Bagyo ng Sipon
Ilang araw ding halos walang tigil ang ulan dahil sa dumaang bagyo. Dumaan na nga lang, nag-iwan pa ng mga disgrasya at problema. Hindi na bago ang mga ganitong sinaryo sa atin. Baha, pagguho ng lupa, paglubog ng eroplano, pagbagsak ng barko, flashfloods, ipu-ipo, lumilipad na bubong, inaaanod na bahay, mga sakit at epidemya, at marami pang iba. Buti na lang at hindi ako tinangay ng bagyo dahil napagtanto siguro ng langit na may misyon pa ako sa mundong ito at marami pa ang ililigtas ko sa pagkakasala. Diyan siya nagkakamali. Pero hindi tungkol diyan ang ibo-blog ko, dahil alam kong sukang-suka na kayo sa tila piratang VCD na paulit-ulit sa TV.
Sipon.
Hindi ako maniniwala kung sasabihin mo sa akin na minsan sa buhay mo ay hindi ka nakaranas na magkasipon, dahil kahit ang aso namin na si Jeniffer ay nasaksihan ko na nagkasipon. At kahit hindi ko pa nakita na suminga si Jeniffer, hindi rin ako maniniwala kung sasabihin mong hindi ka marunong nito. Sa madaling salita, isa ka pa ring mortal at may mga pagkakataong wala kang ibang magagawa kundi alipinin ka ng sipon mo.
Maliban sa sarili ko, madalas na sinasabi ng nanay ko na maganda raw ang ilong ko. Isa lang itong malaking bola at pampalubag-loob dahil parang sa kanya ko namana ang pagiging sensitibo ng ilong ko. Hindi ko alam kung anong problema ng maganda kong ilong (ayon sa nanay ko) pero talagang may mga panahon na hindi ako tinatantanan ng sipon. Pero sa totoo lang, wala itong pinipiling panahon.
Iba’t ibang sipon na ang dumaan sa ilong ko. May malapot, may malabnaw, mabula, mamuti-muti, yellowish, medyo green, puro at mayron ding may halo. Pero ang sipon higit na kinasusuklaman ko ay yung sipon na parang tubig, na tatawagin nating tubig-sipon. Hindi ito ang tipo ng sipon na madalas nating nakikita sa mga batang-kalye na naglalabas-pasok sa ilong nila. Kahit adik ka at talentado ka sa pagsinghot, hinding-hindi mo ito magagawa sa tubig-sipon.
Ito yung tipong magwalis lang ako ng kaunti ay babahing na ako ng bonggang bongga at aatakihin na ako ng tubig-sipon na ito. Kahit magpunas lang ako ng ilang maalikabok na gamit ay mangangati na ito na parang may langgam na itim na gustong kumawala sa butas ng ilong ko. At noong minsang pumasok ako sa isang tindahan ng tsinelas sa isang sosyal na mall, ay nagmayaman ang ilong ko at parang may balahibong may kumiliti sa nostrils ko. Di na ako tinigilan ng kakabahing pagkalabas ko ng tindahan at hindi ko na rin tinigilan ang sarili ko na singhutin ang sipon ko.
Naaalala ko pa nang minsang gumagawa ako ng takdang-aralin at kasagsagan ng pag-atake ng tubig-sipon ko. Bigla na lang tumulo ang tubig-sipon ko sa notebook. Ang ganitong klase ng sipon ay yung klase na kusang tumutulo kahit hindi mo isinga. At kapag isisinga mo naman, wala namang lalabas at malulungkot ka lang. Sa mga panahong ganito, tissue lang talaga ang matalik kong kaibigan at nakakaubos ako ng isang rolyo sa isang gabi. At nilalasing ko ang sarili ko sa isang tasa ng mainit na kalamansi juice.
Kung hindi lang kahiya-hiya na magsalpak ako ng bulak sa butas ng ilong ko para kahit paano’y mapigilan ang hindi mapigilang pagragasa ng tubig-sipon ko, nagawa ko na. Kaso kahit pagbali-baligtarin mo ang mukha mo, nakakahiya pa rin ito. Minsan ko na ring naisip, bakit kaya hindi na lang binaligtad ang itsura ng ilong (nai-imagine niyo naman siguro)? Kahit paano, hindi magkukusang tumulo ang sipon at kailangan pa itong mapuno bago tumapon. Pero hindi pala pwede. Lalo sa mga maulang panahon tulad nito. Dahil kapag direktang masalo ng ilong ang ulan, tiyak maraming tao ang malulunod. Isa pa, mahirap pala suminga kapag baligtad ang ilong dahil tatalsik lahat ng sipon sa mukha mo.
Tulad ng isang bagyo, parang umaangging ulan ang epekto tuwing bumabahing ako. Sa totoo lang, kung may bayad ang bawat bahing at pagsinga ko, malamang naging milyonaryo na ako at nakapagbigay na ako ng donasyon sa mga biktima ng sakuna tulad ng nangyari nitong huli lang. Kaso, hindi.
Sa buhay ng tao, may mga pagkakataong binabayo tayo ng bagyo. At sa mga ganitong panahon minsan ay humahanap tayo ng taong masasandalan. Pero hindi natin alam na sarili lang din natin ang higit na makakatulong sa atin. Pare-pareho tayong tao. Ngunit kung magpapatalo, wala tayong pinagiba sa mukhang baligtad ang ilong sapagkat lulunurin lang tayo ng sarili nating sipon.

