Yehey!

December 29, 2008 - 12:25 am 17 Comments

Alam niyo bang hindi kami nagno-Noche Buena? Hindi ko alam kung bakit, pero hindi talaga nakaugalian sa amin ang maghanda sa bisperas ng Pasko. Ayos lang naman para sa akin dahil sa mismong araw ng Pasko, piyesta naman ang mga alaga ko sa tiyan dahil mapapasabak sila sa pagkain. Marami kasing putahe na nakahain sa hapag-kainan sa araw na ito. Idagdag mo pa ang simoy ng malutong na perang papel na sa tuwing Pasko mo lang maamoy. Malas ko lang, expired na ang edad ko para manghingi ng aguinaldo. Kaya sa pagkain na lang ako bumawi.

Iba ang sitwasyon sa taong ito. Naki-noche buena kasi ako sa ibang bahay. Simpleng salo-salo, saktong pagkain, ngunit mga espesyal na tao para sa akin ang kasama ko. Marahil, ganon naman talaga ang nais ipakahulugan ng sabay-sabay na pagkain, ang mapatatag pa ang pagsasama ninyo ng mga taong mahalaga sa buhay mo. At kung ano man ang nakahain sa mesa, ay sabay-sabay pagsasaluhan nang may ligayang hatid para sa bawat isa.

Tinanghali na ako ng gising kinabukasan. Hindi ko tuloy naabutan yung mga batang nagkalat sa kalsada na iniiisa-isa ang bahay ng mga ninong at ninang nila para sa aguinaldo. Pinagkaitan pa rin ako ng tadhana kahit sa pagkakataong ito. Noong bata kasi ako, iisa lang ang ninang ko na napupuntahan ko. Ang iba kasi, nagsimatay na at ang iba naman ay nagtatago nawawala bigla pagsapit ng Pasko. Hindi ko tuloy nababawi ang pinuhunan ko para sa bago kong damit at sapatos. Pero hindi naman masama ang loob ko, ang mahalaga, maraming pagkain. Ha haha!

Hindi ko talaga ugaling makipagsabayan sa dami ng tao sa mga pasyalan lalo kapag Pasko. Inaasahan nang puputaktihin ng mga bata ang maraming lugar lalo na ang mga mall at theme parks. Pero naglakwatsa ako nitong nagdaang Pasko. Wala rin kasing magagawa kung magmumukmok ako sa bahay at magdalamhati dahil sa masalimuot na alaala ng kabataan ko. Isa pa, wala naman din akong inaasahang maghahanap sa akin para manghingi ng aguinaldo dahil wala naman akong inaanak. Hindi ako maaakusahang nagtatago.

Pagkain pa rin ang inatupag ko hanggang mag-Pasko. Aba, sinong tututol kapag sinabi kong talaga namang nagiging makulay ang mesa kapag panahon ng Kapaskuhan? Nagiging matunog sa panahong ito ang pahayag na Pasko naman eh o di naman kaya ay minsan lang sa isang taon ang Pasko kaya talagang lahat ay naghahanda. Kaya dahil paminsan-minsan lang, kumain kami ni Bb. B sa isang restawran na napaka-wirdong klase ng softdrinks ang ibinibenta. Bakit wirdo? Kasi, eighty petot (80php) ang isang softdrink in can dito, Pasko naman eh, minsan lang sa isang taon ang Pasko.

Pagkatapos ang Pasko, araw na lang ang bibilangin at magpapalit na naman ang taon. Naging mabait sa akin ang taong ito sa pangkalahatan. Maraming mabubuting bagay ang nangyari at mga hindi malilimutang karanasang mananatili sa akin. Siyempre, hindi rin mawawala ang mga pagsubok. Nandiyan naman parati yan eh, hindi na mawawala. Ang mahalaga natututo tayo kasabay ng pag-inog ng panahon natin sa mundo.

Ito na ang huling entry ko para sa taong ito, ang taon kung kailan ko binuksan ang datkom ko. Bilang pagtatapos, may iiwan akong katanungan para sa lahat ng mambabasa ko…

Anong blog entry ko ang pinakagusto ninyo at bakit?

Hanggang dito na lang. Sa susunod na taon muli. Salamat. Maligayang Bagong Taon sa lahat!

Ang pagbubukas ng bagong taon ay pagbubukas ng bagong kabanata sa libro ng ating buhay. At sisimulan natin ito na ang bawat pahina ay blanko, malaya tayong itala ang anomang naisin natin. Sa madaling salita, ang bagong taon ay bagong pag-asa at bagong oportunidad para sa bawat isa.

Ang Pao

December 18, 2008 - 6:20 am 48 Comments

Sa panahon ngayon ng pagmamahalan at pagbibigayan, abala ang maraming tao sa pagsasabubay ng diwa ng Kapaskuhan. Marami na ang nagsimula sa kanilang taunang pamimili ng mga damit, gamit at panregalo para sa kanilang mga inaanak o sa mga minamahal sa buhay. Ang ilan ay nag-iimbak na ng mga lulutuing pagkain na ihahanda sa mismong araw ng Pasko. Samantalang ang iba naman ay sabay-sabay nagsisulputan para samantalahin ang iyong kabaitan.

Ang mga kalabit-penge ng bangketa, mga batang gusgusin na pakalat-kalat sa kalsada na pagka-kalabit sa iyo ay otomatikong nakalahad na ang kamay at kaawa-awa ang pagmumukha. Makulit at kahit sabihin mong wala ay paulit-ulit pa rin sa pagkalabit. Minsan ay nasa katauhan din sila ng mga inang may bitbit na mga sanggol na tila kinakasangkapan pa ang kanilang mga anak para kaawaan. Walang permanenteng lugar na kinalalagyan at kung saan-saan pakalat-kalat. Nang minsang naglalakad ako sa kalsada, sa malayo pa lang ay kita ko na ang grupo ng mga ito na masaya pang nagkukuwentuhan. Ngunit ng malapit na kaming magsalubong, nagbago ang emosyon ng mukha at naging mangiyak-ngiyak na parang nakakain ng sibuyas. Pakiramdam ko nainsulto ako, di ko tuloy napigilan ang sarili ko na tignan ang babae ng masama.

Kung regular kang pasahero ng jeep malamang ay nakasabay mo sila sa biyahe. Dalawahan sila kung dumiskarte, mga bata na ang isa ay taga-kanta at ang isa ay taga-sayaw. Di ako sigurado kung saang probinsiya sila nanaggaling ngunit base sa kanilang pananalita ay sa katutubong lugar ang pinanggalingan nila. Patunay din dito ang katutubo nilang tugtugin bilang sangkap sa kanilang paghingi ng limos. Habang tumutugtog ang isa gamit ang kanyang tambol ay umiindak naman ang isa habang tumutulo naman ang sipon. May baon silang sobre at ipinamimigay isa-isa sa mga pasahero na alam naman ng kahit sino kung para saan ito.

Kung iniisip mong malaking instrumento ang pagiging madungis sa paghingi ng limos sa kalsada, diyan ka nagkakamali.

Madalas ka bang sumakay ng bus sa pagpasok sa trabaho, eskwela o pagpunta saan man? Pwes, maaaring nakasakay mo na sila. Pormal ang pananamit, nakapomada ang buhok, makintab ang sapatos, may bitbit na Bibilya, aabutan ka ng maliit na papel, sabay magpapakilala sila bilang galing sa isang institusyon na may hangaring makatulong sa mga nangangailangan. Sa maliit na papel mababasa ang kanilang “grupong” pinagmulan, cellphone contact number, at ang litanya ng kanilang adhikain bilang isang grupong mapagkawang gawa at handang tumulong sa kapwa.

Magtatalumpati sila sa iyong harapan at kukumbinsihing ang pakay nila ay makatotohanan sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga berso sa Bibliya. Matapos nito ay maaaring awitan ka pa nila ng kantang pamasko. At pagkatapos ay isa-isang babalikan ang mga ipinamudmod na papel at saka mo na lang maiisip na ang gamit nito ay ipitan ng “tulong” ibibigay mo sa kanila, kakamayan ka pa sabay sambit nila ng mga katagang “mabuhay ka!”. Bago pa sila bumaba ng bus, iimbitahan ka pa nila na manood ng kanilang programa sa telebisyon.

Makikita mo rin sila sa mga jeepney, makakasalubong sa kalsada at ang talagang pinakanakakairita sa lahat, sasabayan ka nilang umupo habang kumakain ka ng paboritong pagkain sa paborito mong restaurant. At sa parehong pamamaraan, aabutan ka ng maliit na papel at sa pagkakataong ito ay magpapakilala bilang grupo ng mga kabataang tumutulong sa mga kapus-palad.

Kalokohan.

Hindi masama ang tumulong sa iba, ang masama ay ang manggamit ng iba para lang manamantala at manlinlang ng kapwa.

Emo: Singapore

December 11, 2008 - 3:22 am 30 Comments

hi kdr,

meron po akong katanungan sayo na baka sakaling maliwanagan mo ako…

1. Paano po ba nadidistinguish na me bagyo?
2. Meron ba silang criteria for judging na bagyo na nga ito at hindi lang malakas na ulan?

Ganito po kasi yun kaya ko naitanong… Dito po kasi sa Singapura eh walang bagyo. Opo malas ng mga estudyante ditong nangangarap na sana eh signal number 3 na lang para suspended ang klase kasi wala pong bagyo dito.

Pero nitong mga nakaraang araw, kapag umuulan, akala mo wala ng katapusan ang galit ng langit at dagundong ng mga kulog.

Para po bang aliw na aliw ang mga dyos at dyosa sa kalangitan sa paglalaro ng bowling… At talaga namang buhos kung buhos ang lakas ng ulan…

Pero hindi naman nag tatagal yung duration.. Para bang bugso lang ng damdamin ng mga taong naglalaro sa kama… Panandalian lamang…

Bigyan nyo po sana ako ng linaw bakit sa kabila ng lakas ng ulan dito sa singapore eh hindi pa rin nila nakakategorized na bagyo yun…

nagmamahal,

lyzius

Maraming salamat sa iyong pagtitiwala at sa dinami-dami ng maaari mong tanungin ay ako ang iyong napili. Bakit kaya? Gayunpaman, nais ko lang ipabatid na marami akong natutunan dito at sana’y makapulot din ng kaalaman ang sinomang makakabasa nito. Pansamantala, maga-ala-Ernie Baron muna ako, Singaporean style. Pero huwag muna sana ako kunin ni Lord.

Ang Singapore ay isang siyudad-estado na pinalilibutan ng mga bansang Malaysia at Indonesia. Sa sukat na 707.1 kilometro kwadrado (sq km) o 273 milya kwadrado (sq mi), ang islang ito ang pinakamaliit na bansa sa Timog-Silangang Asya.

Singapore has two main seasons, ang Northeast Monsoon o ang Hanging Amihan (December-March) at ang Southwest Monsoon o ang Hanging Habagat (May-September). At base sa tala ng impormasyon ukol sa panahon sa loob ng mahabang panahon, kapansin-pansin ang madalas na pag-ulan sa pagitan ng Nobyembre at Enero at madalang naman sa pagitan ng Mayo at Hulyo. Sa madaling sabi, normal lang ang nararanasan mong madalas na pag-ulan diyan.

Sa iyo na mismo nanggaling na walang bagyo riyan. Ito ay dahil sa ang Singapore ay 135 kilometro lamang ang layo sa guhit-ekwador (1.36 degrees of latitude north of the equator). Ang ibig sabihin lamang nito ay ang dominanteng klimang tropikal at ang mababang posibilidad ng malamig na hangin na tumutulong sa pagsimula ng pagbuo ng isang bagyo. Kaya kung iyong mapapansin, may pagka-maalinsangan ang klima sa lugar na iyan.

Ang sa akin lang, bakit mo pa kakailanganin ng isang criteria para malaman kung bagyo na nga ito o hindi kung natural na naman na hindi ka dinadaanan ng bagyo? Kumbaga, bakit ka pa dapat magkaroon ng isang bagay na hindi mo naman kailangan. Iba kasi ang sitwasyon sa Pilipinas na gumagamit nito sa pagpapahayag kung may bagyo o wala. Malas lang ng mga estudyante diyan dahil hindi maantala ang klase dahil sa bagyo. O kaya ay magkaron biglaang sideline ang mga tambay diyan tulad ng improvised-bangko-slash-tulay sa mga binahang bangketa na kada tawid mo ay may entrance fee.

Gayunpaman, hindi ito garantiya na kahit kailan ay hindi magkakaroon ng bagyo sa Singapore. Tulad nang isang pambihirang pangyayari noong Disyembre 2001 na isang bagyo ang namuo malapit sa Singapore at pinangalanan itong Vamei. At maaaring ilang taon mula ngayon, dahil sa climate change ay malaki ang maging epekto nito sa pagbabago ng klima ng buong mundo.

Bilang karagdagan, ang walang tigil na pagdagundong ng kulog sa kalangitan na ayon sa iyo ay tila bugso ng damdamin ng mga taong nasa kama ay tinatawag na Sumatras (hindi Kama Sutra). Ito ay kalat-kalat na pagkulog at pagkidlat na nangyayari sa pagitan ng Marso at Nobyembre taun-taon. Ito ay namumuo mula sa Sumatra o Malacca Straights at kumikilos pa-Singapore para tugisin ka. Ito ay karaniwang nagtatagal nang mula 1 hanggang 2 oras na may kasamang malakas na hangin at pag-ulan.

Mahirap ang magtaya ng magiging lagay ng panahon. Ibat-ibang aspeto ang dapat isaalang-alang para maging eksakto sa pag-ulat upang maging kapaki-pakinabang at hindi magdulot ng pagkalito sa tao. At sa kasalukuyan, ang makabagong teknolohiya ang kaagapay natin dito. Parang sa sinigang, mas masarap kung kumpleto ang rekado. Kung bakit ko pinasok ang sinigang dito ay dahil ito ang ulam ko kanina.

Sana ay nasagot ko ang iyong katanungan. Para sa iba pang dagdag kaalaman, maaari kang sumangguni sa mga sumusunod:

It is one of the secrets of nature in its mood of mockery that fine weather lays heavier weight on the mind and hearts of the depressed and the inwardly tormented than does a really bad day with dark rain snivelling continuously and sympathetically from a dirty sky.
– Muriel Spark

Monologue

December 4, 2008 - 5:54 am 43 Comments

nagpapahingaHindi ko maintindihan kung paano ko nagawang mawala ng ilang linggo nang hindi man lang kinukumusta ang bahay ko dito sa Internet. Nahihiya pa nga ako dumaan dito. Alam niyo yung hiya na hindi mo magawan ng pabor ang isang tao na kapag ikaw naman ang may kailangan ay walang atubiling tumutulong sa’yo? Ganun. Nagpaka-ermitanyo lang ako noong mga panahong nawala ako. Siyempre tao pa rin ako, napapagod at nagpapahinga. Masarap. Kung pwede lang na magpahinga ng habambuhay ginawa ko na. Yun nga lang masakit sa likod, lagi kasing nakahiga.

Nagbakasyon kasi ako. Naaliw ako sa paggapas ng mga damo at maglipat ng mga bato. Mahirap na, baka matinik ako sa inaapakan ko o di naman kaya ay matalisod sa mga nakaharang sa daraanan ko. Sinubukan ko ring mangitlog kasabay ang mga manok. Di ako nagtagumpay. Lahat sila bugok. Hindi naman ako baog. Sa susunod, susubukan ko naman maggatas ng kalabaw. O kaya para maiba naman, mag-alaga at magpalago ng amag. Tapos ibebenta ko. Sana yumaman ako sa naisip ko na ito.

Ilang pangyayari na rin ang napaglipasan ng pagpakawala ko. Balita ko nadagdagan na naman ang mga Pinoy Seafarers na nakidnap sa Somalia. May ilang sinuwerteng pinauwi ng Pilipinas. Kasabay ng mga minalas na nawalan ng trabaho dahil sa krisis. Problema ito para sa kanila. Mahirap ata mag-isip kung saang bansa ka naman makikipagsapalaran. Tulad ng mga magsasaka galing Bicol na nagmartsa papunta ng Maynila. Kaso wala sa palasyo ang pakay nila, nasa Hongkong. Dinalaw si Clinton.

Alam niyo yung Parokya ni Edward? Nanood ako ng sine noong nakaraang linggo. Nagtataka ako dahil maya’t maya ay nagbubungisngisan at tumitili sa kilig ang mga babae sa sinehan. Tanong ko tuloy sa sarili ko, paano nila ako nakikita samantalang madilim? Kaya nadismaya ako. Isa pa, wala kasing pumalakpak pagkatapos ng Twilight. Yun pa naman ang inaantay ko. Update: Akalain mong mabanggit ang Filipino version ng bampira sa libro, at ang watawat ng Pilipinas sa pelikula. Hiwalay na pala sina Karylle at Dingdong. Hi Marian Rivera. May balak ka bang sumali sa Liga Insekta?

Ambilis ng panahon. Di mo namamalayan na ang bawat kurap mo ay may katumbas na oras na lumilipas. Parang salapi. Sa mahal ng bilihin ngayon, dadaan na lang silang mga bayani sa palad mo. Mabibilang mo na sa mga daliri mo ang nalalabing mga araw bago ang pasko. Ramdam mo na moleskinba? Ako oo. Heto ang patunay.

Noong isang araw naligo ako. Isang buhos ko pa lang nangatog na ang buto ko. Habang nagsasabon kusang nagkukuskos ang kamay ko dahil sa panginginig. Mga alas dos ng madaling-araw yon. Ang lamig na ng panahon. Isa pa, may maaga akong regalo mula sa isang blogista sa Canada. Maraming salamat sa Moleskine. Ano kayang masasabi ni Picasso at may Volant Notebooks na ako. Malamang wala siyang pakialam. Pero sakto, dahil dito may mouse pad na ako.

Like leaves on trees the race of man is found — Now green in youth, now withering on the ground; Another race the following spring supplies: They fall successive, and successive rise.
– Alexander Pope

Piso

November 12, 2008 - 1:08 am 74 Comments

Gwapong-gwapo ako kanina. Minsan lang kasi ako magkaroon ng pagkakataon na makapagsuot ng pormal. Nagmumukha akong elegante at kagalang-galang. Napilitan tuloy akong mag-ahit ng bigote para lubusin na ang pagpapanggap. Ewan ko kung kailan pa naging pamantayan ang pagsusuot ng mahabang manggas, pantalon at tire-black-shine leather shoes sa paghahanap ng swerte. May mga nagtatagumpay, ngunit mayron din namang nabibigo. Nadamay pa tuloy ang bigote ko na pinaghirapan kong alagaan at patubuin. Inantay kong mamunga pero bigo ako. Para tuloy akong nakahubad.

Inabot ako ng tanghali. Naghangad ang sikmura ko ng kaunting abuloy para mahirapan naman siya sa trabaho niya. Sisiw daw kasi pag walang laman. Dahil sa mabait ako sa sarili ko, pinagbigyan ko siya.

Ang lakas ng dating ko. Pagtapak ko pa lang parang bumagal ang lahat. Ramdam ko ang sarili kong aura at tinatangay ng sarili kong hangin. Natuyo tuloy ang basa kong kili-kili. May grupo ng mga babae akong nakita sa di kalayuan, kumakain at nagkukuwentuhan. Habang papalapit ako sa pwesto nila, lalong bumagal ang paligid. Sinabayan pa ng pamaskong awitin na pinapatugtog ng mall na iyon. Napasulyap sila sa akin. Binawi ang tingin na para bang nahiya at nagsibungisngisan. Di ako natuwa. Pakiramdam ko pinagtatawanan nila ako dahil wala ang swabeng bigote ko. Di lang nila alam na iritable ako dahil hanggang sa mga oras na iyon ay namamanhid pa rin ang mukha ko.

Kahit mag-isa lang ako, sa mesang pang-apatan ako umupo malayo sa mga babaeng humalay sa pagkatao ko gamit ang kanilang mga tingin. Akala nila siguro mayaman ako, ang di nila alam wala talaga akong pera at hanggang Jerjer Steak lang ang kaya ko. Ngunit bago ko pa ilapag ang pagkaing bitbit ko agad na ninakaw ni Jose Rizal ang atensiyon ko dahil tahimik siyang nakaupo sa isa sa mga upuan sa mesang napili ko. May piso.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nakakita ako ng piso sa isang lugar na hindi ko inaasahang makikita o makikita ko pa siya. Kadalasan sa jeep. Isipin mo na lang, kung gano karaming tao ang labas-pasok sa mga lugar na ito. Imposible na kahit isa man sa kanila ay hindi napansin ang munting baryang nagtatangkang sumilaw at bumulag sa ating mga mata. Tulad ko.

Ilang minuto ring nagtalo ang mga nilalang sa aking utak. Mula nang magsimula ako kumain hanggang sa dumighay na ako, di pa rin naalis sa diwa ko ang piso. Kanya-kanyang dahilan kung dapat ko bang kunin o hindi ang nanahimik na barya sa katabing upuan ko. Sumisingit ang aking hiya na baka may makakita sa akin at isiping sabik ako sa piso. Nangingibabaw din ang panghihinayang dahil piso rin yun, pambili ng cherry  balls. At akalain mo bang naisip ko pa na may hidden camera sa paligid at inaantay lang ang ikikilos ko at biglang lalabas si Michael V sabay sigaw ng, Yari Ka!?!

Gayunpaman, nabusog ako, nagpasalamat sa pagkain at tumayo. Iniwan kung paano nadatnan ang piso. At hinangad ko na lang na sana, kung may makakakuha nong piso ay yung manong na lang na paikot-ikot upang linisin ang mga pinagkainan.

Hindi lahat ng oportunidad na dumadating sa buhay natin ay dapat nating sunggaban. Masarap ang magbigay. Nakakalason ang pagiging makasarili. Hindi mo pwedeng gawin ng sabay-sabay ang magkaibang mga bagay. Mahirap. Malay mo hindi pala ito para sa iyo. At inaagaw mo ang karapatan ng kapwa mo ng maging masaya dahil sa kahibangan mo.

This Blog Is Rated

November 6, 2008 - 3:40 am 78 Comments

Ola!

Bago ang lahat ay gusto kong magpaumanhin sa aking ilang linggo na walang babalang pagkawala. Kinailangan ko lang ayusin ang aking mapa para naman masabi kong may direksyon ang buhay ko nang hindi maligaw at malihis ng landas. Sa kabutihang palad, hanggang ngayon hindi pa rin ako tapos. At aking napagtanto na moderno na pala ang mundong ginagawalawan ko ngayon. Tenkyu Google Earth.

Gayunpaman, nagpapasalamat ako sa mga hindi nagsawang sumilip at mangumusta dito.  Nang dahil sa inyo, hindi nabobokya ang hits ko. Hindi man ako yumayaman sa bawat pagdalaw niyo sa akin ngunit pinatataba niyo naman ang puso ko dahil alam kong nandiyan lang kayo, naghihintay na holdapin ko. Salamat din sa mga nagtanong at nawa’y naging matiwasay ang inyong pamumuhay sa mga binitawan kong kasagutan sa mga bumabagabag sa inyong isipan.

May maikli lang naman akong ibabahagi sa pagkakataong ito.

Hindi ako sigurado kung paano nagsimula ang pagbo-blog sa Pilipinas ngunit alam naman nating lahat kung gaano na kalayo ang narating ng mga Pilipino nang dahil dito. Isa itong mabisang paraan kung nais mong ibahagi at makinig ang mundo sa mga saloobin mo . Ngunit kaakibat nito ay ang mabigat na responsibilidad sa bawat tiklado ng mga titik na manggagaling sa’yo.

May ilan na nagkaroon ng ibang bahagi ng buhay nila nang dahil sa pagbo-blog. Ang iba ay dito nakatagpo ng mga bagong kakilala, kaibigan, kabarkada, kasa-kasama sa mga pagtitipon, sosyalan at gimikan. Marami na rin ang gumagamit ng blogging bilang isang kumikitang kabuhayan. May nagiging tanyag pa nga ng dahil dito. At may iilan naman na para sa personal na dahilan lamang.

Kung ako ang tatanungin, isang malaking bahagi na ng pagkatao ko ang maging isang blogista. Marami akong bagay na naiisip at maraming nais sabihin. At epektibo ang lugar kong ito sa blogosperyo para ilahad ang lahat ng mga ito. Masaya ako sa bawat tugon na natatanggap ko, sang-ayon man o taliwas sa mga pinaniniwalaan ko. Ang mahalaga, pare-pareho tayong natututo.

Lubos kong ring ikinagagalak ang mga simpleng pagkilala at papuri na natatanggap ko.

For the people in ABS-CBN specifically of Rated K, I would like to express my deepest gratitude for considering this blog to be featured in your program. Too bad I ain’t a camera person and just too shy to see myself on TV.

To Mr. Hanz, thank you for being so patient and persistent enough. I apologize if I made you wait too long yet I declined at the end of the day. That offer is a big surprise for me and it’s not that kind of opportunity every blogger can have. That’s why we need to really think about it. It’s a mutual decision by the way. We just have some identity to protect.

To Mr. Joseph, thank you so much. You just have given me one of a good hell experience. He hehe. Up to this time I still can’t believe that I got to have that kind of offer. Well maybe next time things will work out right.

To Ms. Korina Sanchez, I will watch this Sunday’s episode. Promise!

Nandito na ulit ako.