Archive for May, 2008

Nasaan Ang Tsinelas Ko?

May 29, 2008 - 4:46 pm 188 Comments

Kung normal kang tao at gumagamit ng paa para maglakad, tumakbo, gumapang, tumingkayad, magkandirit o tumalon, hindi malayong gumamit ka rin ng tsinelas para protektahan ang mga paa mo. Maliban na lang kung mas trip mong mag medyas kung mamamalengke ka o di naman kaya mag sapatos para makipaglaro ng tumbang preso. Malamang sapatusin ka rin ng mga kalaro mo.

Noong bata pa ako, lagi akong nawawalan ng tsinelas. Kaya galit na galit ang ina ko sa akin dahil bili siya ng bili, wala naman ako ng wala. Yun naman pala, tinatago ng mga mababait kong kalaro kapag naglalaro kami ng chinese garter at habulang gahasa ligtasan. Mas masarap lumundag at tumakbo kapag walang tsinelas. Kaya nang minsang bilhan ako ng ina ko ng Rambo slippers, ito yung makapal na tsinelas na may kabigatan at medyo magaspang, iningatan ko ito ng bonggang-bongga. Pero hindi pa rin ako tinantanan ng mga kalaro ko. Tinago pa rin nila. Kaya noong makita ko, isinampal ko ang tsinelas ko sa mga mukha nila. Mula noon, hindi na nila tinago pa ang tsinelas ko.

Maliban sa ginagamit kong pangsampal ang tsinelas ko, nagamit ko na rin ito bilang pinanggagalingan ng walang kapantay na kapangyarihan. Isusuksok ko ito sa kamay ko ito hanggang sa umabot sa siko. Kaunting meditation. Taktak ng concentration. At budbod ng imagination. Yun na! Bigla-bigla, nag-transform na ako bilang Power Ranger o kaya minsan ay Masked Rider Black. May matching usok epek-epek pa. At tulad ng dati, nagta-transform ako para pigain ang lungs at puksain ang mga bully kong kalaro.

Iba’t ibang tsinelas na rin ang nasuot ko. Maliban sa Rambo slippers ko, naranasan ko na rin magsuot ng tsinelas na tig sasampung piso. Extinct na ata ngayon yun. Naaalala ko pa dati hirap na hirap akong makahanap ng sukat ko kasi alanganin daw ang sukat ng paa ko. Hindi ko alam kung anong ibig sabihin non. Mas malaki ata ang kanan kaysa sa kaliwa kong paa.

Marami na ring klase ng tsinelas ang nauso. Nariyan yung makakapal, maninipis, bulaklakin, makukulay, yari sa plastik, gawa sa balat ng hayop, bakya at alpombra ni lola. Nag-iba na rin ang pangalan nila, kung dati patok sila sa tawag na tsinelas, iba na ang bansag sa kanila ngayon, flip-flops. Maraming tatak na rin ang namayagpag, Beach Walk, Islander (Hari ng Tibay) at marami pang iba. At sino bang hindi makakakilala sa maalamat na Havaianas?

Note: Oops. Before I forgot. You have to say the word H-A-V-A-I-A-N-A-S with your best maarte and uber socialite tone and pronunciation.

Oh my gums naman pare. I can’t say anything but Havaianas is the best flip-flops for me. Kasi naman it’s very matibay and of course pang-mayaman. Everybody knows naman that i’m uber maraming pera and i can even make you kain all of them, raw and fresh. Or if you want, i can sampal your face with my one thousand pesos cold cash and it’s all tigbe-beintsingko. That will make you bleed. Im sure of that, pare. Havaianas is the tsinelas of the socialites. I just don’t know why these baho orcs make bili the havaianas, as we all know only people of the upper class like me can afford it. Afford means not need to ipon a one year sweldo from ate and kuya just to buy this piece of luxury. Gosh naman pare, it’s so pathetic. All these natives are filingeros and filingeras talaga. My aura is nasisira pare. Why not buy the ever famous pirated edition Havanas from the ever famous piracy capital of Quiapo and Divisoria diba? Oh my gums ulit! Give me a break. I have to go na pare and go to Antartica. I need to freshen up and cleanse my aura.

Ang tsinelas. Kahit gaano pa kamahal o kamura yan. Kahit anong klase pa yan. IIsa pa rin ang gamit niyan. At kahit anong gawin nating lahat, sa paa pa rin sinusuot yan. At tsinelas pa rin yan!

PS: The dialogue above is not mine (about Havaianas). Isa pa, NOT MINE!! Mahirap na baka mag welga kayo sa harap ng bahay ko.

Anong Oras Ginawa ang Orasan?

May 21, 2008 - 12:03 am 136 Comments

Ang oras ay ginto.

Ito na marahil ang pinakatanyag na kasabihan na may kinalaman sa oras. Ang oras na isa sa mga pinakamahalagang elemento na bumubuo sa sangkatauhan. Ito rin ay sumasaklaw sa ating buong kamalayan at pagkilos magmula pa ng matutong mag-isip ang mga tao. At tulad ng isang ginto, sinasalamin ng kasabihang ito kung gaano kahalaga ang oras sa buhay natin sa mundo.

Iba-iba ang tao. Iba-iba ang kani-kaniyang mga pinagkakaabalahan sa buhay. Iba-iba rin ang pinaggugugulan ng kani-kaniyang oras. May ilan na malaking parte ng oras nila ay inilalaan sa pag-aaral. May ilan naman sa paghahanapbuhay. Ngunit ang karamihan ay nagbibigay ng malaking bahagi ng kanilang oras sa mga hindi gaanong mahalagang gawain. Dahil ang lahat ng ito ay nakasalalay sa sitwasyon, sa hinihingi ng pagkakataon at higit sa lahat sa ating sarili.

At minsan, hindi natin namamalayan na malaking bahagi ng ating oras ay nasasayang.

Alas-otso ang pasok mo. Nagising ka at tumingin sa orasan. Ala-sais na ngunit pakiramdam mo masyado pang maaga kung kaya nanghingi ka pa ng karagdagang limang minuto para ipagpatuloy ang bitin mong tulog. Sa kasamaang palad, napasarap ang tulog mo at nagdirediretso hanggang sa gisingin ka na ng ina mo dahil alas siyete y media na ay naglalaway ka pa. Dahil diyan, hindi mo na nagawang magplantsa ng uniporme mo. Hindi ka na rin nakapag-almusal. Nahuli ka na sa eskwela o trabaho, hindi ka pa nakaligo.

May nakatakda kang gawain. Maaaring projects, assignments, requirements, thesis o paperworks at may deadline para rito. Ngunit sa halip na gawin mo na ito, “nagpa-maya-maya” at “bukas na” ka pa. Inuna mo pa ang mag-DOTA, manuod ng telebisyon, mag-porno o kaya mag-dvd marathon ng Heroes. At kung kailan malapit na ang deadline saka mo inumpisahan ang sana’y dati mo pang natapos na gawain. Dahil diyan, nagmadali ka at nataranta. Hindi ka makapag umpisa dahil hindi mo alam kung paano ito tatapusin. Ang dati’y mahabang mong oras, ngayo’y limitado na. At hindi mo ito natapos ng maganda, tama at maayos.

May nakilala kang babae. Naakit ka, nahumaling at nahalina. May kakaiba kang naramdaman para sa kanya. At kakaibang tigas titig ang isinasalubong mo sa kanya tuwing nakikita siya. Alam mong siya na ang babaeng matagal mo nang pinakahihintay. Ngunit dahil sa torpe ka, inunahan ka ng kaba. Pinatagal mo pa ang pagtatapat ng pag-ibig sa kanya. Dahil diyan, naunahan ka ng iba. Ang babaeng sana’y ikaw ang ka-holding hands, ibang lalake ngayon ang kasama. Ngayon nagsisisi ka at hindi mo alam kung saan mo hahagilapin ang sagot sa tanong na “ano kaya kung niligawan ko na siya noon pa?”.

Bawat segundo sa buhay ng tao ay mahalaga. At kung ang Pilipino ay may average life expectancy na animnapu’t walong (68) taon, mayroon siyang dalawang bilyon, isandaan at limampung milyon, at pitumpu’t dalawang libong (2,115,072,000) segundo para ubusin at ilaan sa mga kung anong bagay na matripan niya. Gayunpaman, hindi dapat natin kalimutan na ang oras na lumipas ay hindi na natin maibabalik kailanman. Hindi rin ito pwedeng i-recycle at malamang na mabulok lang kung hindi gagamitin sa tama at mga gawaing kapaki-kapakinabang.

Kung may mga bagay kang gustong tapusin, mabuti nang simulan ito hangga’t maaga pa. Gawin na ang mga bagay na dapat, kinakailangan at gustong gawin hangga’t kaya pa ng katawan mong lumanghap ng oxygen. Iparamdam mo na sa mga taong malapit sayo kung gaano sila kahalaga hangga’t hindi pa humihinto ang panahon sayo. Magparamdam ka na rin sa mga kaaway mo kung paano nila binigyan ng kulay ang buhay mo hangga’t humihinga pa sila. Dahil hindi mo masasabi ang oras, baka bukas, oras mo na.

Masasabi nga natin na ang oras ay ginto dahil sa halaga nito. Ngunit ang pinagkaiba nila, hindi nabibili kahit saan ang kinang ng oras kapag naubusan ka.

May 16, 2008 - 8:00 pm 2 Comments

May mga bagay sa mundo na sadyang mahiwaga, kakaiba at hindi maipaliwanag. May mga pagkakataon sa buhay ng tao na darating ang isang pangyayari na hindi inaasahan. At may mga pangyayari naman na may taong darating sa ating buhay para ito’y bigyang kahulugan. Nangyari ito, nang makilala kita.

Nagsimula sa pagkakaibigan. Doon naman talaga nagsisimula ang lahat. Simpleng batian at kumustahan, usapan at tawanan. At mula ng makita kita, lagi ko na agad iniisip ang susunod na pagkakataong muli kitang makakasama. Pagkat hindi sapat ang ilang oras na inilalagi natin. Iba ang pakiramdam tuwing kasama kita. Hindi maipaliwanag na ligaya ang nagpapabilis sa oras natin at pangungulila ang siyang nagpapabagal na muli kang makita ng aking paningin.

Hindi nagtagal, ang mga musikang pinapakinggan mo ay pinapakinggan ko na rin. Ang mga awiting kinakanta mo ay inaawit ko na rin. Ang mga pinapanuod mo ay pinapanood ko na rin. Ang mga paborito mo ay naging paborito ko rin. Ang mga tawanan natin. At ang ngiti mo, mga salita ng labi na walang tunog ngunit nagpapahiwatig na sa kabila ng lahat ay masaya ka, ay napapangiti ako. Sapagkat wala nang mas papantay pa sa pakiramdam na napapasaya mo ang taong mahal mo.

Alam kong may pagkakataong hindi ako naging mabait sayo sa kabila ng pagiging mabuti mo sa akin. Hindi ko man naibabalik ang mga pabor na hinihingi ko sa iyo, pinahahalagahan ko ang lahat ng ginagawa mo para sa atin. Hindi ko man naaabot ang mga bagay ng inaasahan mo sa akin, sinisikap kong higitan pa ang lahat ng iyon. Paumanhin sa lahat ng pagkukulang ko at sa mga hindi magandang salitang nabibitawan ko. Walang kwenta man ako, ikaw lang ang naging dahilan kung bakit may kwenta ang buhay ko. Dahil sayo nagbago ang mundo ko.

At hindi ako magbibitaw ng kahit anong pangako. Dahil may mga bagay na mas mabuting ginagawa kaysa sinasabi.

Malaki ang pasasalamat ko dahil nakilala kita. Kahit hindi mo sadyain, hindi maipaliwanag na saya ang ibinibigay mo sa tuwing magkatabi tayo. Ang dagitab na dulot mo na sumusuot sa aking buto. Sa iyong kanlungan nadama ko ang maging kuntento. At hindi matatawaran ang pagkalingang ibinibigay mo. Maraming maraming salamat sa iyo.

Kung may dahilan man ang lahat ng ito. Kung bakit ako naririto. Kung bakit ako masaya. Kung bakit ako maligaya. Kung bakit makulay ang tingin ko sa paligid. Kung bakit bughaw ang langit. Kung bakit kalmado ang tubig. Kung bakit ramdam ko ang halik ng hangin. Kung bakit ang oras ay matulin. At kung bakit patuloy pa ring pumipintig ang puso kong uhaw sa pag-ibig…

Walang ibang dahilan kundi ikaw.

At wala nang ibang maaaring maging dahilan ng lahat ng ito maliban sayo. Kung ako ang tagapagligtas mo, ikaw naman ang reyna ko.

Recycle: Jeepney Juan

May 13, 2008 - 3:12 pm 124 Comments

Naranasan mo na ba yung isang araw na papasok ka ng eskuwelahan? Handang handa ka na. Ang gwapo mong tignan sa uniporme mong bagong plantsa. Na halos ni isang maliit na gusot ay wala. Yun bang taas noo kang naglalakad sa kalsada. At pagsakay mo sa jeep, na sa halip na ikandong mo ang bag mo ay inilapag mo na lamang ito upang hindi magusot ang bagong plantsa mong uniporme. Mapupuno na ang jeep, aalis at sa wakas makakarating ka na sa eskuwelahan para ipagyabang sa mga kaklase mo ang super plantsado mong uniporme. Nang may biglang sumakay at tumabi sa iyo. Na kahit siksikan na ay ikiniskis pa rin ang sarili niya sa napakaliit na puwang. At dahil ipinagsiksikan niya ang katawan niya ay nasiksik din ang super plantsado mong uniporme. Nalukot, inupuan at nagusot ang iningat-ingatan mong bagong plantsang uniporme. At sabi ng bagong sakay, ano ba itong drayber na ito, ang sikip ng jeep?! At gusto mong sumabat at murahin ang bagong sakay, eh pampam ka pala eh bakit ka pa sumakay? Sa wakas ay nakarating ka na sa iyong paroroonan. Bumaba ka na nang jeep. Ang bagong super plantsado mong uniporme na kani-kanila lang ay walang kagusot-gusot, ngayon ay para ng nilamukos na lata. ASAR DIBA?

Naranasan mo ba ba yung isang gabing umuulan? Wala kang dalang payong. Basang basa at naiihi ka na. Nasa isang silong at nag-aantay ng masasakyan. Halos amagin ka na sa kinatatayuan mo at inaamag na rin ang ihi mo. At sa wakas may dumating na jeep. Sabi ng drayber, halika totoy, marami pa! Tuwang-tuwa ka at sa wakas ay makakauwi at makaka-ihi ka na. Sumakay ka, naknampitumputpitongputikasamanaangdilawnatupa! Ang jeep puno! Sabi ulit ng drayber, dito totoy isa pa, sabay turo sa dulo. Dahil wala ka ng ibang pagpipilian kaysa mabulok ang ihi mo, tumuloy ka na lang. At ang sinasabi ng drayber na isa pa, siyet, kahit apat na taong gulang na bata iiyak pag pinaupo doon. Umupo ka. At kahit tumbong mo na lang ang magkasya ay pwede na, makauwi at makaihi lang. Ikinapit mo ang kanang kamay sa estribo at ang kaliwa para sa bitbit mong gamit. Biglang may sumigaw, mama bayad po! Dahil ikaw ang nasa dulo, ikaw ang mag-aabot. Kung pwede lang sana gamitin ang paa pang abot ng bayad. Ang manong drayber ay kaskasero. Biglang liliko, aabante, at hihinto. Nampatola! Halos malaglag ka na sa kinauupuan mo. At may hinayupak pang nakikiunan pa sa balikat mo. Hindi ka na nga magkanda ugaga kung anong pwesto ang gagawin mo para makaupo ng husto at makakapit sa estribo, naninigas na ang binti mo, may naglalaway pa sa braso mo. BADTRIP DIBA?

Naranasan mo na ba ng pauwi ka na? Sumakay ka ng dyip sa isang terminal. Mapupuno na. Makakauwi ka na at makakapagpahinga. Napansin mo na halos babae ang kasabay mo sa jeep. Naggagandahan, nagseseksihan at nagbabangohan. Kung saan-saan ka na napapatingin. Naglalaway ka na sa kaharap mo. At biglang sumakay ang crush mo. Sakto tumabi pa sayo. Kinilig ka. Tumayo ang anaconda balahibo mo. At ikiniskis mo pa ang balat mo sa kanya. Ang manyak mo! Isa na lang mapupuno na. Nang biglang sumakay ang isang malaking babae. Pagsampa niya sa jeep ay nag-alinlangan dahil baka hindi na siya magkasya. At sumigaw ng barker, dito ka kanan konting ayos lang, oh mga miss kauting ayos lang, paki-ipit na lang baka sumingaw! PATOK diba?

Pare, tuli ka na ba?

May 5, 2008 - 4:31 pm 151 Comments

Kung mayroon mang inaabangan ang ilang kabataang lalaki ngayon na nagbibinata, hindi iyon ang Dyesebel ni Marian Rivera o ang pagta-transform ni Angel Locsin bilang Lobo. Ito ay walang iba kundi ang pagpapatuli.

Hindi ko alam kung saan nanggaling ang salitang tuli. Ang alam ko lang, supot ang tawag sa iyo kung hindi ka pa tuli dahil may balat pang naka “supot” diyan sa ulohan ng alaga mo. At hindi ito ang uso sa Pilipinas dahil kung treinta-anyos ka na at supot ka pa, parekoy, mag isip-isip ka na.

Halos lahat ng kabataang Pilipino ay dumadaan sa panahong ito. At ilang bansa rin ang gumagawa ng pagpapatuli sa lalaki (kahit sa babae) sa ibat-ibang dahilan, maparelihiyon man o kultura. At kung may mga bansang gumagawa nito, mayron din namang mga bansang hindi sumusunod sa ganitong gawi. Magpe-first year high school ako noon nang magpatuli. Tama! Sa maniwala kayo’t sa hindi, tuli na po ako. At kaya kong patunayan yan! Gusto niyo makita?

Hindi naging malaking problema sa akin ang pagpapatuli. Una sa lahat dahil hindi ako takot at pangalawa excited ako. Siyempre, iba ka kung tuli ka na. Kung baga, isa ka nang tunay na lalaki. At kahit pa sa dami na nang kwento at pananakot na nasagap ko tungkol sa mga karanasan ng mga kalaro kong mas matanda sa akin noong tinuli sila, hindi umurong ang *toot* ko at game pa rin ako. Medyo nag-aalangan lang ako at nahihiya, hindi dahil sa maliit ang *toot* ko (well, hindi naman talaga), kundi dahil may balahibong pussy na ako nang edad na iyon. Manipis lang naman at hindi singkapal ng balahibo ng gorilya. Wala lang, pakiramdam ko lang hindi normal.

Dahil sa maarte ako at hindi papayag na kung sinong albularyo lang ang hahawak sa *toot* ko para pukpokin, siyempre sa lehitimo at pribadong doktor ako nagpatuli. Mahirap na, baka mawalan ako ng kaligayan at sa halip na ang balat lang ang mawala, pati testicles ko sumabit! Pangarap ko pa namang bumuo ng football team at isasali ko sa Hep Hep Hurrah sa Wowowee.

At tinawag na ang numero ko. Kabado ako. Iba talaga ang pakiramdam kung sa kuwentuhan lang at kung nandon ka na mismo sa sitwasyong iyon. Ibat-ibang scenario rin ang nabubuo sa utak ko habang papasok sa kuwarto at makasalubong ang sinundan ko. Parang may bahid ng paghihirap sa mukha niya. Ewan, parang suminghot ng isang basong pamintang durog ang hitsura niya. Pumasok tuloy sa isip si Edward Scissorhands ng mga panahong iyon na siyang magtutuli sa akin. Nakakatakot.

Pero hindi ko iyon pinansin. Inisip ko na lang na isang magandang nars ang sasalubong sa akin at bibinyag sa pagka-birhen ko. Hindi bali nang tigasan ako habang tinutuli basta siya lang ang makikita ko. Gayunpaman, hindi pa rin nawala sa utak ko na baka bigla akong maihi habang tinutuli dahil sa takot kay Edward Scissorhands. Nakakahiya. At muntik na akong tumama, isang matandang lalaki ang nandon at nag-aantay sa akin.

Lalo akong kinabahan. Paano kung biglang maduling si lolo at sa ibang direksyon maiturok ang anestisya? Paano kung bigla siyang manginig at malihis ang paggupit sa balat ng *toot* ko? Parang awa mo na lolo, umayos ka. Pero buti na lang, hindi pala talaga siya ang magtutuli. Isang mas batang doktor ang biglang lumitaw at pinalayas si lolo. Nakahinga na ako ng maluwag. Pero napa-isip ako. Anong ginagawa ni lolo doon? At siya pa ang naghubad ng shorts ko.

Note: hindi ko na idedetalye ang mga nangyari noong tinuli ako.

Sa wakas, at natapos ang operasyon nang walang aberyang nangyari. Swabe ang pagkakagupit. Halos wala ring sakit. Naramdaman ko na lang ang hapdi noong nasa jeep na ako pauwi dahil sa sobrang magalaw at siksikan sa loob, na-aalog, nababangga at naiipit ang *toot* ko.

Halos isang linggo akong nagtiis para hawakan ang pundya ng shorts ko at maglakad ng sakang. Hindi rin nakatakas ang palda ng tiyahin ko. Minsan, nagigising na lang ako mula sa pagkakatulog na nakataas na ang palda ko at exposed na si *toot* na naka-attention. At kung sa probinsya, uso ang pagtalon sa dagat at ilog kapag bagong tuli, mas sosyal ako dahil hindi ko pinalampas ang outing namin at nakuha ko pang magbabad sa swimming pool noong bagong tuli.

Sa totoo lang, nami-miss ko ang hitsura ng *toot* ko noong hindi pa ako tuli. Ewan ko, parang nostalgic kasi ang pakiramdam kapag nakikita ko ang *toot* ko sa kasalukuyan na pinangalanan ko nang Anaconda. Pero hinding-hindi ko talaga malilimutan ang sinabi ng nanay ko noong bagong tuli ako at wala kaming ulam:

…anak, wala tayong ulam. iluto na lang kaya natin yang sayo. may hotdog na, may itlog pa! may libre pang kamatis para sawsawan…

BOOM!

May 1, 2008 - 12:11 am 143 Comments

Hindi ko alam kung paano ko sisimulan.

Ito ang bunga ng dalawang taon kong pagbo-blog ng mga walang kwentang bagay sa paligid ko. Mahigit sa isang taong pagtatago ko dahil sa dumaraming stalkers ko. Halos walong buwan nang muli akong magbalik para makigulo at manggulo. Kulang-kulang tatlumpung araw para humanap ng mga sponsors ko. Dalawandaang oras para ayusin ang template ko. Taning na tatlumpung-minuto para buuin ang post na ito. At limang segundo para bigkasin ang mga salitang ito.

Oh my gums! May datkom na ako!

Maraming salamat sa mga tao at hindi tao na naging instrumento para maging katotohanan ang panaginip na ito. Hindi ko na kayo papangalan dahil nasa sidebar ko na kayo.

Salamat din sa mga ka-kosa ko na nag-alay ng matinding pasensya sa kabobohan ko at nagtiyagang sagutin ang mga katanungan ko para mabuo ang blog na ito. Hindi ko na rin kayo papangalanan dahil alam niyo na kung sino kayo.

Sa mga taong nag-uukol ng oras nila para basahin ang mga kwento ko. Sa kanila hindi nagsasawang makisabat at nagkukomento sa mga lathala ko. Sa inyo na kahit kailan ay hindi nang-iwan at nananatiling tumatangkilik kay kingdaddyrich. Maraming salamat.

Sa mga spammers na nag-iiwan ng walang saysay na bakas sa blog ko. Sa mga negosyanteng walang habas na nag-aadvertise sa comment box ko. Sa mga blogista na walang ibang ginawa kundi makipag ex-links. Kahit ayoko, magpapasalamat na rin ako. Salamat.

Sa mga taong asar, galit at gusto na akong mamatay, pasensya na pero mahaba ang buhay ng mga masasamang damong tulad ko. Mga bitamina ko kayo na mas lalong nagpapalago sa mga dahon ko. Wag lang na malalaman ko na hinihithit niyo ang dahon ko. Tiyak, ma-aadik kayo. Tenkyu!

At higit sa lahat, SAYO, ikaw na nagbabasa ngayon ng blog ko. Salamat dahil kung hindi dahil sa iyo, wala ako sa kinalalagyan ko ngayon. Ngayong may datkom na ako, marami pa tayong kwentong pagsasamahan, balitaktakang pagsasaluhan at usapang pag-uusapan.

Maraming, maraming, maraming salamat sayo!