Piso
Gwapong-gwapo ako kanina. Minsan lang kasi ako magkaroon ng pagkakataon na makapagsuot ng pormal. Nagmumukha akong elegante at kagalang-galang. Napilitan tuloy akong mag-ahit ng bigote para lubusin na ang pagpapanggap. Ewan ko kung kailan pa naging pamantayan ang pagsusuot ng mahabang manggas, pantalon at tire-black-shine leather shoes sa paghahanap ng swerte. May mga nagtatagumpay, ngunit mayron din namang nabibigo. Nadamay pa tuloy ang bigote ko na pinaghirapan kong alagaan at patubuin. Inantay kong mamunga pero bigo ako. Para tuloy akong nakahubad.
Inabot ako ng tanghali. Naghangad ang sikmura ko ng kaunting abuloy para mahirapan naman siya sa trabaho niya. Sisiw daw kasi pag walang laman. Dahil sa mabait ako sa sarili ko, pinagbigyan ko siya.
Ang lakas ng dating ko. Pagtapak ko pa lang parang bumagal ang lahat. Ramdam ko ang sarili kong aura at tinatangay ng sarili kong hangin. Natuyo tuloy ang basa kong kili-kili. May grupo ng mga babae akong nakita sa di kalayuan, kumakain at nagkukuwentuhan. Habang papalapit ako sa pwesto nila, lalong bumagal ang paligid. Sinabayan pa ng pamaskong awitin na pinapatugtog ng mall na iyon. Napasulyap sila sa akin. Binawi ang tingin na para bang nahiya at nagsibungisngisan. Di ako natuwa. Pakiramdam ko pinagtatawanan nila ako dahil wala ang swabeng bigote ko. Di lang nila alam na iritable ako dahil hanggang sa mga oras na iyon ay namamanhid pa rin ang mukha ko.
Kahit mag-isa lang ako, sa mesang pang-apatan ako umupo malayo sa mga babaeng humalay sa pagkatao ko gamit ang kanilang mga tingin. Akala nila siguro mayaman ako, ang di nila alam wala talaga akong pera at hanggang Jerjer Steak lang ang kaya ko. Ngunit bago ko pa ilapag ang pagkaing bitbit ko agad na ninakaw ni Jose Rizal ang atensiyon ko dahil tahimik siyang nakaupo sa isa sa mga upuan sa mesang napili ko. May piso.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nakakita ako ng piso sa isang lugar na hindi ko inaasahang makikita o makikita ko pa siya. Kadalasan sa jeep. Isipin mo na lang, kung gano karaming tao ang labas-pasok sa mga lugar na ito. Imposible na kahit isa man sa kanila ay hindi napansin ang munting baryang nagtatangkang sumilaw at bumulag sa ating mga mata. Tulad ko.
Ilang minuto ring nagtalo ang mga nilalang sa aking utak. Mula nang magsimula ako kumain hanggang sa dumighay na ako, di pa rin naalis sa diwa ko ang piso. Kanya-kanyang dahilan kung dapat ko bang kunin o hindi ang nanahimik na barya sa katabing upuan ko. Sumisingit ang aking hiya na baka may makakita sa akin at isiping sabik ako sa piso. Nangingibabaw din ang panghihinayang dahil piso rin yun, pambili ng cherry balls. At akalain mo bang naisip ko pa na may hidden camera sa paligid at inaantay lang ang ikikilos ko at biglang lalabas si Michael V sabay sigaw ng, Yari Ka!?!
Gayunpaman, nabusog ako, nagpasalamat sa pagkain at tumayo. Iniwan kung paano nadatnan ang piso. At hinangad ko na lang na sana, kung may makakakuha nong piso ay yung manong na lang na paikot-ikot upang linisin ang mga pinagkainan.
Hindi lahat ng oportunidad na dumadating sa buhay natin ay dapat nating sunggaban. Masarap ang magbigay. Nakakalason ang pagiging makasarili. Hindi mo pwedeng gawin ng sabay-sabay ang magkaibang mga bagay. Mahirap. Malay mo hindi pala ito para sa iyo. At inaagaw mo ang karapatan ng kapwa mo ng maging masaya dahil sa kahibangan mo.


