Archive for October, 2008

Pwedeng Magtanong?

October 16, 2008 - 12:37 am 121 Comments

Kung mapapansin, madalang akong magpost ng blog entry na may kinalaman sa aking personal na buhay. Kadalasan, ang mga sinusulat ko ay ukol sa mga bagay at tao sa paligid ko, obserbasyon, opinyon, kuro-kuro, na walang direktang kinalaman sa akin ngunit kahit paano ay may bahagyang epekto sa pagka-tao ko. Tama ang nabasa mo, tao nga ako.

Kung ang isang robot nga ay  nasisira, may mga panahon din sa buhay ng isang tao na nasisiraan siya. Sa kung ano mang aspeto ay marami. At di ko na responsibilidad na isa-isahin pa ang mga ito dahil alam kong minsan sa buhay mo ay nasiraan ka ng ulo at ginawa ang pinakawalang-saysay na bagay sa mundo, nasiraan ng loob dahil sa mga bagay na sadyang hindi mo mapipigilan at siniraan ng kapwa dahil sa sobrang inggit at hindi matanggap ang isang maliwanag na katotohanan.

Hindi ko inisa-isa, nagbigay lang ako ng halimbawa. At hindi rin ako nasisiraan sa gagawin kong ito dahil gusto ko lang mapatunayan na tulad niyo ay tao rin ako.


kinulang lang sa vitamins

Naisip ko lang kasi na baka may mga katanungan na bumabagabag sa inyo na gusto niyong ibulalas at ipagsigawan.  Mapa-tungkol sa akin man yan o hindi ay aking sasagutin ng buong puso at walang malisya. Kahit tungkol saan, ano, kailan, bakit at paano. Kahit pa ang pinakawalang-kwentang bagay na naisip mo ay bibigyan natin ng kwenta basta may katumbas na kasagutan. At garantiya ko na aking pag-iisipan at sasagutin ang iyong katanungan sa pinakaseryoso, pinakatotoo, at pinaka-bibong paraan na alam ko.

Halimbawa:

KDR, paano ka matulog? nakatihaya? nakatagilid? o nakadapa?
Noong bata ako, malikot raw ako at nakikipag-away pag tulog, nananapak, naninipa at minsan nandudura (wag ikaila na tulo laway ka rin noong bata). Naranasan ko na ring makarating sa first floor galing sa second floor ng bahay na hindi gumagamit ng hagdan dahil sa kalikutan ko. Tama! Nalaglag na ako sa hagdan habang natutulog. Buti na lang at hindi na iyon naulit at mula noon kahit anong pwesto ko pa sa pagtulog, nakatihaya, nakatagilid o nakadapa, isa lang ang sinisigurado ko…na nakapikit ako kapag natutulog.

What is your motto in life?
Whatever yaya, you’re such a loser.

Bakit pula ang tawag sa dilaw ng itlog?
Isipin mo na lang ang mga walang kamalay-malay na nilalang na nanggagaling sa itlog at ano ang mangyayari kapag pinaslang mo sila para ulamin. Subukan mo ring bigkasin ang tulang “roses are red, violets are blue.” At ano sa palagay ang mangyayari kapag nasobrahan ka sa kamot.

Madalang na ang libre sa mundo kaya lubus-lubosin mo na. O ano? Game!

OFW Ba You?

October 11, 2008 - 2:04 am 54 Comments

Hindi ka ba nagtataka kung bakit mga bagong bayani ang tawag sa kanila?

Kada taon, daan-libong mga Pilipino ang umaalis upang maghanap-buhay sa ibang bansa. Noong nakaraang taon, mahigit sa isang milyon ang nangibang-bayan upang doon magbaka-sakali at hanapin ang swerte na ipinagkait sa sariling lupa. Para sa nakararami, ito na ang pinakamabisang paraan para makaahon sa kahirapan. Isang mabilisang sagot sa kumakalam na sikmura, kapalit ng matagal na pagkakalayo at pagkahiwalay sa mga minamahal at pamilya.

Ang reputasyon ng mga Pilipino bilang mga world class skilled workers ay talagang maipagmamalaki natin sa buong mundo. Malaking bentahe rin ang kaalaman sa wikang Ingles upang madaling makakuha ng trabaho. Gayunpaman, ang malaking kita pa rin ang pangunahing umaakit sa mga Pilipino para mangibang-bansa. At ang ipinapadalang pera ng mga OFW sa Pilipinas ay may malaking bahaging ginagampanan upang isalba ang ating ekonomiya.

May dalawang pangkalahatang paraan upang makapagpadala ng pera sa Pilipinas. Una ay sa pamamagitan ng banko, at ikalawa naman ay ang door-to-door.

Ang lahat nang ipinadalang pera na dadaan sa anumang banko ay iniuulat sa Banko Sentral ng Pilipinas (Central Bank of the Philippines). Ang Banko Sentral naman ang siyang magtatala nito upang malaman kung gano na kalaki ang dollar reserve ng Pilipinas. At ito ang magiging batayan ng mga pandaigdigang institusyon ng pananalapi tulad ng International Monetary Fund, World Bank at iba pa, upang malaman ang kakayahan natin para makapagbayad ng utang at upang maka-utang.

Hindi basta-basta ang halagang pinag-uusapan dito. Hindi lang ito milyong piso kundi bilyong dolyar o katumbas ng daang bilyong piso ng OFW remittances taun-taon. Kaya pursigido ang pamahalaan na makahanap ng trabaho para sa manggagawang Pilipino sa ibang bansa. Maliban pa rito ang mga padalang hindi dumadaan sa banko at direktang nakakarating sa mga pinadalhan nito. Kaya hindi totoo na magiging superpower ang Pilipinas kapag pinauwi lahat ng OFW sa buong mundo. Kapag nangyari yun, babagsak ang ekonomiya at mahihirapan tayong bumangon ng mag-isa.

Hindi lang naman ang gobyerno ang nakikinabang sa mga dollar remittances na ito kundi siyempre, pati na ang mga pamilyang naiwan dito. Ang perang ipinadala sa kanila ay ipinambibili ng mga pangunahing pangangailangan, damit, pagkain, mga gamit sa eskwelahan, may ilan na nagnenegosyo at iba pa, na ginagamit sa kanilang pag-unlad. Kapalit ng maginhawang pamumuhay ang lungkot ng pagkawalay sa kanilang mahal sa buhay.

Malaking sakripisyo ang paghahanap-buhay sa ibang bansa. Kailangan mong makibagay sa kultura, sa tao at sa kapaligiran mo. Kailangan suungin ng mag-isa ang bawat dagok at pagsubok na darating dahil ang una mong tinatakbuhan sa mga ganitong pangangailangan ay malayo. At sa mga panahong wala kang karamay sa isang banyagang bansa ay wala kang ibang magagawa kundi tiisin ang iyong pangungulila.

Ilang beses na rin tayong nakarinig, nakabasa o nakapanood ng mga hindi magagandang balita ukol sa maling pagtrato sa mga OFW. Samut-saring mga pang-aabuso, pananamantala, pananakit at disriminasyon sa ibat-ibang pagkakataon. Ngunit sa kabila ng naka-ambang peligro ay patuloy pa rin tayo. Paulit-ulit mang mangyari, magpapatuloy pa rin ang pagiging Overseas Filipino Workers makapagbigay lang ng magandang kinabukasan sa pamilya.

Pero hindi ito nakikita ng ilan sa atin. Ang akala ng iba, kapag sa ibang bansa ka nagtatrabaho ay bigatin ka. Isang maling mentalidad na madali lang kitain ang pera sa ibang bansa. Kasingdali ng pagtatanim ng barya sa buhangin at pagdidilig gamit ang sariling pawis araw-araw. Aantaying lumago at mamunga. At saka pipitasin at aanihin upang may maipadalang pera.

Nakakalungkot lamang dahil ang mga matatalinong utak at ang pinakamagagaling na manggagawa ay napupwersang umalis ng Pilipinas dahil mismo sa gobyerno. Ang mga dapat na bumubuo ng pundasyon ng isang matatag na bansa ay wala, nasa malalayong lupain at ang sana’y may malaking maitutulong sa pag-unlad natin ay ibang nasyon ang nakikinabang. Buti na lamang ay may iilan pa rin na marunong lumingon sa pinanggalingan. Sa kasamaang palad, mayroon din namang nakalimot na sa pinag-ugatan.

Bakit Filipino Ang Blog na Ito?

October 7, 2008 - 2:32 am 83 Comments

Hindi pagtakahan should drop to why the English language I’m writing. Naipapahayag more like a good and well myself if it is used. Nor LOSE YOUR WAY the reader and have a misunderstanding. As well ineffable I myself know the way I katanggap effective and acceptable.

Aminado me that my limited vocabulary in English. I do not always include naman si mareng Merriam to help me learn the meaning of supercalifragilisticexpialidoceous that suddenly isinigaw a playmate while I nagpapatintero. But I do not naman ikakaila bagkus ipagmamayabang I have been wise I speak and write in this language. And the sentence that I sambitin favorites again and I’m not sure pagsasawaan is: I am handsome.

However, the ability to speak English became standard of intelligence-mannered and a person. Whether we admit or not, when we nakakarinig of mistaken speaking or writing it is our pinagtatawanan. And the more bitter is hinuhusgahan instead help and a good way to correct the error it. More humor, who will not even notice him seeing his own mistakes.

Spread to the English blogs on the Internet. Also spread the English and trying hard English blogs. Napagisip I just think how translate so if English is my blog? With si Google, the outcome of this translation. Napagtanto and I, I remain in kinagisnan … I will speak English.

TRANSLATION

Hindi niyo na dapat pagtakahan kung bakit sa wikang Filipino ako nagsusulat. Mas naipapahayag ko ng mabuti at maayos ang aking sarili kung ito ang gagamitin. Hindi rin maliligaw ang mga bumabasa nito at magkaroon ng hindi pagkakaunawaan. Maganda nang maipahayag ko ang aking sarili sa paraang alam kong epektibo at katanggap-tanggap.

Aminado ako na limitado ang bokabularyo ko pagdating sa wikang Ingles. Hindi ko naman parating kasama si mareng Merriam para tulungan akong malaman ang ibig sabihin ng supercalifragilisticexpialidoceous na biglang isinigaw ng kalaro ko habang nagpapatintero. Ngunit hindi ko naman ikakaila bagkus ay ipagmamayabang ko pa na marunong akong magsalita at magsulat sa wikang ito. At ang pangungusap na paborito kong sambitin ng paulit-ulit at siguradong hindi ko pagsasawaan ay: I am handsome.

Gayunpaman, ang kakayahan sa wikang Ingles ay naging pamantayan na ng katalinuhan at pinag-aralan ng isang tao. Aminin man natin o hindi, kapag nakakarinig tayo ng mga nagkakamali sa pagsasalita o pagsusulat nito ay ating pinagtatawanan. At ang masaklap pa ay hinuhusgahan sa halip na tulungan at itama sa magandang paraan ang pagkakamaling ito. Nakakatuwa pa, kung sino ang siyang mapuna siya pang hindi nakakakita ng sariling pagkakamali niya.

Nagkalat na ang mga Tagalog blogs sa Internet. Nagkalat din ang mga English at trying hard English blogs. Napagisip-isip ko lang paano kaya kung isalin sa wikang Ingles ang blog ko? Gamit si Google, ito ang kinalabasan ng pagsasalin. At napagtanto ko, mananatili ako sa kinagisnan ko…ang wikang Filipino.

We Are Family

October 2, 2008 - 1:01 am 82 Comments

Noong isang araw naisipan kong maghalungkat ng mga abubot ko sa bahay. Bigla na lang pumasok sa isip ko na magtayo ng museum na puro gamit ko ang tampok. Nakaugalian ko na kasi na itago ang mga bagay na kahit wala ng pakinabang ay may halaga pa rin sa akin. Sentimental ba ang tawag dun o tamad lang magtapon ng mga kalat? Sentimental ba pag nakakita ka ng Liwayway Magazine sa mga abubot mo? Sige na nga tamad na kung tamad. Di naman pagod!

Maliban sa Liwayway nakakita rin ako ng mga jolens, goma at tsate ng trumpo. Malamang mga laruan ko noong bata pa ako. Tapos mga cassette tapes, VHS rewinder (yung pulang kotse), sirang remote control ng dati naming TV at mga pampagana CD. Binalak ko rin kasing magtayo ng Electronics Repair Shop noong musmos pa lang ako. Nakadiskubre rin ako ng mga gagamba, nagtatagong ipis na ginawang nursery ng itlog nila ang kahon ko at iba pang mga maliliit na insekto.

Matapos ang ilang minutong paghahalungkat, biglang may sumilip na liwanag na nagmula sa kahon ko. Agad kong tinanggal ang mga nakapatong dito para masilayan ko mismo kung saan nanggagaling ang liwanag. At ilang sandali pa, nakita ko na lang ang sarili ko na mangiyak-ngiyak sa alikabok at galak. Gusto mong makita kung ano yun? Kinuhaan ko agad at narito ang litrato.


…tsaraaaaan!..

Ang aking maalamat na Family Computer! At oo na, Pokemon teks ang backround.

Naalala ko bigla noong kabataan ko at wala pang kamalay-malay sa mga kahalayan sa mundo. Ibang Joystick pa ang nilalaro ko noong mga panahong iyon. Sarap na sarap ako habang nakatutok sa telebisyon, seryoso, at ninanamnam ang bawat pindot. Pero nakangiti. At hindi ko binibitawan ang Joystick ko hanggat hindi napapatay si King Kupal Koopa.

Yun din ang mga panahong hindi lang sa baril ginagamit ang bala. Iilan lang ang bala ng Family Computer ko noon kaya nanghihiram ako sa mga kaklase ko at hindi ko na isinasauli. Hanggang sa dumami ng dumami at di naglaon ay nauso ang mga 1000 in 1 na bala ngunit pare-pareho lang din naman ang laro. At binabasa ko pa ng dila ko ang bala kapag hindi gumana hanggang luminya na ang alikabok sa dila ko. Epektibo siya. Promise!

Sige na, alam mo na ang up up down down left right left right a b a b start sa Contra at ang pagong-slash-bibe na nagpaparami ng buhay sa Super Mario. Pero alam mo ba na walang katapusan ang Galaga? Alam mo rin ba na Pauline ang pangalan ng prinsesa sa Donkey Kong samantalang Peach naman ang nasa Supero Mario Brothers? Kung alam mo, eh di ok!


ilan sa mga paborito kong laro

Susubukan ko sanang paganahin kaso nanikit na yung isang Joystick sa kinalalagyan niya. Naramdaman ko rin na parang gumaan na yung buong unit. Hindi naman kumakain ng bakal ang mga anay diba? Naisip ko na lang na dalhin sa National Museum para idonate nang mai-restore nila at i-display. Pero nagbago ang isip ko. Magtatayo nga pala ako ng sarili kong museo.

Computer games don’t affect kids, I mean if Pac Man affect us as kids, we’d all be running around in darkened rooms, munching pills and listening to repetitive music.
– Gareth Owen