salita pala sa wikang Filipino. Ang mga sumusunod ay iilan lamang.

PAUNAWA: Ang ilang salita na inyong mababasa ay naglalaman ng mga salitang maaaring hindi akma sa mga panlasa ng iilan. Kung isa ka don, wag na lang magbasa.

adam’s apple - lauglaugan, tiluktilukan, gulunggulungan
wrist - galanggalangan
airplane - salimpapawid
parachute - salipawpaw
knick-knacks - abubot
chess - ahedres
dipper - tabo
cabinet - tokador
akimbo - nakapamewang
department - kagawaran
cap - gora
barbeque stick - tindagan
drawer - sulong
basement - sulib
kitchen sink - banggerahan
public toilet - komon
bitter gourd - ampalaya
stockroom - kamalig
orange - kahel
blue - bughaw
green - luntian
brown - kayumanggi
tan - kulay tae
pen - panitik
flip-flop - tsinelas
boxers - karsonsilyo
calendar - talaarawan
notebook - kwaderno
bag - tampipi
puzzle - palaisipan
sex - kasarian, labing-labing
six - anim
period - tuldok
comma - kuwit
apostrophe - kudlit
colon - tutuldok
semi colon - tuldok kuwit
asset - pag-aari
owned asset - sariling ari
fixed asset - nakatayong pag-aari
frozen asset - pinatigas na pag-aari
tangible asset - nakakapang ari
carpenter - anluwagi
booger - kulangot
rheum - muta
science - agham
chalk - yeso
bead - abaloryo
magnet - batubalani
electricity - dagitab
mathematics - sipnayan
physics - hipnayan
calculator - pindutang tagatantya (tantyameter), talapindutan, dutdutan
eyeglass - antipara
razor - labaha
souljaboy - yuuuuuuuu!
customs -adwana
chain - tanikala
scroll - kalatas
arrow - palaso
bow - pana
honeymoon - pulotgata
viand - ulam
left-over - muyang
chocolate pig - dinuguan
untidy - samlang
sewerage - alkantarilya
headband - supil
inverted - balintuna
eyelid - parpado
piss - mukha, pandikit, kapayapaan
toothpaste - kulget
refrigirator - pridyider
crazy frog - palakangbaliw
wise frog - palakangtot
masturbate - mariang palad
smegma - kupal
t-back - talikod
chair - salumpwit
wheelchair - salumpo
diaper - salumpupu
bra - salumbola, salumsuso
cap c - salumpakwan
cap b - salummelon
cap a - salumkalamansi
brief - salumbayag, salunggunisa, modern bahag
panty - salungguhit
condom - salumbata
house - bahay
home - tahanan
motel - tirahan

Kayo nang bahala kung balak niyo gamitin ang mga ito sa inyong pang araw-araw na buhay. Natitiyak kong magiging makabuluhan at makulay ang iyong pakikisalamuha sa mga tao sa paligid mo. Di lang yan, mabibilang ka pa sa mga taong may malawak na bokabularyo. At kung may alam pa kayong salita tulad ng mga nabanggit ko, wag nang mahiyang ibahagi ito sa akin.

Ang hindi magmahal sa kanyang salita, mahigit sa hayop at malansang isda…
–Jose Rizal, Sa Aking mga Kabata

I’m a Superstar

July 24, 2008 - 12:34 am 87 Comments

Star for all season, diamond star, megastar, search for a star, pinoy pop superstar, star for a night, star in a million, star studded, star spangled banner, philippine star, northern star, lonestar, starzan, star wars, star trek, starfish, child star, teen star, adult star, twinkle twinkle little star, bomba star, pornstar: ano ang pagkakatulad ng mga salitang nabanggit ko? Kung iniisip mong dahil lahat sila ay may star, mali! Hindi iyan ang tinutukoy ko kundi, maliban sa bomba, lahat ng mga salitang nabanggit ay Ingles, kaya nga naka-italics eh.

Pero ang star talaga ang punto ko. Sa tagalog, bituin. Kung ayaw mo naman sa bituin dahil nadi-disturb ka at pumapasok ka sa isip mo ang isang mang-aawit, sige, tala na lang.

Ayon kay Wikipedia

A star is a massive, luminous ball of plasma.

Ito ay isang napakalaking bola ng hydrogen at helium na dahil sa isang proseso ay nagbibigay nang napakalakas na enerhiya at liwanag. Sila yung mga kumikislap at kumukutikutitap tuwing gabi na kapag itinuro mo ay mapuputol daw ang daliri mo. Dahil sa uto-uto ka ay kakagatin mo ang daliring pinanturo mo. Ang mga tipong ito ay hindi bumabagsak na kapag natiyempuhan mo ay pwede ka nang humiling at magkakatotoo - falling star. Pero sumasabog sila.

Ang araw ang pinakamalapit na bituin sa mundo. Hindi ito kumukutikutitap pero naibalita dati na marunong itong sumayaw. Ang araw ang dahilan kung bakit may mga nilalang na nabubuhay sa mundo. Ito rin ang dahilan kung bakit pinagpapawisan ang kili-kili at singit natin. Maliban kay Maria Ozawa, nagbibigay ito ng init na kailangan ng lahat para mabuhay. At ito lang ang kaisa-isang bituin na alam kong tumitirik. Buti na lang at hindi siya nahuhulog, dahil malamang, wala na tayong lahat dito. Gayunpaman, darating ang panahon na mauubos ang enerhiyang ibinibigay nito kasabay ang lahat ng nabubuhay sa mundo.

Madalas ding ginagamit ang salitang star o bituin bilang pang-uri sa mga taong sikat at kilala partikular na sa larangan ng pag-aartista. Patunay nito ang ilang bansag sa mga artista na akin nang nabanggit sa unang unang bahagi ng binabasa mo ngayon. Hindi ako sigurado kung ano ang saktong paliwanag kung bakit ito ibinagay sa mga artista. Pero kung kay Kuya Germs lamang itatawag ang salitang star, pwede pa! Hindi mo gets? Oh c’mon!

PATALASTAS: Maraming salamat sa lahat ng bumoto sa akin sa Project Lafftrip Laffapallooza. Sa Round 3 ay sumabit ako sa ika-20 pwesto at nalalapit na ang huling combo. Kung nais mong bumoto, ano pang hinihintay mo? Ha haha. Sayang ang premyo, hindi naman sa akin mapupunta yun kung iboboto mo ako.

Mabalik tayo. Kung matatandaan, parang bagyong sinalanta ng Meteor Garden ang Pilipinas. Naaalala ko pa na nagkalat ang mga poster ng mga bida nito sa mga bangketa at ding-ding. Hindi ko rin makakalimutan na naka-imprenta ang mga mukha nila sa mga teks, may power level pa. At lahat ng lalaki gustong magpahaba ng buhok parang F4. Sinong makakalimot kay San Cai, Dao Ming Su, Wa Xe Lei, at sino pa nga ulit yung dalawa? Pautang-ina! Nakalimutan ko. Kung nakalimutan mo na sila tulad ko, bakit hindi magbalik tanaw at pakinggan ang tugtuging ito.

Dahil sa kantang iyan, parang gusto ko na ring sagutin ang tanong na do you have a girlfriend? how do you find Filipino women? At magpaka Wu Chun sa pagsasabi ng now! biyutriful! mahawl kow kayowng lahawt! At salamat sa kasama ko at nakipag-duet siya gamit ang kanyang hindi mapigilang pagtawa at pang-aasar hanggang sa matapos ang kanta.

Libre naman daw ang mangarap. Hindi natin kailangang maging isang tanyag na artista na titilian para sabihing isa tayong star. Mas lalong hindi kailangan na magpaka kuya Germs at magsuot ng damit na kahit maliwanag ay kumukutitap dahil hitik na hitik ito sa sekwins. Lahat tayo ay pwedeng maging star sa sarili nating paraan at pagpapakahulugan.

Ang kailangan lang ay tiwala sa sarili at paninindigan dahil tayo rin naman ang magdadala nito hanggang sa pagtanda. Tulad ng bituin, sarili rin natin ang magbibigay ng enerhiya at liwanag sa paligid natin. Huwag lang susuko. Kahit kailan hindi natutong lumuhod ang mga tala. At kung dumating na ang panahon na maubusan tayo ng lakas, masasabi nating inilaan natin ang ating buhay para magbigay ng liwanag.

PS: Ispiking of Wu Chun, nadiskubre ko na nasa YM pala siya. Kung gusto niyo siya makita, sa chat window i-click ang Audibles>More Audibles>Audibles from other countries at piliin ang AAA. Pwede kayong mamili sa tatlo, pero paborito ko ang naka-pula.

dayling dayling dayling dayling dayling dayling dayling dayling dayling dayling dayling dayling dayling deey!

May Surpresa ako Sa’yo

July 17, 2008 - 12:28 am 130 Comments

Ayon sa kasabihan, ang buhay ay punung-puno ng misteryo at maraming hatid na surpresa. Hindi na ito bago sa kahit sino man dahil maraming pangyayari sa atin ang kadalasan ay hindi natin inaasahan. Utang natin ito lahat sa mga taong nakapaligid sa atin at sa makulay na buhay na kahit hindi tayo kumain ng sinabawang gulay (na ngayon ay ginisang gulay na!), ay naghahatid sa atin ng mga karanasan na talaga namang maitatago natin sa baul ng nakaraan.

Gusto ko ng surpresa. Yung surpresang may magandang intensyon para sa taong susorpresahin ko. Pero ako yung magbibigay ng surpresa. Masarap kasi makita ang reaksyon nila. Yun bang napapa homaygums!, olipakinsiyet! o pautang ina! Tapos biglang yayakap sa iyo ng mahigpit tapos bibigyan ka ng gums-to-gums na halik. Ang saya diba? Ramdam ko na rin kasi ang tuwa tuwing napapatawa o kahit napapangiti ko sila sa aking surpresa, maliit man ‘yan o bonggang-bongga.

Ayoko ng surpresa. Yun bang ako ang susorpresahin. Pero yun tipong sasabihin pa na may sorpresa ako sa’yo. Masyado kasing malikot ang isip ko at kung anu-anong karumal-dumal na bagay ang naiisip ko. At para akong binabalatan ng buhay habang pinaliliguan ng suka at binubudburan ng asin pagkatapos ay tatadtarin ng pino saka ipiprito. Ang sakit nun! At joke lang lahat ng sinabi ko. Masyado ng exagerrated. Pero hindi talaga ako sanay ng sinosorpresa ako. Hindi kasi ako marunong mag-react. Ha haha! Parang tuod.

Noong isang linggo, naglalagalag ako sa mall kasama ang isang tao na itatago na lang natin sa pangalang Bb. B. Nauna siya sa aybol namin kaya humahangos at pawisan pa ako ng makita siya. Tumingin-tingin kami ng damit sandali tapos bigla niya akong niyaya sa pababa ng mall. Nagtaka na ako bigla dahil wala naman sa baba ang pakay namin. Habang nasa escalator tinanong ko siya kung saan kami pupunta at sinagot niya ako ng diyan lang sa baba. Ang buong akala ko ay kakain lang kami. Nang bigla niyang hawakan ng mahigpit ang braso ko at sabihing may sorpresa ako sa’yo.

Siyet na malagkit!

Parang gustong malaglag ng puso ko ng mga oras na iyon. Hindi ko alam pero natural na ata sa akin ang ganon kaya ayaw na ayaw ko ng sorpresa. Umagos ng butil-butil ang pawis ko at nanlalamig. Para akong nasa death row. Na matapos ang mahabang lakaran ay may sasalubong sa akin na pulutong ng gwardiya sibil at saka ako babarilin. Fuego! Gusto kong kumawala sa pagkakahawak niya sa braso ko sabay takbo. O di naman kaya ay mahimatay na lang bigla at hayaan ko siyang mahirapan kakakaladkad sa akin hanggang sa pabayaan na lang niya akong nakahandusay sa mall. Buti na lang at may nadaanan kaming parlor. Inisip ko agad na baka ipapa-rebond at reborn niya ang buhok ko. Kahit paano nabawasan ang kaba ko. Pero lumagpas kami! Waa! Hindi pala! Ayoko na! Tuloy pa ang kalbaryo.

Alam kong ayaw mo nitong gagawin ko. Talagang ginawa ko ito para hindi ka na makatanggi.

Heto ang binitiwan niyang mga salita. Hindi ko alam ang gagawin. Parang isang pagbabanta ang mga salitang iyon na nagsasabing magdasal ka na at malapit na ang buhay mo. Sabay pasok sa tindahan ng tsinelas. Anong ginagawa namin dito? Juice ko pong pineapple bayan! Ibibili niya ako ng Havaianas!

Ang puso kong gustong malaglag kanina pa ay tuluyan nang nalaglag. Nakita ko pa itong tumitibok ng mabilis sa lapag at nangingisay. Agad ko itong pinulot at nilunok para maibalik sa dating kinalalagyan dahil baka maapakan ng mga taong hindi magkamayaw sa pagpili ng tsinelas. Ang butil-butil at nanlalamig kong pawis ay tuluyang nagyelo at parang snow na nagsibagsakan. Gusto ko sana siyang yakapin ng mahigpit sabay halikan ng gums-to-gums pero parang hinigop lahat ng lakas ko. Sayang! At tila naka-inom ako ng humigit kumulang sa hindi ko mabilang na bote ng Elmer’s Glue. Hindi ako makapagsalita. Sa ingles, i’m a dead man walking, but still charming.

Ang inakala kong pulutong ng gwardiya sibil na sasalubong sa akin at babaril ay pulutong pala ng tsinelas na aking pagpipilian at isang pares sa kanila ay aking iuuwi. Hindi pa rin ako makapagsalita habang pumipili. Iniabot sa akin ni Bb. B ang natipuhan niyang pares na nagustuhan ko rin. Maganda kaya ang taste namin! At habang isinusukat, isang matabang babae na sa tingin ko ay bumibili rin ang may masamang titig sa akin. Parang gusto ko siyang kumprontahin at sabihing anong problema mo at ganyan ka makatingin? pwede ba, ibibili ako ng tsinelas. moment ko ito ,okey? so leave me alone! Buti na lang at hindi ako pa rin ako makapagpagsalita ng mga oras na iyon. Dahil kung nagkataon, tinaob ko sina Christopher de Leon sa pag-arte. At lumabas kami sa tindahan habang kumakanta si Gabby Concepcion sa utak ko ng Iisa pa Lamang sapagkat iisa pa lamang, iisa pa lamang ang tsinelas kong ganito.


i now have a pair of Havs! sabihin niyo nang jologs ako at
ipinapangalandakan ko pang mayron ako nito, WALA AKONG PAKIALAM!
ipinagmamalaki ko lang na may Bb. B ako na namimigay ng tsinelas! ha haha!
salamat Bb. B

Ang sarap sa pakiramdam. Matatalino naman ang mga bumibisita sa blog ko at alam kong alam niyong lahat kung anong punto ko. Hindi dahil sa mayroon na akong unang pares ng Havaianas. Kundi dahil alam mong may ilang tao na nagmamalasakit at nag-aalaga sa iyo. Nariyan sila para mahalin ka at maghatid ng masasayang surpresa. Hindi mabibili ng anumang salapi ang kaligayahang ito. Kaya mahal man iyan, mura, malaki, maliit, simple o magarbo, hinding-hindi ito matutumbasan ng kahit ano.

Ang mga sandaling ito ng ating mga karanasan sa ating buhay ang karapat-dapat na maitatago sa baul ng nakaraan, na tiyak masarap na balik-balikan.

Life was like a box of chocolates. You never know what you’re gonna get. But if it’s a box of tsinelas, you may know what it was. Homaygums, olipakinsiyet, pautang ina! It’s Havaianas

Gay-uma: Kwentong Bakla

July 10, 2008 - 2:30 pm 115 Comments

Bakit dumadami ang mga bakla sa mundo samantalang hindi naman sila nanganganak?

Kamakailan lang ay naging usap-usapan sa buong mundo ang pagkilala ng California sa same-sex marriage. Isa itong malaking balita at tunay ngang mabuting balita lalo na sa sangkabaklaan, ngunit tinik naman na lalong tumutusok sa mga lalamunan ng mga tutol dito tuwing sila ay lumulunok. At hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang walang katapusang mga usap-usapan at diskusyon sa isyung ito.

Ang pagpapakasal ng dalawang taong may magkatulad na kasarian ay unang naging legal sa bansang Netherlands noong taong 2001. Ngunit hindi dito nagsimula ang kabaklaan sa mundo. May mga kasulatan sa kasaysayan na nagpapatunay na bago pa man ang panahon ni Mahoma, higit na matagal sa panahon ni Magellan ay ginagawa na ito sa ilang naunang sibilisasyon sa mundo. Gayunpaman, nang lumaganap ang Kristiyanismo ay nagbago ang tingin ng tao sa pagsasama ng dalawang may parehong kasarian. Dagdag pa rito ang pagdedeklara ng ilang emperador at hari na siyang makapangyarihan noong mga panahong iyon na ilegal ang pagiging homosexual at kung sino man ang mapapatunayan nito ay susunugin ng buhay.

Dito na marahil nagsimula ang mga tagong bakla. Sino ba naman ang may gustong sunugin ng buhay? HELL-EEERRR??!!!

Siyempre, hindi mawawala ang mga miyembro ng pederasyon sa Pilipinas. Nagkalat sila sa lahat ng dako: sa kalsada, karinderya, palengke, mall, paaralan, tindahan, kanto, beauty pageant, bahay niyo, sa loob ng kwarto mo o kahit sa loob ng simbahan. Ibat-ibang propesyon na rin ang napasok nila hindi lang ang maging paborito mong manikurista o parlorista. Maaaring isa siyang big boss ng isang malaking kompanya, pulitiko, sundalo, doktor, nars, inhinyero, guro, o di naman kaya ay boss mo sa iyong opisina. At hindi na ako magtataka kung pati ikaw na bumabasa ng lathalang ito ay miyembro ng alyansa.

Gayunpaman, nakalulungkot isipin na nagiging biktima pa rin sila ng ibat-ibang klase ng diskriminasyon sa ating bansa. At ang pagtanggap at legal na pagkilala ng pagsasamang homosekswal ay tila suntok sa buwan. Ito ang resulta sa oriyentasyong macho sa ating kultura na siyang dahilan din kung bakit may ilan pa rin na takot lumabas at magladlad. Idagdag pa rito ang dominanteng relihiyon sa ating bansa na siyang pangunahing kritiko sa mga ganitong usapin. Ngunit, nais ko lang ipabatid sa kaalaman ng lahat na ang bansang Spain, na siyang sumakop sa Pilipinas sa loob ng mahigit sa 300 daang taon at nagpakilala sa ating ng Katolisismo ay nauna nang kilalanin ang same-sex marriage. Kung posible rin ba ito sa ating bansa, walang makakapagsabi.

Ang tanging magagawa na lang natin bilang tao ay ang paggalang at pagrespeto sa kanila, na iisang mundo pa rin ang ating ginagalawan at pantay-pantay na pagtingin sa lipunang ating kinaaaniban. Dahil kahit anong pagbatikos at pagtutol ang gawin natin, mananatili silang nadiyan at nangangailangan ng ating pag-unawa at pagmamahal.

To further conclude, every badey needs love, understanding and acceptance just like everyone else in the universe. Even the aliens need that. Dehins nila need all the okrays ng mga utaw na Murriah Carrey dahil kahit ano pang chorva at eklavu ng mga Lucita na itey, wa sila say sa Winnie Santos na gays. At kahit anik anetch na etchos at chenelyn pa ang i shoot, chembolar at keberetchi lang yan sa kanila. MaPagoda Cold Wave Lotion lang sila kakadakdak. Kaya sa mga mamita, entourage lang. Keribels ang crayola. Jombagin kapag wis makisama. Oks? Babush baklush!

Rampa na mga bakla!

Bagyo ng Sipon

June 25, 2008 - 10:42 pm 115 Comments

Ilang araw ding halos walang tigil ang ulan dahil sa dumaang bagyo. Dumaan na nga lang, nag-iwan pa ng mga disgrasya at problema. Hindi na bago ang mga ganitong sinaryo sa atin. Baha, pagguho ng lupa, paglubog ng eroplano, pagbagsak ng barko, flashfloods, ipu-ipo, lumilipad na bubong, inaaanod na bahay, mga sakit at epidemya, at marami pang iba. Buti na lang at hindi ako tinangay ng bagyo dahil napagtanto siguro ng langit na may misyon pa ako sa mundong ito at marami pa ang ililigtas ko sa pagkakasala. Diyan siya nagkakamali. Pero hindi tungkol diyan ang ibo-blog ko, dahil alam kong sukang-suka na kayo sa tila piratang VCD na paulit-ulit sa TV.

Sipon.

Hindi ako maniniwala kung sasabihin mo sa akin na minsan sa buhay mo ay hindi ka nakaranas na magkasipon, dahil kahit ang aso namin na si Jeniffer ay nasaksihan ko na nagkasipon. At kahit hindi ko pa nakita na suminga  si Jeniffer, hindi rin ako maniniwala kung sasabihin mong hindi ka marunong nito. Sa madaling salita, isa ka pa ring mortal at may mga pagkakataong wala kang ibang magagawa kundi alipinin ka ng sipon mo.

Maliban sa sarili ko, madalas na sinasabi ng nanay ko na maganda raw ang ilong ko. Isa lang itong malaking bola at pampalubag-loob dahil parang sa kanya ko namana ang pagiging sensitibo ng ilong ko. Hindi ko alam kung anong problema ng maganda kong ilong (ayon sa nanay ko) pero talagang may mga panahon na hindi ako tinatantanan ng sipon. Pero sa totoo lang, wala itong pinipiling panahon.

Iba’t ibang sipon na ang dumaan sa ilong ko. May malapot, may malabnaw, mabula, mamuti-muti, yellowish, medyo green, puro at mayron ding may halo. Pero ang sipon higit na kinasusuklaman ko ay yung sipon na parang tubig, na tatawagin nating tubig-sipon. Hindi ito ang tipo ng sipon na madalas nating nakikita sa mga batang-kalye na naglalabas-pasok sa ilong nila. Kahit adik ka at talentado ka sa pagsinghot, hinding-hindi mo ito magagawa sa tubig-sipon.

Ito yung tipong magwalis lang ako ng kaunti ay babahing na ako ng bonggang bongga at aatakihin na ako ng tubig-sipon na ito. Kahit magpunas lang ako ng ilang maalikabok na gamit ay mangangati na ito na parang may langgam na itim na gustong kumawala sa butas ng ilong ko. At noong minsang pumasok ako sa isang tindahan ng tsinelas sa isang sosyal na mall, ay nagmayaman ang ilong ko at parang may balahibong may kumiliti sa nostrils ko. Di na ako tinigilan ng kakabahing pagkalabas ko ng tindahan at hindi ko na rin tinigilan ang sarili ko na singhutin ang sipon ko.

Naaalala ko pa nang minsang gumagawa ako ng takdang-aralin at kasagsagan ng pag-atake ng tubig-sipon ko. Bigla na lang tumulo ang tubig-sipon ko sa notebook. Ang ganitong klase ng sipon ay yung klase na kusang tumutulo kahit hindi mo isinga. At kapag isisinga mo naman, wala namang lalabas at malulungkot ka lang. Sa mga panahong ganito, tissue lang talaga ang matalik kong kaibigan at nakakaubos ako ng isang rolyo sa isang gabi. At nilalasing ko ang sarili ko sa isang tasa ng mainit na kalamansi juice.

Kung hindi lang kahiya-hiya na magsalpak ako ng bulak sa butas ng ilong ko para kahit paano’y mapigilan ang hindi mapigilang pagragasa ng tubig-sipon ko, nagawa ko na. Kaso kahit pagbali-baligtarin mo ang mukha mo, nakakahiya pa rin ito. Minsan ko na ring naisip, bakit kaya hindi na lang binaligtad ang itsura ng ilong (nai-imagine niyo naman siguro)? Kahit paano, hindi magkukusang tumulo ang sipon at kailangan pa itong mapuno bago tumapon. Pero hindi pala pwede. Lalo sa mga maulang panahon tulad nito. Dahil kapag direktang masalo ng ilong ang ulan, tiyak maraming tao ang malulunod. Isa pa, mahirap pala suminga kapag baligtad ang ilong dahil tatalsik lahat ng sipon sa mukha mo.

Tulad ng isang bagyo, parang umaangging ulan ang epekto tuwing bumabahing ako. Sa totoo lang, kung may bayad ang bawat bahing at pagsinga ko, malamang naging milyonaryo na ako at nakapagbigay na ako ng donasyon sa mga biktima ng sakuna tulad ng nangyari nitong huli lang. Kaso, hindi.

Sa buhay ng tao, may mga pagkakataong binabayo tayo ng bagyo. At sa mga ganitong panahon minsan ay humahanap tayo ng taong masasandalan. Pero hindi natin alam na sarili lang din natin ang higit na makakatulong sa atin. Pare-pareho tayong tao. Ngunit kung magpapatalo, wala tayong pinagiba sa mukhang baligtad ang ilong sapagkat lulunurin lang tayo ng sarili nating sipon.

Mga Larong Kalsada ng Batang Pilipino

June 17, 2008 - 8:15 pm 163 Comments

Batang kalye ako. Maliban sa pagtakas sa ina ko tuwing pinapatulog niya ako tuwing hapon, wala akong ibang ginawa noong kabataan ko kundi maglaro sa kalsada, lalo na kapag bakasyon. At mula nang matuto akong magdamit kapag naliligo sa ulan hanggang s matuto akong mag brip, ibat-ibang klaseng laro na ang kinagisnan ko. Narito ang ilang sa kanila.

Langit Lupa - hindi ko alam kung sinong nakaimbento ng larong ito pero marahil isa na ito sa mga pinakaklasikong larong Pilipino. Sisimulan ito ng isang kanta habang nakapabilog ang mga kasali sa laro. Kung nakalimutan niyo na ang kanta, ganito yun:

Langit lupa impyerno,
im im impyerno,
saksak puso tulo ang dugo,
patay, buhay,
alis ka na diyan!

Kung may royalty lang ang sumulat ng kantang ito malamang ay nagmamayaman na siya ngayon dahil ilang ulit at ilang dekada na rin siyang kinakanta sa kalsada. Sa saliw ng kantang ito ay pipiliin kung sino ang matatanggal hanggang sa magkaubusan at mapili sa huli kung sino ang taya, at saka biglang magtatakbuhan. Sa larong ito nagkakaroon bigla ng langit at impyerno sa mundo. Kung nasa mataas na lugar ka (maaaring bangketa, sa jeep, sa poste, sa puno, sa bubong o kahit saan basta hindi ka nakatapak sa lupa), hindi ka pwedeng mataya at pumalit sa impyerno. At kapag natiyempuhan ka na pakalat-kalat sa lupa, pwedeng-pwede ka niya habulin. Medyo may daya ang larong ito dahil kahit anong sandali na hingalin ka kakahabol sayo ng taya ay maaari kang tumapak agad sa mataas na lugar. Pero dahil sa uto-uto kaming lahat at mabababaw pa mag-isip, hindi namin ito alintana. Buti na lang at walang apoy sa impyerno sa larong ito kundi pare-pareho kaming nasunog.

Dito rin marahil nagsimula ang iba pang larong habulan tulad ng Shake Shampoo at Monkey Anabelle. At hindi ko na maalala kung paano kami natatapos kapag naglalaro nito. Mapapagod na lang kaming lahat kakatakbo at kakasigaw ng VIVA!

Tumbang Preso - kung mayroon kang lata ng gatas at tsinelas, pwedeng pwede ka na mag tumbang preso. Mas makakabuti kung naka Rambo tsinelas ka para sa lamang ka sa lakas at bigat. Pero kung gagamit ng lata ng isang kilong gatas, mabuting magisip-isip muna. Paguran din ang tema ng larong ito. At kung matalas ang mata mo at asintado ka, malaki ang lamang mo. Kung tatamaan mo ang latang nakatayo na ilang metro ang layo at magawa mo itong patumbahin at palayuin, paghahabulin mo ang preso samantalang ikaw naman ay papagurin mo rin ang sarili mo sa paghabol ng tsinelas mo. Biruin mo yun, pagkatapos mong ibato ang tsinelas mo, bigla mong hahabulin. At kung maibabalik ng preso sa dating pwesto ang lata ay maaari ka niyang habulin hanggat hindi mo pa nakukuha ang tsinelas mo. At kung mahahabol ka niya, ikaw naman ang papalit sa kanya bilang preso.

Kung asar sa iyo ang mga kalaro mo, maaari ka nilang pagtulungan sa pamamagitan ng sabay-sabay na pagtira sa lata hanggang sa umabot ito sa kabilang kanto. At maaari rin na tirahin nila ito ng paulit-ulit bago mo pa ito maibalik sa dati nitong pwesto nang nakatayo. Wala ka nang ibang magagawa kundi umayaw at umiyak dahil sa kantiyaw ng mga kalaro mo.

Trumpo - sinong hindi nakakaalam kung ano ang trumpo? Isa na ito sa pinakamaalamat na laruang Pinoy. May dalawang klase ng trumpo: ang kangkarot, mga trumpong malilikot at patalbog-talbog habang umiikot, at ang matining, mga trumpong kalmado lang na umiikot sa isang lugar hanggang sa mahilo. Sa larong ito, gagawa ng isang malaking bilog ang mga kasali at ang trumpo ng taya ang siyang nasa gitna ng bilog, ito ang magiging punterya. Kailangan itong tamaan ng mga manlalaro hanggang sa makalabas sa malaking bilog. At ang sino mang makakapagpalabas ng trumpo ng taya ay magkakaron ng libreng botong sa ulo, hindi ng may ari ng trumpo kundi ng trumpo mismo. Dahil kung ang ulo ng kalaro mo ang bobotongan mo, malamang ay makulong ka dahil ang trumpo mo na may pako ang gagamiting mong pambotong. Kung hindi mo naman matatamaan ang punterya sa gitna ng bilog, maaaring ang trumpo mo ang mabotongan o di naman kaya ay mapasama ka na sa mga punterya ng mga kalaro mo.

Kadalasan sa mga naglalaro nito ay pinapalibutan ng thumb tacks ang mga ulo ng trumpo nila bilang proteksyon. Meron din namang pinapalitan ng concrete nail ang mga pako ng trumpo nila dahil mas matigas ito at mas tumatagal ang tulis. Hindi pwede ang pakong bakla bakya.
TRIVIA:
- ang tawag sa tali na ginagamit sa trumpo ay tsate.
- kaya kong paikutin ang trumpo sa palad ko. Pero hindi ko pa ito nagagawang paikutin sa aking bumbunan o sa bumbunan ng mga kalaro ko.

Teks - alam nating lahat na hindi SMS ang tinutukoy ko dito kundi ang maliliit na laruang karton na may pelikula sa mga mukha nila na parang ginawang komiks. Parang pustahan ang kinasanayang laro ng teks. May pamato ka, may pamato ang kalaban mo at isang panggulo. May kakaibang tira ang paglalaro ng teks na ang mga batang kalye lang na tulad ko ang nakakaalam. Ito yung pagpapaikot nito sa hangin gamit ang pagpitik ng daliri. Kapag lumabas ang pamato ng kalaban, kanya ang teks na ipinusta mo. Kapag iyo naman ang lumabas, kailangan niyang bayaran ang taya mo. At kung ang panggulo ang lumabas, tabla ang laban. Magtatagal ang larong ito hanggang sa magkaubusan at maaari ka nang humamon ng ibang manlalaro.

Dahil sa larong ito, natuto akong magbilang dahil kakaiba ang pagbibilang kapag nagbabayaran na. Nagkaron din ito ng kakaibang rendition para sa mga bastos na iniiwasan ko dahil sa gusto kong panatilihing malinis ang kamalayan ko. At kung maramihan naman ang taya, dangkalan naman ang bayaran. Pero kahit pagsunud-sunorin mo ang numero sa teks mo, hindi mo mabubuo ang pelikula dito.

Maliban sa pelikula, nauso rin ang teks na anime at iba pang palabas sa telebisyon. Sayang nga lang at nawala na ang mga ito ngayon. Sana may teks na Dyesebel o kaya ay Caregiver.

Mga Larong may Riyo at Garter - kung patok sa mga kalalakihan ang trumpo at teks, panalo naman sa mga kababaihan ang Chinese Garter. Hindi ko alam kung anong kinalaman ng mga Intsik sa larong ito pero alam kong napapa-singkit ang mga mata ng mga totoy at hindi maipaliwanag ang kanilang mga ngiti kapag nagsimula nang maglundagan ang mga nene. May kakaibang tanawin ata kapag tumatalon na sila. Nagkaron din ito ng variation na mas kilala sa tawag na 10-20. At sumisingkit pa rin ang mga mata ng mga totoy sa larong ito.

Kung may chinese garter sa mga nene, mayroon namang dampa sa mga totoy. Kung ang matatanda ang tatanungin mo dito, malamang ay isang uri ng bahay ang tukuyin nila. Pero kung mga bata ang tatanungin mo nito, isa lang ang papasok sa mga utak nila, kung mayron man silang utak. Yan ay ang riyo. Ito ay isang magaan at maliit na uri ng goma na madalas na ginagamit na pang-ipit ng buhok. Sa pamamagitan ng kamay at hangin na lumalabas mula rito ay “dadampain” ang riyo. Paunahan hanggang sa makaabot sa finish line.

Ang mga larong pambata na aking nabanggit ay iilan lamang sa mga kinagisnan nating lahat. Sinong makakalimot sa Patintero, Adding, Tsato, Paway, Alog-Tansan at ang paborito kong Habulang Gahasa Ligtasan. Kung ilalagay ko lahat ng mga larong alam ko malamang ay makapagsulat na ako ng isang buong libro. Nakakalungkot lamang na ang mga larong ito ay unti-unti nang nawawala, nakakalimutan at napapalitan na ng mga modernong laro. Ang mga kinahuhumalingang laro ng mga kabataan ay sumasabay sa pagbabago ng panahon.

Aminin na nating lahat na dahil sa mga larong ito, naging makulay ang ating pagkabata. Maaaring dahil sa mga larong ito, nakilala mo ang iyong pers kras. Maaari din na dahil dito naranasan mong makipagsuntukan sa mga kalaro mo. Natuto ka ring mang-asar, mangantiyaw at mandaya. Dahil sa mga larong ito, nagkaroon tayo ng mga salitang tulad ng balaongga, taym pers at marami pang iba.

Hindi natin maikakaila na ang mga larong ito ay bahagi na ng ating kultura. At ang kultura ay pagkakakilanlan ng isang nasyon. At dahil din sa larong ito, nagkakaron tayo ng kamalayan na nabibilang tayo sa iisang grupo na may iisang kulay at iisang dugo. Higit sa lahat, natuto tayong makipagkaibigan.