Jer Box
Alam kong alam mo kung anong pakiramdam nito. Pero maaaring hindi mo alam kung kailan ito aatake. Sosorpresahin ka nila at mararamdaman mo na lang ang sarili mo na nagmamadali. Nagmamadali ng maghanap ng pwede mong hingan ng tulong. At habang taranta ka sa paghahanap ay mabilis ang tibok ng puso mo na tila bagang may kabayong nais kumawala sa dibdib mo. Nanlalamig ka sabay ng pagtagaktak ng pawis sa buo mong katawan. Hindi ka na mapakali. Hindi mo na alam ang gagawin. Hindi ka makahingi ng tulong dahil nahihiya ka pero kanina mo pa gustong isigaw ang mga katagang… “Pautang ina! Nasan ang banyo? Natatae na ako!!!”
Kung tutuusin, maganda para sa kalusugan natin ang regular na paglalabas ng masasamang elemento sa katawan. Ngunit kung ito’y darating sa maling oras sa maling lugar siyempre ibang usapan na yan. Mahirap atang pigilan si Incredible Hulk kung gusto na niyang lumabas mula sa pagkakakulong ng mahigit sa isang linggo sa iyong bituka. O di naman kaya ay harangin ang isang rumaragasang putik na may kasamang lupa, buhangin, mga bato at may gulay-gulay pa sa pamamagitan ng iyong mga pinagpalang kamay. Magkakalat ka lang. Ang baho non. At ang ewwwww pa.
Kahit sabihin mo pang araw-araw kang jumejerbaks at nagagawa mo pang kumain habang nakaupo sa trono, di mo rin masasabi ang kondisyon ng tiyan mo. May pagkakataon kasi na may bigla na lang may kikiliti sa sikmura mo at parang prutas na naglalaglagan ang mga duming nakakapit sa bituka mo. Di mo namamalayan ay hinihila ka na ng inodoro. At maya-maya pa, umuungol ka na sa loob ng banyo.
Yan ay kung may banyong agad-agarang handang sumalo sa mga pagkakasala mo. Eh paano kung wala?
Diyan na bibilis ang oras mo at babagal ang oras sa paligid mo. Mas pahirap pa kung abutan ka sa isang lugar na matao at talagang imposibleng makakita ng pampublikong kubeta. Maliban na lang kung kakayanin ng tigas ng iyong mukha ang pagkatok sa ibang bahay para makigamit ng palikuran, na sa tingin ko ay napaka-imposible. At ang tagapagligtas mo na lamang ay ang pinakamalapit na fastfood chain.
Dahil diyan gagawa ka ng paraan at dito lalabas ang talas ng isip mo. Para kang artista na lahat ng masasalubong ay hahawiin para proteksyonan ang sarili. Mahirap na kasi dahil kapag nabangga ka nila ay malaglag ang pinakaiingatan mong yaman at sa isang iglap ay bigla kang pagkaguluhan. At ang tanging pag-asa mo na lamang ay manatiling nakatikom ang iyong asshole na mas matindi pa sa mga ngipin. Sige nga, humati ka ng tae sa gamit ang ngipin mo!
Kung mairaraos mo man ang lahat ng kalbaryo ito nang matagumpay at walang bahid ng dumi at baho. Binabati kita. Ngunit kung maging bigo sa isang napakahirap na pagsubok na tulad nito, binabati pa rin kita. Dahil alam ko na matapos ang lahat ng ito, sisikapin mo pa ring ibangon ang kahihiyan mo. At ang karanasang ito ay mananatili, habambuhay.
Life is like a shit sandwich. The more bread you have, the less shit you have to eat.





