Archive for the ‘kdr-kronikels’ Category

Silvertoes

September 5, 2008 - 12:49 am 97 Comments

Ewan ko ba kung bakit may mga babaeng sobrang ubod ng feeling. Nakakairita lang kasi. Sobrang ubod ng iritasyon ang idinudulot nito sa katawan ko. Kahit pigilan ko ay pilit pa rin siyang ibinabahing ng ilong ko. Madalas na itinitikom ko na lang ang bibig ko kahit alam ko namang mabango ang hininga ko. Pero minsan talaga, umaabot tayo sa punto na hindi na natin ma-take ang lahat. Lalo pag nasaksihan mo na ang pangit na katotohanan.

Sino bang matutuwa sa isang babae na feeling niya ay napakaganda niya? Pakiramdam niya lahat ng lalaki may gusto sa kanya. Pero ang mga ikinikilos naman niya ay salungat sa hilatsa ng kanyang mukha. At mas lalong salungat sa inaakala niya ang reaksyon ng mga lalaki sa kanya. Pwede ba? Hindi lahat ng babae ay may karapatang magmaganda. At si Anne Curtis lang ang may karapatang tawaging dyosa.

Akala mo pa kung sino para manlait ng kapwa. Nakalimutang may bagay na tinatawag na salamin na pwedeng makita ang sarili. Pero ano bang magagawa kung ang di kanais-nais na ugali na nananalaytay sa ugat ay lumabas sa mukha kaya ito’y nagiging hindi kanais-nais din.? Wala ka nang no choice diba? Eh di mag-feeling na lang. Bulsyet!

Ang masaklap pa diyan, hindi marunong gumamit ng utak. Hindi alam ang pinagkaiba ng balat sa tinalupan, ng sipon sa plema, at ng kanan sa kaliwa. Lahat ng tao may utak. Kahit nga mga hayop meron. Pati mga dinosaurs. Hindi naman iyan nandiyan para pandisplay. Hindi nga siya nakikita eh. Sana kahit paano gamitin. Sayang. Madalang na ang libre sa mundo.

Mas trip ko pang makipagkiskisan ng dila sa mga taong tahimik ay kahit hindi halata ay may saysay naman ang lumalabas sa bunganga. Kaysa sa mga asal-iskwa na dada ng dada pero mga bagay na walang kwenta naman ang pinagsasasabi. Hindi ko nilalahat ang mga iskwa pero utang na loob naman, maawa ka sa balat mo. Kung mga aso nga natuturuan.

Sabihin niyo na ang lahat ng gusto niyong sabihin. Kahit ipamukha niyo pa napaka-ungentleman ko. Wala akong pakialam. Pero hindi ko ipinagkakalat na gwapo ako. Hindi ko rin ipinangangalandakan na macho ako. Hindi ako madaling mauto. Hindi ako makukuha sa bola. Madali akong maniwala pero mahirap kumbinsihin. Hindi ako perpekto. At higit sa lahat, hindi ako plastik.

Wag ka nang magpanggap na ikaw ay isang dalagang ubod ng ganda, kahit na alam naman natin na ang karakas mo ay ubod ng sama!
– Parokya ni Edgar

PS
Para rin ito sa lahat ng lalaki na sobrang ubod ng feeling at akala nila ay lagi silang bagong paligo at lahat ng babae ay may gusto sa kanila. At kung tinamaan ka sa mga sinabi kong ito, have a life!

The 2008 Philippine Blog Awards

September 3, 2008 - 12:21 am No Comments

CONGRATULATIONS!

Your blog, Row: Morning Boleros’ Journey to the Seas, has been nominated for Best Blog under the Personal Category.

In order complete the nomination process, please submit your FIVE (5) BEST BLOG POSTS written between April 2007 and April 2008 only using the form in the URL below:

*insert link here*

These five posts should embody and represent the category the blog was nominated for.

Please submit the five blog posts on or before Tuesday, 26 August 2008.

Thank you very much and good luck!

Regards,

The 2008 Philippine Blog Awards Organizing Commitee

The blog mentioned above is my previous before The Morning Bolero Kronikels.

And this email was sent August 23, 2008 but I was able to read this just last Monday. It gave me goosebumps upon reading the letter but eventually freaked me out realizing it’s already September and I’m already beyond the deadline. In short, I was not able to complete the whole nomination process because it is already closed.

I do not know anyone who nominated me. But for that person, I want to express my sincere apology if you happen to read this post.

And I also want to thank you and of course everyone who always visits me here in my humble spot in the Web. Many thanks for the undying support and continuous appreciation of my craft. You guys give me more reasons to blog.

I may not be the number one contender but being a part of The Philippine Blog Awards is a great honor. But having you reading my entries, having a good time and at the same time learning is already a great recognition.

I love you all. I promise, more sensible posts to come. Again, thank you everyone for making kingdaddyrich a habit.

Sincerely,
rb akino
aka kingdaddyrich

Emo: Love vs Infatuation

August 31, 2008 - 2:57 pm 116 Comments

Kingdaddyrich aka Don Romantiko,

Magandang araw sa’yo. Isa ako sa mga malugod na sumusubaybay sa blog mo. Petiks kasi ako ngayon dito sa opisina, kaya’t naisipan kong sulatan ka at humingi na din ng advise. Hehe.

Ano ba ang difference ng infatuation sa true love? How would you distinguish one from the other? Dapat ba kapag nanligaw ka ng isang babae eh masasabi mo na sa sarili mo na mahal mo na siya, o OK lang na manligaw kahit infatuation pa lang ang nararamdaman mo para sa kanya? Paano nga ba ang manligaw? Any best practices that you want to share? Hehe.

Alam kong expert ka sa ganitong topic kaya naisipan kong itanong sa’yo ang mga ito. Expert meaning both in principle and practice ay magaling ka sa subject na love. *LOLz*

I’m looking forward to your response.

Regards,

Gas Dude

Bago sa lahat, nais ko munang ipabatid ang aking taos pusong pasasalamat sa iyo dahil sa tinagal-tagal kong paghihintay na may mag-emo sa akin ay sa wakas maliban sa samut-saring spam ay may tao na ring maituturing na naglaan ng kanyang oras para sumulat at bigyan ako ng poproblemahin. Maraming salamat din sa iyong pagsubaybay sa aking blog at nawa’y manatili kang parokyano nito dahil dalawa na lang tayong bumibisita sa blog na ito. Isang malagkit na *mwahugs* para sa iyo Gas Dude.

Maliban sa kanilang spelling, marahil karamihan sa atin ay hindi alam ang malaking pagkakaiba ng dalawang ito o kahit man lang mga kahulugan nila. Para sa kaalaman ng lahat, walang kinalaman ang infatuation sa pagpapataba at wala ring silbi kung titingin ka sa diksyunaryo dahil ang mababasa mo lang dito ay the state of being infatuated. At maliban sa iskor sa tennis ay hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na may mas malalim pang kahulugan ang love.

May mga nararamdaman tayo kapag infatuated sa isang tao na maaaring hindi natin nararamdaman kapag in love sa kanya. Ngunit hindi natin masasabing love na nga ito kung hindi man lang natin alam kung paano ipagpapakahulugan ang infatuation.

Alam mo ba yung mga kilig moments? Yung mga pagkakataon na parang kinakabahan ka pag nandiyan ang taong gusto mo. Mga panahong hindi mo siya maalis sa isip mo. Gusto mo parati siyang nandiyan at hindi kumpleto ang araw mo kapag hindi siya nakasama. At tipong nagseselos ka ng walang sapat na dahilan. Akala mo siguro ay love na ito, pero hindi. Ito ay ilang senyales na infatuation lamang ang nararamdaman mo. Ito ay panandalian lamang at madaling mapawi agad.

Sa mga panahong ito ay gumagawa tayo ng mga perpektong imahe sa isang tao. Wala tayong nakikita kundi lahat ng kagandahan sa taong iyon. Hindi natin nakikita ang katotohanan na walang taong perpektong sa pisikal na mundo. At ang lahat ng paghangang iyan ay maaaring mawawala sa sandaling makita na natin at hindi magawang tanggapin ang katotohanang ito.

At bilang karagdagan, ang mga simpleng senyales na ito ay nagbubunsod ng pagbabago sa chemical balance sa utak ng tao. Kapag tayo’y infatuated, ang adrenaline ang nagpapabilis sa tibok ng ating puso. Ang dopamine naman ang nagbibigay sa atin ng hindi maipaliwanag na magandang pakiramdam. Ang oxytocin ang nagbibigay ng emosyonal na pagkagusto at nagbubunsod ng walang katapusang tigas-titig sa kapwa. Sa madaling salita, libog lang. At dahil sa mga kemikal na ito, may mga pagkakataong nasasapawan nito ang lohikal na abilidad ng tao.

Kaya siguro naimbento ang kasabihang kung maganda ang karir, olats sa lablayp. Pero kung panalo ang lablayp, olats naman ang karir. Infatuation life is your creation (c’mon Barbie let’s go party!).

Sa kabilang banda, ang love na marahil ang pinakakumplikadong salita sa mundo. Sa dami ng mga bagay na sinasaklaw, napakahirap nitong ilarawan at bigyan ng kahulugan na direktang tutukoy dito. Ilang kilalang tao na rin ang nagtangkang bigyan ng ibat-ibang kahulugan ang love. Hindi mabilang na beses na rin itong naging paksa sa mga tula, awitin, pelikula, nobela, sanaysay, kwento, mga suicide notes at iba pa. At karamihan sa kanila ay natutuluyan at karamihan din naman ay buhay pa at bitter pa rin.

Habang mas binibigyan natin ito ng kahulugan, mas lalo tayong nalalayo sa tunay na nais ipahiwatig nito. Habang mas nagbibigay tayo ng iba pang salita na tutukoy dito, ang bigat na dulot ng salitang pag-ibig ay gumagaan at minsan pa’y nawawala. At patuloy lang nating ililigaw ang ating sarili kung ipipilit nating gumawa ng sariling deskripsyon para dito.

Marunong makuntento ang pag-ibig. Hindi ito naghahanap ng wala o baguhin ang isang minamahal na hindi naman talaga siya. Marunong ito magbigay, tumanggap at magpasalamat ng walang kondisyon. Hindi ito madamot at hindi rin nag-aantay ng kabayaran. Hindi ito mapanumbat. Marunong ito magpatawad at umunawa. Marunong ito tumanggap ng pagkakamali at naghahangad ng mga bagay na ikaliligaya ng bawat isa.

Sa love, nakikita natin ang lahat. Hindi tayo bulag sa katotohanan. Alam natin ang mga bagay na saklaw ng isang imperpektong mundo na ating ginagawalan. Tanggap ang lahat ng kamalian at ito ay natural na nangyayari sa sinoman. Ngunit sa kabila ng lahat, nanatili tayo. At ito ay walang hangganan.

Kaya’t kung manliligaw, hindi pangangailangan na mahal mo na agad ang isang babae. Lagi mong isa-isip na ang love ay pangmatagalan at ang infatuation ay panandalian. Ang love ay binubuo ng magagandang ala-ala, mahabang pinagsamahan, mga pagsubok na nilampasan, tawanan, iyakan, lambingan at kant…….ahan. Samantalang ang infatuation ay simpleng paghanga lamang.

Mahalaga rin ang pagiging totoo mo sa nililigawan mo at higit sa lahat sa iyong sarili. Hindi na kailangan ng mga kung ano-ano pang tips lalo pa sa mga lalaking nasa edad mo na. C’mon, give me a break! Ngunit batay sa karanasan ng aking mga kakilala at kaibigan, hindi pa rin daw naluluma ang pagbibigay ng bouquet of flowers sa isang nililigawan. Patok pa rin ito sa mga gelays. Alam kong sumasang-ayon ka sa akin sa sinabi kong ito Gas Dude. At nagpapasalamat ako kay Pampoy sa pag boto sa akin sa Project Lafftrip. Walang bawian ah. He hehe.

Ang pag-ibig ay parang isang matayog na puno, may pinag-uugatan at may malakas na kinakapitan. Lumalaki at tumatanda kasabay ng panahon. Samantalang ang paghanga ay tila isang damong ligaw na kung saan-saan lamang biglang tutubo at mamumukadkad. At sa maikling panahon, malalanta rin at tuluyan nang mamamatay.

Sincerely yours,
Vendetta Kingdaddyrich

PS:
Para sa kaalaman ng lahat, hindi ko imbento ang sulat na nabasa niyo sa taas. Sa maniwala kayo o hindi, nag-eexist talaga si Gas Dude. Bilang katunayan ito ang aming naging usapan. Malalaman niyo rin dito ang kanyang tunay na pangalan. Ha haha! Para sa inyong mga emo, i-send lamang ito sa email na makikita sa pinakaibabang bahagi ng blog na ito.

Tenkyuberimats!

Bigyan Mo Ako ng Emo

August 19, 2008 - 2:02 am 59 Comments

Ang electronic mail o email ay isa sa mga pinakamaganda at pinakamahusay na naimbento kasabay ng pag-unlad ng Internet at World Wide Web. Isa ito sa mga pinakamadali at pinakamabilis na paraan ng komunikasyon maliban sa pakikipagchat sa syota mong poreynjer at pagla-liveshow sa webcam. Kaiba sa nakaugalian nating paraan ng pagpapadala ng sulat na gumagamit ng papel, panulat at sobre, hindi mo kailangang lagyan ng selyo ang monitor mo at ihulog sa post office dahil siguradong mas mapapagastos ka pa sa gagawin mo. Gayunpaman, kakailanganin nito ang kapwa mga email accounts at higit sa lahat ang iyong mga daliri pangkamot ng ulo kung wala kang ideya sa mga pinagsasasabi ko.

Tulad nga ng aking nabanggit, ang email ang isa sa pinakamabilis na paraan ng komunikasyon. Kung dati ay puti na ang mata ng pinadalhan mo bago dumating ang sulat mo, kung sa email ay bumahing ka lang ng tatlong beses tiyak dumating na ang mensahe mo. Magandang praktis ito para ma-master ang pagbahing nang nakadilat. At di hamak na mas mabilis kaysa sa paghawak ng suso sulat (snail mail). Hindi rin pwedeng gamitin sa biological warfare ang email dahil hindi ito pwedeng budburan ng anthrax at ipadala sa Malakanyang. Yun nga lang, pwede kang mag-attach ng virus at ikalat. Lagyan mo lang ng makatawag pansin na subject (porno, scandal, kingdaddyrich nude photos) at tiyak mabilis itong lalaganap.

Maliban sa paga-add ng friends sa Friendster, malaki rin ang pakinabang ng email sa mga nais manggantso at manloko. Nariyan ang kabi-kabilang Internet frauds at scams na matatanggap mo sa email. Ilang beses na ako nakatanggap ng email na nagsasabing nanalo ako sa UK LOTTERY samantalang hindi naman ako sumali. Ilang beses na ring napili ang email ko at pamamanahan daw ako ng limpak-limpak na salapi mula sa isang namatay na pamilya sa OUAGODOUGOU, BURKINA FASO. Hindi pa kasama diyan ang mga spam messages para sa penis enlargments, pornsites, dating sites, at kung anu-ano pang kababalaghan sa Internet.

Nagsimula ang email noong 1965 sa Amerika. At si Ray Tomlinson ang nagmungkahi sa paggamit ng at sign (@) para paghiwalayin ang pangalan ng gumagamit ng kompyuter at ng kompyuter mismo. Ang at sign ay tinatawag din na asperand na sadyang ikinagulat ng mga buhok ko sa kuko ng aking malaman na utong (nipple) pala ang tawag sa kanya sa Tagalog. Kung kaya’t hanggang sa ngayon ay gumugulo pa rin sa utak ko kung suso ba (yung hayop) ba o suso (as in dede) talaga ang tinutukoy ng makalumang paraan ng pagpapadala ng sulat (snail mail).

utong
ang laki ng susunod! bagay ba, ah?! lol

Ayaw mong maniwala? Ako rin eh. Click ka dito.

@ sign = utong

Dahil diyan, naaliw akong gumawa ng panibagong email sa sarili ko mismong utong! Mamasa-masa pa at sariwang sariwa. Para sa inyong mga kumento, reklamo, donasyon, suhestiyon, pabati, panawagan, requests, picture messages, fan mails, hate mails, pakyu mails, spam messages, chain mails, penpal, virus, scandals, latest updates sa showbiz o kahit ano pang gusto niyong sabihin, wag magatubiling ipadala sa:

rb@kingdaddyrich.com

Wag na kayong mahiya at magpadala na ng Emo (Email Mo). Lasapin niyo na ang pagkakataon dahil ito lang ang utong ko na pwede niyong pagsamantalahan.

the primary reason was that it made sense…
– Ray Tomlinson, when asked why did he chose the @ sign

Psst! May Tsismis Ako Sa’yo

August 13, 2008 - 3:34 am 78 Comments

Scenario: Umaga, papasok ka sa opisina. Paglabas mo ng bahay ay may dalawang losyang na kababaihan na pinagkaitan ng kagandahan ang iyong madadaanan. Masaya silang nagkukuwentuhan ngunit alam mong walang kwenta ang kanilang pinag-uusapan dahil sila ang pinakamalupit ng mga tsismosa sa inyong baranggay. At bago mo pa man din sila lampasan, isang nakakapanghamak na tingin ang sasalubong sa’yo at nanakaw ng titig mula ulo mo hanggang kuko. Pagkatapos ay magbubulungan, maghahagikgikan, magtatawanan sabay tapon ulit ng tingin sa iyo. Na kahit ilang metro na ang iyong layo, ramdam mo pa rin ang aura nila sa likod mo.

Isa ito sa mga pinakamadaling paraan para makipagpalitan o magkalat ng impormasyon. Katukin mo lang ang pinto ng iyong kapitbahay o tumambay. O kaya manahimik ka na lang sa sariling pamamahay, buksan ang pintuan o bintana o radyo o telebisyon, at kusa na itong lalapit sa iyo. Gayunpaman, isa ito sa mga pinakadelikado at pinakamalapit sa pagkakamali. At dahil sa pinagpasa-pasahan na ng ilang tao, hindi malayong ang impormasyong ito ay nabawasan, nadagdagan, o nabago.

Ang tsismis.

Kalat ito kahit saan. Sa bahay, opisina, eskwelahan, tindahan, simbahan, bangketa, kubeta, bahay-aliwan, sa jeep, fx, mrt, lrt, bus, Internet at kung saan-saan pa. Wala rin itong pinipiling oras. Maaari mo siyang almusalin sa umaga, ulamin sa tanghalian, nguyain sa merienda at inumin sa hapunan. Nagtatago ito sa ibat-ibang anyo. Ang pinakamasaklap sa lahat, ito ay maaaring kwentong gawa-gawa at walang katotohanan.

Ilang magagandang relasyon na ang nasira ng tsismis. Ilang pagkakaibigan na ang nawasak nito. Ilang mag-asawa at magsyota na rin ang nag-away at naghiwalay nang dahil dito. Dagdag pa riyan ang mga labtim sa showbiz na kahit nakakadiri ay pinapatulan pa rin ng masang Pilipino. Kumusta naman ang Archie-Madame Auring labtim na sa sobrang asim ay tuluyan nang napanis at umaming gimik lang ang lahat. At ang mataas na ratings na ibinibigay nito na para mapag-usapan lang ay gumagawa na ng kung ano-anong kwento.

Ang hirap kasi sa atin ay madali tayong magtiwala at maniwala. Oo lang ng oo, tango lang ng tango. Mahilig din tayo sumawsaw nang hindi man lang inaalam ang buong sitwasyon. Hindi pa nakuntento at ikinuwento pa sa iba nang hindi man lang sinisigurado kung may kahit kaunting bahid ba ng katotohanan o kasinungalingan ang kwento. Hindi man lang inalam ang puno’t dulo. Lalo pa ang mga kwentong may kinalaman sa mga tao sa paligid mo.

Kung tutuusin, madaling gumawa ng kwento. Lalo yung mga hindi totoo. Madali ring maniwala. Lalo pa kung wala tayong alam tungkol dito. Madaling magpalaki ng maliit na ningas. Sabuyan mo lang ng kaunting inggit na parang gasolina at kahit hindi mo paypayan, tiyak magliliyab yan. Ang mahirap ay ang patunayang totoo ang kwentong nilikha mo. Mas mahirap ang patayin ang apoy na ginawa mo. Dahil kung hindi ka magtatagumpay, mahirap na, ikaw rin ang masusunog sa apoy na sinimulan mo.

Scenario: Ka-chat ko pinsan ko na nasa abroad

pinsan: oi, anong balita?
ako: si mahal, buntis!

maya maya, tumawag ang ina ko na nasa abroad din kasama ang pinsang ka-chat ko

ina: *sumisigaw, mataas ang tono* hoy ikaw! ano itong sinabi ng pinsan mo? nakabuntis ka raw?! anak ka ng nanay mo! ang bata bata mo pa nakabuntis ka na agad! ano nang magiging kinabukasan mo niyan? hinayupak ka! dapat di na lang kita inire sa mundong ibabaw!… blah bleh blah… *marami pang dakdak na kasunod*
ako: huh? anong nakabuntis?
ina: eh sabi nitong pinsan mo, nabuntis mo raw si MAHAL!?
ako: ngek, ano ka ba? yung artista tinutukoy ko! yung pandak!
ina: ay put*ngina!

tsk tsk. tsismis nga naman.

Gusto Ko Maging Action Star

August 6, 2008 - 6:37 pm 87 Comments

Isa ito sa mga naging pangarap ko noong inosente pa ako sa kamunduhan mundo. Puro paglalaro ng teks lang kasi ang inaatupag ko noon, hindi katulad ngayon na iba na ang nilalaro ko. At kung matatandaan, puro pelikulang Pilipino ang nakalimbag sa mga sinaunang teks. Serye sila na parang komiks na pinutol-putol at kahit anong klaseng pagsunod-sunod ang gawin mo sa kanila, ay hindi mo mabubuo ang pelikula.

Pero dahil inosente pa nga ako noon, pinilit kong pagsunod-sunorin ang mga ito at nagtyagang basahin ang bawat usapan sa teks. Ang cool diba? Nakalulungkot nga lang dahil nasapawan ng mga makabagong teks ang mga sinauna. Ano nga bang laban ng mga action star kina Son Goku at Eugene na may 6 digits na power level? Hay gulay. Hindi tuloy ako nakabuo kahit isang pelikula.

Sino bang hindi nakakakilala kina Lito Lapid, Robin Padilla, Philip Salvador, Bong Revilla Jr., Rudy Fernandez at higit sa lahat ay si Fernando Poe Jr.? Mga kilalang action star ng makabagong henerasyon at nabansagan na ng iba’t ibang pangalan na tanging sa kanila lang ang pagkakakilanlan: Titanic Action Star, Binoy, Daboy at Daking! Inaantay ko na lang na mag action na rin si Dagul at talagang pipilitin kong maging Da One. At ang aking pangalan… DaddyKing!

Magsisimula ang istorya sa isang bida. Isa siyang pangkaraniwang tao at mahirap. At madalas ang kanilang mga karakter ay isang probinsiyano, alalay, mekaniko, kargador, tindero, drayber, guwardya, chairman, tanod, pulis, sundalo, at marami pang iba. At lahat sa mga nabanggit ay pawang may pangkaraniwang pamumuhay lamang, pang-masa ang imahe at tagapagtanggol ng mahihirap. Sa madaling salita, kadalasan sa mga bida ay salat sa karangyaan, walang kapangyarihan (hindi magic powers ah) at kaapi-api.

Pagkatapos biglang mababago ang takbo ng buhay ng bida matapos makabangga ang kontrabida. Kabaligtaran sa estado ng bida, ang kontrabida ay mayaman, nasa kapangyarihan, at maraming goons na tauhan. At dahil sa kapangahasang ginawa ng bida, sa halip na magtuos sila ng lalaki sa lalaki, reresbak ang kontrabida sa mahal sa buhay ng bida - maaaring kamag-anak, kaibigan, anak, magulang, ngunit kadalasan ay ang kanyang ka-labtim. Ang paghihiganti ay maaaring nasa anyo ng pagpapahirap, pagmasaker o kaya ay pagkidnap.

Dahil diyan, magpupuyos sa galit itong bida, manlilisik ang mga mata, mag-iiwan ng kanyang pamatay na linya sa isang eksena at saka maghihiganti sa kontrabida.

Pero hindi ito kakayanin ng bida ng mag-isa. Hindi mawawala ang kanyang sidekick na noo’y inakala ko pa na psychic. Kasi naman, ang sidekick na ito ang siyang chu-chu sa bida at parang alam nito lahat. Tagamasid sa paligid. At kung may ano mang balita tungkol sa kontrabida ay report agad sa bida. Taga supply din si sidekick ng mga kakailanganing armas ni bida. Kadalasan ay bibigyan niya ito ng mahahabang baril - armalite, m16, machine gun at iba pa. Pero hindi mawawala ang kadikit at kasangga ng bida sa pakikipaglaban, ang walang kamatayang kalibre kuwarenta y singko (.45).

Matapang ang bida. Mag-isa niyang susugurin ang hideout ng kontrabida na parang isang superhero na kayang sanggain lahat ng bala, saluhin ang mga granada at ibalik sa mga goons ng kontrabida. Ang lugar na pagtutuusan ay maaaring isang abandonadong gusali, pabrika, warehouse o bodega. Nakapaligid ang lahat ng goons ng kontrabida sa buong gusali. Kumpara sa kuwarenta y singko ng bida, puro mahahabang baril ang dala ng mga goons. Kung tutuusin, walang binatbat ang bitbit ng bida kumpara sa mga goons. Pero diyan tayo nagkakamali.

Dahan dahang papasok ang bida. Ngunit masosorpresa ang mga goons sa pagdating niya. Sa oras na madatnan ang bida, magsisimula na ang putukan. Kung rat-ta-ta-ta-tat ang sa mga goons, bang-bang-bang naman ang sagot ng bida. Sa simula ng sagupaan, mamamayagpag itong si bida. Hindi pa nakakakalabit ang mga goons, nakabulagta na sila. Ganyan kalupit sa barilan si bida. Kung sa Wanted ay lumiliko ang bala, ang baril ng bida, hindi nauubusan ng bala!

Sa sandamakmak na goons na ang napatumba ng bida, wala pa rin siyang tama. Kahit nagpagulong gulong na siya, nagpatalon talon at nagpatambling tambling, wala pa rin siyang galos o kahit gasgas. Hanggang sa makaharap niya ang lider ng mga goons, na tulad ng mga alipores niya ay naka leather jacket at kung walang balbas, may bigote ala Paquito Diaz. Ito na rin ang huling linya ng depensa ng kontrabida.

Makukuha pang magchikahan ng mga ito. Magbabatuhan pa sila ng ilang maaanghang na salita. Kung tutuusin, ito na ang climax ng pelikula. Magbobolahan. Mag-uutuan. Magyayabangan. Dito pa lang magpapalit ng magasin ng baril ang bida. Reload kung baga. At pagkatapos maubusan ng sasabihin, simula na ng giyera. Tulad ng nauna, kung rat-ta-ta-ta-tat sa goons, bang-bang-bang pa rin ang sagot ng bida. Sa pagkakataon ding ito, masusugatan ng husto ang bida. At sa unang pagkakataon, naubusan ng bala ang baril niya.

Duguan na ang bida. Dahil alam ng lider ng mga goons na wala ng pag-asa ang bida, lalapitan niya ang nakahandusay na bida. Habang papalapit, tatawa ito ala Paquito Diaz ulit, saka magtatangkang tapusin na ang bida. Pero alam nating lahat na hindi yan pwede. Dahil may nakakalat na baril sa tabi ng bida. Bigla siyang kikilos. At biglang babagal ang mga eksena. Dahil slow motion, mabibigla ang lider ng mga goons at bago pa niya makalabit ang gatilyo, naunahan na siya ng bida. Bang! Sa isang bala, patay ang lider ng mga goons! At dahil wala nang pag-asa, saka susuko ang kontrabida.

At diyan matatapos ang istorya.

Ganito ang ikot ng mga pelikulang aksyon dati. Kung baga, iisa lang ang tema at isa lang din ang patutunguhan ng istorya. May iilan din naman na nangangahas na baguhin ng kaunti ang daloy ng kwento. Pero sa kabuuan, parang ganun din. Sa hinaba-haba man ng prusisyon, sa barilan din ang tuloy. At kadalasan ay buhay pa rin ang bida sa katapusan ng istorya.

Sa kasalukuyan, madalang na tayong makapanuod sa sinehan ng mga ganitong klase ng pelikula. Sumabay na rin sa pagbabago ang mga pelikulang Pilipino. Kung mayroon man, may halo na ito ng modernisasyon at pantasya. Isa lang ang kapansin-pansin na nanatili at mula noon ay hindi nagbago at napapanood pa rin natin hanggang ngayon…

…ang sangka-pulisan, na dadating kung kailan tapos na ang bakbakan.

“Oo! Inaamin ko, saging lang kami! Pero maghanap ka ng puno… sa buong Pilipinas, saging lang ang may puso. SAGING LANG ANG MAY PUSO!

–Mark Lapid, Tatlong Baraha (2006)